Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

(tungkol ito sa “chain prayer” at iba pa)

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming paraan ang maaaring gamitin sa pagpalaganap ng pananalig o pananamapalataya sa Diyos. Subali’t magandang gawin ito sa paraang walang karahasan o pamimilit.

 

Ang isang halimbawa ay ang ginagawa ng ISIS sa Gitnang Silangan na gumagamit ng dahas upang maisakatuparan ang hangad nilang mapalawak ang pamumuno ng “Islamic Caliphate”. Inabuso din nila ang tunay na kahulugan ng “jihad” na ginamit nilang pangbalatkayo sa pulitikal nilang layunin.

 

Ang iba naman ay gumagamit ng “literal” na kahulugan ng mga sinasabi sa Bibliya upang ipakita na malawak na ang narating sa kababasa ng nasabing libro. Hindi man lang nila naisip na ang Bibliya ay may iba’t-ibang bersiyon na ginagamit ng iba’t- iba ring relihiyon. Ang matindi pa nga ay ang sinadyang pagkaltas ng ibang bahagi ng nasabing libro upang umangkop sa layunin ng mga namumuno ng relihiyon.

 

May mga taong sumasampa sa mga bus at jeep o di kaya ay nagtitiyagang magsalita sa matataong lugar tulad ng palengke. Ang iba naman ay naghahanap ng makikinig sa kanila kaya umiistambay sa mga mall at liwasan o park tulad ng Luneta. Karamihan sa kanila ay nag-resign sa trabaho upang bigyan ng halaga ang “nararamdaman” daw nilang utos sa kanila ng Diyos, kaya ang resulta….pagtigil ng pag-aaral ng mga anak, at kagutuman ng pamilya. Ang mga nasa palengke naman ay matiyaga din, at kadalasan ay grupo sila – habang ang isa ay nagsasalita o kumakanta sa harap ng mikropono, ang mga kasama naman niya ay nakakalat hanggang sa paligid ng palengke na hindi na abot ng loud speaker, lumalapit sa mga tao habang may hawak na lagayan ng “donation”.

 

Noong wala pa ang computer, ang tawag sa daluyan ng teknolohiyang hatid ng radyo at telebisyon ay “air wave”. Ngayon naman ay may mas malawak na daluyang kung tawagin ay “cyberspace”. Kung noon ay may “air time” na binabayan ang mga maperang pastor na kung tawagin naman ay “block timer” upang magpalaganap ng mga salita ng Diyos ayon sa kanilang paniniwala, ngayon ang napakasimpleng gagawin lang ng isang tao ay magbukas ng facebook account, at presto!…mayroon na siyang venue, o outlet, o labasan ng kanyang mga saloobin.

 

Ang “facebook” naman ay para lang sana sa mga larawan ng mga magkaibigan upang maipakita nila ang  aktwal nilang hitsura o mga ginagawa lalo na ng pamilya, na maaring samahan ng maikling bagbati. Subalit dahil nakita ang lawak ng inaabot ng facebook, naisip ng mga may malakas na pananampalataya na magpalaganap ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng paglagay sa “frame” ng mga dasal na ginamit sa “chain” o tanikala upang marami ang marating na kaibigan. Ang nakasama ay ang “babala” o warning na kung hindi ipagpapatuloy ng nakatanggap ay may mangyayaring sakuna o kamalasan sa kanyang buhay. Ang mga may mahinang pundasyon ng pananalig ay natataranta at natatakot dahil kung minsan ang natatanggap nila ay may warning na  “dapat ay sa 50 na kaibigan” ipaabot. Kaya ang mga kawawang nakatanggap na ang kaibigan sa facebook ay wala pa ngang 10 ay  hindi na magkandaugaga sa paghanap ng iba pang tao kahit hindi gaanong kilala upang umabot lang 50 ang kanyang padadalhan! Ang iba ay hindi makatulog dahil dapat daw ay ikalat ang dasal sa loob ng 24 na oras!

 

Sa isang banda, hindi dapat ipinipilit ang pagyakap sa isang paniniwala na mula’t sapul ay ayaw ng isang tao. Hindi dapat idaan sa “chain prayer” ang pagpapalaganap ng pananalig sa Diyos, kung mismong ang nagpadala ay hindi rin gumagawa ng dapat gawin ayon sa dasal na ikinakalat niya. Paano kung ang pinadalhan ay bistado ang ugaling masama ng nagpadala? Alalahaning hindi nakokontrol ang ganitong uri ng pamamahagi o sharing at hindi maiwasang magkakabistuhan ng ugaling “plastic”. Ang mangyayari niyan, baka libakin pa ang nagpada ng “chain prayer”, ng mga pinadalhan niya dahil sa kanyang pagkukunwari. Yan ang dapat pag-ingatan sa paggamit ng “social media” tulad ng facebook.

