Ang Credit Card Bilang Status Symbol ng Ilang Pilipino

Ang Credit Card Bilang Status Symbol ng Ilang Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang paggamit ng credit card na kung tawagin ng iba ay “plastic money” ay dapat inaangkop o binabagay ng isang tao na gustong gumamit nito sa kanyang pinansiyal na kalagayan sa buhay. Unang-una, ang interest na pinapataw tuwing ito ay gamitin ay talagang matindi lalo pa kung naiipon ng kung ilang buwan. Sa biglang tingin, maliit ang binabayaran kapag gumamit nito sa pamimili dahil maaaring hatiin sa kung ilang hulugan ang pagbayad. Subalit ang hindi napapansin ay ang pagpatung-patong ng mga natirang babayaran pa na may kaakibat na compounding interest, at hindi napapansin ng gumagamit. Magtataka na lamang ang gumagamit nito kapag napansin niyang lalong lumala ang problema niya sa pera at may nakaamba pang demanda dahil sa hindi pagbayad sa lomobong utang sa credit card company.

 

Tanggap ang katotohanang nagpapalakas ng loob ang credit sa mga taong bumili ng kahit hindi nila kailangan, lalo pa at nasa loob na sila ng mall. Ang isa pa, nakakahiyang bumili gamit ang credit card, sa maliit na halaga, kaya kailangan ay lakihan na upang hindi pandilatan ng dispatsadora kung ang binili ay halagang wala pang Php100.00.

 

Ang credit card ay sumisira sa kasabihan ng mga Pilipino tungkol sa “pamamaluktot kung maigsi ang kumot”. Ang kasabihang yan ay angkop lamang sa mga may hawak na cash, kaya kung ano lang ang kaya ng pera nila ay hanggang doon na lang sila. Kung ang kaya ng cash halimbawa na dapat bibillhing pagkain ay halagang Php500 lang, hanggang doon na lang talaga. Pero, iba kapag ang hawak ay credit card dahil karaniwang maximum limit of purchase nito ay hindi bababa sa Php20,000. Yong may  kakayanan namang magbayad ng malaki batay sa suweldo nila at kinalalagyan sa lipunan, ay unlimited.

 

Ang mga Pilipino na ang asawa ay nasa abroad o di kaya ay seafarer at malalaki pa ang suweldo ay may karapatan sa paggamit ng credit card dahil may inaasahan silang regular na malalaking remittance. Ang hirap lang sa ibang Pilipino kasi,  kahit ang suweldo ay lampas lang ng kaunti sa Php10,000 ay nagkakalakas na ng loob sa pagkuha nito….at, hindi lang isa, kundi dalawa pa, lalo pa at pwedeng gamitin ang card sa pag-withdraw ng cash sa ATM. Ang ginagawa kasi nila ay ang style sa pagbayad na “pasa-pasa”. Ibig sabihin, magwi-withdraw sila ng cash gamit ang isang card upang pambayad sa bill ng isa, at ganoon din ang gagawin sa isa, upang may pambayad sa isa pang card. Nasabi ko ito dahil marami na akong taong nakausap na ganito ang ginagawa. Kapag umabot na sa puntong hindi na talaga kayang magbayad ay magre-resign sa trabaho, magpapagawa ng ibang ID sa Recto gamit ang ibang pangalan, at magtatago….at pagkalipas ng ilang buwan o taon ay saka lilitaw at hahanap ng trabahong hindi nagri-require ng masinsinang background check, kaya nagagamit nila ang pekeng ID.

 

Kaya hindi nati-trace ang ibang abusadong credit card holders ay dahil nangungupahan lang sila sa mga squatter’s area. Yong iba naman ay nagbo-board and lodging o di kaya ay bedspacer sa mga liblib na address. Kawawa ang mga guarantor nila na sumasalo sa mga bayarin. Yong ibang guarantor naman kasi ay nasisilaw sa kikitaing “referral commission”, kaya dahil sa katakawan sa kakarampot na kita ay lumaki pa ang problema nila, at may banta pang demanda.

