Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Do Not Feel Bad About Unfulfilled Dreams

Do Not Feel Bad

About Unfulfilled Dreams

By Apolinario Villalobos

 

There is a popular adage, “life is what we make it”. All of us have limitations, hence, it follows that the life we live is based on our best effort, but hampered by limitations. We cannot be like what others are. We can strive, yes…but the result may not be the same as what others have accomplished. The problem with some of us is that they dream to be like somebody else which is impossible. Successful people can be looked up to as models or be admired, but cannot be exactly copied.

 

Success is relative. The degree and kind of success varies. In this regard, to avoid getting disappointed, one should accept what he has accomplished based on his capability and just strive a little harder to be able to accomplish more. He should not feel bad, for instance, because he did not become a manager like his friend, or a physician like another friend, or a mayor, etc.

 

Those who develop grudge because of their “failure” supposedly, equate success to fame which is wrong. Others feel that just because they did not become famous like others, they have become a failure. I can say that such kind of feeling is a manifestation of jealousy which breeds grudge….nothing else. Success in life is the happiness and contentment one feels every morning as he wakes up to another day….it is the joy felt in what he does.

 

We should not be occupied with gawking at what others are doing or be jealous with what they have accomplished. Each one of us has a different kind of life to live and concerns much different from the rest. On the other hand, the jealous attitude is most often the result of unnecessary and unhealthy rivalry in offices and other work sites. This is called professional jealousy which affects the operation and atmosphere.

 

Finally, successful people may wonder why some friends have suddenly kept a distance from them for no reason at all that they know of. There is something for these shunned successful people to ponder about…jealousy developed by their friends who have the habit of comparing themselves with others. Such unnecessary feeling made them jealous resulting to grudge that time may not expunge easily. My suggestion: a change in attitude…by being positive in living one’s life….and changing it for the better.

 

Ang Ulap at Pangarap

Ang  Ulap at Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan

Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo

Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago

Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.

Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw

Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang

Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –

Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.

Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo

Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan

Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan

Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.

Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap –

Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya

Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa

At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.

Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap

Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba

Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –

Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.

Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas

Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap

Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –

Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay

Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Ni Apolinario Villalobos

Ang puhunan ng Diyos nang likhain niya ang tao ay ang buhay nito na may kasamang talino. Ang tao naman ay dapat na tumbasan itong ibinigay na puhunan, sa pamamagitan ng pagsisikap. Ang pagsisikap ay likas nang bahagi ng ating pagkatao at naghihintay lamang na mapitik upang magising.

Walang katumbas na halaga ng salapi ang pagsisikap at hindi rin ito mawawala kailanman sa ating pagkatao. Habang may buhay tayo, nasa diwa natin ang pagsisikap upang mabuhay. Ang katanyagan at perang makakamit dahil sa pagsisikap ay maituturing na “tubo”. Ang tubong ito ay dapat na ituring na biyaya na dapat ay ipamahagi, hindi dapat maimbak. Maraming matutulungang tao kung ang mga tubong natamo dahil sa pagsisikap, ay magagamit nang walang pag-imbot.

Ampaw ang buhay na walang pagsisikap, dahil walang katuturan ang pamamalagi sa ibabaw ng mundo. Bawa’t tao ay pinaglaanan ng Diyos ng layunin sa mundo na kailangang matupad. Nagkakaiba ang mga layunin ng mga tao. At, lalo na ang pamamaraan ng pagsisikap upang makamit ang layunin ng bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manibugho sa mga nakamit ng iba na sa tingin natin ay nakakahigit sa nakamit natin.

Pagdating ng araw ng pagharap natin sa Kanya, hindi tayo tatanungin nang may panunumbat kung gaano kadaming pera ang ninakaw natin sa kaban ng bayan bilang tiwaling senador o kongresman. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang overseas workers ang naloko natin bilang illegal recruiter. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang kabataan ang napariwara natin sa pagbenta ng shabu. Ang itatanong lang sa atin ay kung nagamit ba nang maayos ang puhunang ibinigay niya sa atin …kung naging makabuluhan ba ang buhay natin sa mundo…na ang ibig sabihin ay kung pinagsikapan ba nating gawin ito at sa tamang paraan?

Nagawa naman kaya natin?