 

At, ang pinakamahalaga….dapat alalahaning, mas malakas ang internet sa “itaas”….iba ang gusto ni Lord na mangyari, ang ipakita sa gawa at kilos ang mga Salita Niya, hindi ipakalat sa facebook na may kasamang pananakot….dahil marami nang taong pagod sa mismong pananakot ng ibang relihiyon na ang gagawa ng masama ay “mahuhulog sa nag-aapoy na impyerno”!

 

Ang Laptop Kong Bungi…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ang Laptop Kong Bungi

…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ni Apolinario Villalobos

 

Wala siyang teklado para sa letrang “M” subalit subok ang tibay dahil kahit bahayan ng langgam ang mga kalamnan ay hindi sumusurender maski pa maghapong gamitin. Ilang taon din siyang nagtiis sa pagtipa ko sa teklado ng kanyang mga letra at simbolo, yon nga lang, pagdating sa bunging bahagi para sa letrang “M” ay kailangang maingat ang aking pagpindot. Malaki ang utang na loob ko sa laptop na ito dahil lahat ng mga saloobin ko ay kinakaya niyang ipunin…i-absorb, kaya siguro kung mayroon lang siyang bituka baka palagi siyang nagsusuka, o di kaya kung may puso, ay matagal na siyang na-heart attack. Kahit halos mamuwalan na siya sa mga pinapakain kong nakakasuka at nakaka-heart attack na mga isyu, ay hindi siya nanghihina man lang.

 

Ang problema lang ay ang colonial niyang mentality dahil may mga salitang Pilipino na pinagpipilitan niyang baybayin sa Ingles kaya kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang mga naisulat niya upang ang “namin” ay hindi maging “naming”, o di kaya ang “hindi maging” ay hindi maging “hind imaging”, ang “letra” ay hindi maging “letre”, at marami pang ibang salitang Pilipino na tinatarantado niya….sutil kasi.

 

Minsan ko na rin siyang nadunggol dahil sa sobrang antok nang bumagsak ang noo ko sa kanya, subalit hindi siya nagreklamo kahit sa pamamagitan ng pag-kuryente man lang sa akin. Nalaman kong nasaktan ko siya nang maramdaman ko sa aking pisngi ang kanyang pag-overheat makalipas ang dalawang oras ng pagkakatulog. Literally, I slept on my laptop! Siguro kung nakakatawa lang ang butiki ay hinalakhakan na ako dahil sa hindi kalayuan ay may nakita akong dalawa na halos hindi gumagalaw dahil siguro nagulat, pero nagpulasan nang tiningnan ko sila ng masama.

 

Hindi mitsa ng buhay ko ang aking mahal na laptop dahil old-fashion siya, luma na kasi, kaya kahit bitbitin ko siyang hubad, ibig sabihin ay hindi nakalagay sa bag, walang magkaka-interes. Parang babae rin na dahil naitatago ng pagka-old fashion ang kanyang ganda, siya ay malayo sa posibilidad na magahasa! Kaya ang mga babae ay hindi dapat magpakita ng motibo o pag-anyaya upang magahasa…magpaka-simple o magpaka-old fashion din kahit minsan….maliban na lang ang mga desperada!

 

Para ring tao ang aking laptop na nag-undergo ng operasyon at pagtapal dahil marami na rin siyang diperensiya maliban sa pagkabungi. Ang dating ayaw pumermanenteng pagtayo ng screen kaya nilalagyan ko pa ng suporta sa likod, ay naremedyuhan ng isang doktor ng mga laptop – may ginalaw sa kasu-kasuan o joints nito kaya nakakatayo na ngayon nang tiyeso. Ang dating sugat sa gilid dahil nabasag ay natapalan na rin ng karton kaya ngayon ay buo na siya – good as new!

 

Ang kuwento ng laptop ko ay maihahalintulad din sa kuwento ng alagang hayop na pinagkakautangan dapat ng loob ng nag-aalaga dahil sa dulot nilang therapeutic relief, o di kaya ay iba pang bagay na napakinabangan para sa araw-araw na pamumuhay. May utang na loob tayo sa kanila. Hindi sila dapat binabale-wala nang basta-basta pagkatapos pagsawaan o kapag nagkaroon ng bago, lalo na ngayong pasko.

 

Hindi din dapat ganyan ang mag-asawa na pagkalipas ng maraming taon ay basta na lang makaramdam ng pagkasawa sa isa’t isa, kaya nagkakanya-kanya na sa pagrampa upang maghanap ng ibang mapagparausan. O di kaya ay ibang mga anak na pagkatapos iluwal ng ina at palakihin ng ama ay walang pakundangan kung sila ay balewalain o ikahiya sa ibang tao dahil walang pinag-aralan o di kaya ay hindi maganda o guwapo tulad ng mga magulang ng mga kaibigan nila, o di kaya ay amoy pawis dahil sa pagtinda sa palengke, hindi tulad ng magulang ng classmate nila na nagtatrabaho sa aircon na opisina.