Ang isang nakakatawang ugali ng ibang Pilipino ay ang pag-ipon nila ng mga expired na credit card at dinidispley sa kanilang pitaka, lalo na yong mahaba na may maraming slots para sa mga ito. Pagbukas nga naman nila ng pitaka sa harap ng mga kaibigan ay kita agad ang mga plastic cards. Yong hindi nakakaalam sa tunay na pagkatao ng nagyayabang lalo pa kung maporma ay talagang maniniwala, kahit sa tunay na buhay ang mayabang ay maliit ang suweldo at halos walang pamasahe na magamit sa pagpasok. Alam ko yan, dahil sa trabaho ko noon, marami silang naging kasama ko – mga clerk at yong isa ay messenger/janitor….may mga credit card pero pinagpapalit-palit ang Lunes, Miyerkules at Biyernes na pinapalyahan o hindi pinapasukan dahil walang pamasahe! At, yong mga umutang sa akin na nagkaroon ng amnesia dahil nauntog yata, ay pinasa-Diyos ko na lang…

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Magpapasko pa naman!…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Magpapasko pa naman!

…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat ay isama ng mga moralista ang pagbawal sa paggamit ng expression na “magpapasko pa naman” na tumutukoy kay Hesus, tuwing may kalamidad na mangyari bago sumapit ang “pista” na ito. Halatang ang habol lang talaga sa pistang ito ay mga kasiyahang dulot ng bonus, pagkain, gifts, Christmas lights, simbang gabi, caroling, etc.

 

Tuwing may kalamidad na nangyayari bago magpasko, ang mga naaawa sa mga nasalanta ay nagsasabi ng nabanggit na expression dahil siguro iniisip ng mga “naaawa” na ito, na mami-miss ng mga nasalanta ang mga kasiyahan, at hindi dahil bertdey ito ni Hesus… isang isyu ding kinukuwestiyon. Bakit hindi na lang dumamay at magbigay ng tulong dahil kailangan ng mga nasalanta at hindi dahil sa kung anu-ano pang dahilan tulad ng pasko?

 

Ang sabi ng mga researchers, ang talagang bertdey ni Hesus ay sa unang linggo (week) ng Abril. Ginamit ng mga matataas na opisyal ng simbahang Katoliko na mga Romano ang Disyembre dahil dati na itong ginugunita ng mga pagano sa Roma…isang makamundong pista na puno ng mga kasiyahang nakikita sa pagbaha ng pagkain, alak, at kalaswaan. Ang talagang orihinal na ginugunita ng mga Hudyo noon pa man ay ang araw ng pagbinyag kay Hesus na nakatala sa mga sinaunang records na ang iba ay inilagay sa Bibliya. Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa eksaktong bertdey niya. Ang sinasabi lang ay panahon ng pag-census ng mga Hudyo kung kaylan ay nataon sa pagpanganak kay Hesus. Ang census na ito ang ginawang batayan ng mga mananaliksik upang matukoy ang “panahon” at ang buwan batay sa kalendaryong pinagamit ng Roma sa mga nasasaklaw ng Kristiyanismo.

 

Sa makabagong panahon, maski sinong bata ay umaasam ng mga regalo tuwing sasapit ang pasko dahil ito ang itinanim sa isip nila ng mga nakakatandang Romanong Katoliko. Inaasahan nila ang paglundo ng mesa sa bahay dahil sa dami ng pagkaing idi-display. Ang mga tin-edyer naman ay excited sa pagsapit ng simbang gabi dahil magkakabandingan na naman sila ng mga kabarkada, at ang iba naman ay magliligawan – sa labas ng simbahan. Ang mga talagang isip at asal demonyo ay may lakas ng loob pang magsuot ng mga damit na kung hindi manipis ay may plunging neckline naman, at ang lalong malaswa ay ang pagsuot nila ng short shorts na nagdi-display ng maitim naman nilang kuyukot! Ang iba naman ay magdi-displey ng mga alahas na tulad ng ginagawa nila sa pagdalo ng misa kung araw ng Linggo.

 

Ang isa pang itinuro ng simbahang Romano Katoliko upang mapilitang magsimba araw-araw ang mga kasapi ay ang pagbuo ng siyam na araw upang matupad daw ang kanilang mga hiling! Hindi ba ito katarantaduhan….dahil wala naman yan sa Bibliya? Ang dapat na itinanim sa mga kasapi ng simbahang Romano Katoliko ay ang sakripisyo na kaakibat sa pagdalo sa misa tuwing madaling araw o gabi, upang pagdating ng talagang “kapanganakan” ni Hesus, ay hindi nakakahiyang humarap sa kanya….hindi yong hihiling ng kung anu-ano para sa sarili na kalimitan naman ay pera. Pati ang mga prutas na kung ilang piraso na puro bilog ay kasama din sa kinalolokohan ng mga Pilipino…pero ito ay paganong paniniwala naman ng mga Intsik na isinabay sa pasko at bagong taon dahil nakita ng mga taong ito ang malaking kikitain na resulta ng panloloko nila…mga negosyante kasi!

 

Bakit hindi sundin ang panawagan ng mismong santo papa na si Francis na sa paggunita ng “kapanganakan” ni Hesus, dapat ay iwasan ang pagiging materialistic?…dahil ba marami ang gustong magpakita ng karangyaan? Bakit pa ituturing ng mga Katolikong “tatay” nila si Francis kung hindi rin lang siya pakikinggan?…dahil ba sagad-buto na ang kanilang pagiging makasarili?

 

At, kung seseryusuhin na talagang “bertdey” ni Hesus ang isi-celebrate bakit hindi sa isang araw lang – ang pinaniniwalaang December 25? …dahil ba ginagamit ito bilang dahilan upang mag-celebrate ng mga makamundong bagay na orihinal na ginagawa ng mga pagano sa Europe?

 

Pinagmamalaki ng mga Pilipino ang “pinakamahabang pasko” sa buong mundo, pero kung talagang iisipin ang diwa ng pasko…ang kahabaang ito ay dapat ikahiya dahil sa kahirapang dinadanas na ng mga Pilipino at kalagayan ng Pilipinas! Nakakahiyang Setyembre pa lang ay hindi na magkandaugaga ang karamihan sa paglagay ng mga palamuti na para bang “mauubusan na ng pasko”. Kanya-kanya ang mga lunsod at bayan sa pagtayo ng mga giant Christmas tree pati mga lugar kung saan ay may mga kalakalan tulad ng malls. Ang maririnig sa radio ay mga kantang pang-krismas. Ang nakikita sa mga TV screens ay mga pagkaing mararangya na pang-pasko, etc….hanggang Enero ito. Habang nangyayari ang mga nabanggit , marami namang mga Pilipino ang halos hindi makakain ng kahit isang beses sa isang araw. Ang iba, makakain lang ay namumulot ng mga tira-tira sa basurahan.

 

Ang mga Pilipinong ayaw tumingin sa katotohanang ito, simple lang naman ang mga sagot: “kasalanan ko ba kung naghihirap sila at kaya naming gumastos?”, o di kaya ay, “kasalanan nila kung bakit sila naghihirap, dahil tamad sila!”….masasabi bang tamad ang isang taong nauulanan na’t lahat at halos malapnos na ang balat dahil sa init ng araw ay nangangalkal pa rin ng basura?

 

Peace to all!!!!

 

Pagkatapos ng Mamasapano Massacre…isusumpa ng mga tanga ang cellphone

Pagkatapos ng Mamasapano Massacre
…isusumpa ng mga tanga ang cellphone
Ni Apolinario Villalobos

Isang gadget na pang-status symbol ang cellphone, lalo na sa kabataan. Yong iba nga dinidespley pa ang mahal nilang cellphone kaya kapag inagawan ay walang magawa kung hindi man magsisigaw ay tatanga na lamang. Pahamak ang cellphone dahil mitsa din ito ng buhay.

At lalong pinakita ng cellphone ang pagiging instrumento nito ng “kapahamakan” tulad ng nangyari sa Mamasapano. Dahil gumamit si Pnoy, Purisima, Napeῆas, at iba pang opisyal ng kapulisan at military, nairekord tuloy ang kanilang usapan. Nabisto ang kata…..han ng mga nagpipilit na walang kinalaman, lalo na ang naghuhugas-kamay. Siguro ngayon, ang mga taong ito ay nanginginig kapag nakakita ng cellphone!

Ayaw ko nang banggitin kung sino ang mga tanga sa paggamit ng cellphone sa isang maselan na operasyon dahil tulad ng sinabi ko noon sa isa pang blog, maaari itong i-disable gamit ang isa pang instrument, o di kaya ay magiging inutil kung palyado ang signal sa lugar kung saan ito ginagamit. May radyo naman pala at via satellite pa ang signal, ay kung bakit hindi ginamit. Talagang matalino ang Diyos na hindi na rin siguro makatiis dahil ang mga katangahan, kaluwagan, kahinaan, kalamyaan, inggitan, at kabobohan ay abot-langit na!

Ginamit ko lang ang salitang “tanga” na ginamit ng isang tao sa pag-alipusta at pag-aakusa sa isa pang tao. Binabalik ko lang sa kanya ang salita, sa ngalan ng “Golden Rule” (huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo)….sana ay maunawaan ako ng makakabasa at huwag sana nilang isipin na mahilig ako sa ganitong klaseng katangahan!