 

Pairalin natin ang utang na loob. Magbago tayo….bilang pasalubong sa bagong taong 2016!

laptop kong bungi

 

 

 

Ang Bibliya

Ang Bibliya
Ni Apolinario Villalobos

Dahil nadikit sa imahe ng relihiyong Kristiyano ang Bibliya, ang mga hindi naniniwala sa Diyos ay umiiwas dito. Tingin kasi nila dito ay animo nagbabagang kuwadradong bakal na umuusok sa sobrang init. Sa Bibliya nakasaad kung paanong nagsimula ang unang relihiyon ng tao sa disyerto ng Israel. Ganoon pa man, hindi dapat pangilagan ang Bibliya ng isang taong hindi Hudyo o Kristiyano, dahil kinapapalooban din ito ng interesanteng mga kuwento noong unang panahon, kahit pa sabihin ng iba na ang mga ito ay “alamat”. Sa isang banda, dahil sa mga tuluy-tuloy na pananaliksik na naging matagumpay, napatunayang ang mga sinasabing “alamat” ay may katotohanan pala.

Hindi ako pantas pagdating sa Bibliya at pag-aaral nito. Ang binabahagi ko ay batay lamang sa aking mga karanasan sa pagbasa nito at kung paano kong nagawang makakuha ng kasiyahan mula sa mga pahina nito. Ang sikreto ko ay pagturing sa Lumang Tipan na parang “National Geographic Magazine” dahil puno ito ng kasaysayan. Ang Bagong Tipan naman ay itinuturing kong “Reader’s Digest”, dahil sa mga makabago nitong kuwento ng buhay.

May mga kuwento sa mga pahina ng Lumang Tipan na ang pahiwatig ay hawig sa mga pangyayaring may kinalaman sa extra- terrestrial phenomena…pumunta lamang sa mga pahina tungkol kay Ezequiel. May mga pangyayari ding hindi nalalayo sa mga nangyayari sa kasalukuyan sa Gitnang Silangan, kaya parang nagpapatunay na umuulit ang kasaysayan.

Sa Bagong Tipan din nakapaloob ang mga kuwento na hawig sa mga nangyayari sa kasalukuyan tulad ng kaguluhan dahil sa corruption, paglutang ng ilang tao upang labanan ito pati na ang pagka-ipokrito ng ilan na ang turing sa mga sarili ay bukod-tanging mapupunta sa langit dahil literal na sumusunod sila sa “utos” nd Diyos.

Upang hindi umiskiyerda ang isip sa pagbasa ng Bibliya, laktawan ang hindi masyadong maunawaan. Iwasan ding magkaroon ng “missionary complex”, isang ugaling namumuo sa isang nagmamarunong sa mga Salita ng Diyos, kahit lilimang pahina ng Bibliya pa lamang ang nabasa. Buksan din ang isip sa mga diskusyon tungkol sa Bibliya, dahil may kasabihang “two heads are better than one”, eh di, lalo na kung marami ang nagbabahaginan ng kaalaman.

Itanim sa isip ang katotohanang may Diyos kahit hindi Siya nakikita, at siya ang gumawa ng lahat ng bagay sa sanlibutan…at pati na sa sanlibutan. Kahit pa sabihin ng iba na ang mga “extra terrestials” na nakita ng mga tao noong kapanahunan ng Bibliya ang unang mga “misyonaryo”, at inakala nilang Diyos, dapat itanim sa isip na may gumawa pa rin sa mga “extra terrestials” na ito, kaya talagang may Nag-iisang makapangyarihan sa lahat.

Hindi dapat pagtalunan ng mga tao na nagkakaiba ang pananampalataya ang kaalaman nila sa Bibliya. Dapat igalang ang paniniwala sa Diyos na ang batayan ay Bibliya. Kahit pa sabihing nagkakaiba ng bahagya ang iba’t ibang bersiyon ng Bibliya, ang laman ng mga ito ay tungkol pa rin sa Diyos. Upang maiwasan ang pagtatalo tungkol sa kaalaman sa Bibliya, dapat isaisip na lang na ang mga mensahe ng Bibliya ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao.

Ang Bibliya ay Aklat ng Buhay…Salita ng Diyos, kaya pati ang ibang nilalaman ng Koran ng relihiyong Islam ay galing dito. Ang ibig sabihin, kung ang mga Muslim ay nagbibigay galang sa Bibliya na nagpapahiwatig ng kanilang paniniwala dito, bakit hindi kayang gawin ng mismong mga Kristiyano? At, ang pinakamahalaga ay ang uulitin kong paalala na hindi dapat pagtalunan ang “kaalaman” tungkol sa Bibliya…upang sa ganoong paraan man lang ay mabibigyan ito ng respeto!