Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi maganda sa isang tao ang sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain. Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang mga ito ay itinuturing na marumi at salot.

 

May isa akong kaibigan na sa sobrang kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng, “o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!

 

May mag-asawa naman akong kilala na dati ay bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room dancing na rin.

 

Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang sakit na pangmayaman.  Subali’t hindi maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay, o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!

 

Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng limpak-limpak upang  masupurtahan naman ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin, food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef,  bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may kulay at artipisyal na lasa.

 

Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao, upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal?  Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman ng mga buwaya at buwitre sa Customs!

 

Ang legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao…. isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay…. upang makontrol ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!

 

Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan, baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at  baka biglang mawala ang wildlife na magiging delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!

 

Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga walang kaluluwa ang pera ng bayan!

 

May Nagmagaling na Namang Opisyal ng Gobyerno

May Nagmagaling na Namang

Opisyal ng Gobyerno

…noon si Petilla, ngayon si Garin naman

Ni Apolinario Villalobos

Nakakagulat at nakakagalit ang ginawang pagbisita ng OIC ng Department of Health (DOH) na si Janet Garin at Gen. Catapang sa isang isla sa Cavite kung saan ay naka-quarantine ang mga sundalong galing sa peace keeping mission sa isang bansa na may epidemya ng ebola. Sa kagustuhan nilang ipakita na wala dapat katakutang ebola dahil hindi naman daw nabitbit ng mga sundalo, biglang naisipan ng mga pumapapel na bisitahin ang nanahimik na mga sundalo sa isla! Ang tanong ngayon ay, bakit dinala pa ang mga sundalo sa isla upang ma-quarantine? Siguradong gagayahin sila ng mga pamilya ng mga sundalo na magpipilit pumasyal sa isla dahil wala naman palang dapat katakutan, lalo na at mismong taga-DoH pa ang nagsalita.

Nagpapakitang gilas ang OIC ng DOH na si Garin. Gusto yatang pumalit agad sa nakaupong kalihim na ngayon ay may hinaharap na kaso. Mabilis ding magkaila si Garin na ang mga sintomas ng mga dinaramdam ng mga sundalo, kahit hindi pa nasususri ay hindi daw sanhi ng sakit ng ebolal. Ang hilig manguna…nagmamagaling….talagang pumapapel! Dapat hintayin niyang matapos ang quarantine period ng mga sundalo bago siya magyabang. Dahil sa ginawa nila, dapat i-quarantine din ang grupo ni Garin sa isla dahil inilalagay nila sa balag ng alanganin ang sitwasyon ng bansa lalo na at naka-schedule ang pagbisita ng santo Papa, at sa harap ng masugid na pag-promote ng turismo ayon sa inaadhika ng ASEAN.

Ang ipinapakita ni Garin ay palatandaan ng isang opisyal na sipsip. Dapat ang mga tulad niya ang tinatanggal sa tungkulin dahil hindi nakakatulong sa pangulo na dapat ay binibigyan ng mga tamang impormasyon. Marami ang tulad ni Garin sa gobyerno na sa pamamagitan ng pagpapapekl ay pilit pinagtatakpan ang kahinaan nila bilang mga kalihim o opisyal sa ilalim ng administrasyon ni Aquino.

Ang pagmamagaling ni Garin ay ipinakita rin ni Petilla, kalihim ng Department of Energy. Sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan, gusto agad niyang ipakita na walang problema sa kuryente, sa ilalim ng administrasyon ni Aquino. Makalipas ang ilang buwan, sinabi na niya na may nakaambang problema. Bandang huli, nagpanukala na ng emergency power para kay Aquino dahil delikado na ang supply ng kuryente sa susunod na taon, subalit napatunayan naman sa isang Senate hearing na hindi naman pala totoo. Sa nangyari, abut-abot na kahihiyan ang bumuldyak kay Petilla, na sa kabila ng panawagang mag-resign siya ay kapit-tuko pa rin sa puwesto! Hindi lalayo ang ginagawa ng dalawa sa ginagawa ni Dinky Soliman ng DSW, na pinagtatakpan ng maling report ang mga kapalpakan ng kanyang ahensiya.

Ang Kayabangan ng DOH

Ang Kayabangan ng DOH

Ni Apolinario Villalobos

Sa pagputok ng mga balita tungkol sa Ebola virus sa ilang bansa ng Africa, umiral na naman ang kayabangan ng Department of Heatlh (DOH). Hindi malaman kung ano ang gustong patunayan ng ahensiyang ito ng Pilipinas, pagdating sa pagtupad ng kanilang papel sa pagpangalaga ng kalusugan ng mga Pilipino. Baka gusto rin ng ahensiyang “isalang” ang mga sobra-sobrang mga narses at doktor na bumabaha sa bansa, mga nakaistambay at nagtitiyaga ng “allowance” na karamihan ay hindi pa umaabot ng sampung libong piso. Kung ang ikalawang nabanggit na dahilan ang gustong pairalin, parang gusto na rin ng ahensiya na magpakamatay ang mga Pilipinong narses at doktor sa Africa. May mga balita nang sa kabila ng halos balot-suman nang ginawa sa mga narses at doktor na nag-atupag sa mga pasyente sa mga bansang nasalanta ng Ebola virus, may mga nahawa pa rin.

Kayabangang maituturing ang pag-iingay ng DOH tungkol sa pagboluntaryo ng mga Pilipinong doktor at narses, dahil hindi nga nila magampanan ang inaasahan sa kanila dito sa ating bayan. Maraming mga barangay health centers na walang mga nars at doktor. Sana yong malaking budget na kinwestyon dahil inilagay ng DOH para sa research ng steam cell ay inilaan na lang sa mga allowances o sahod ng mga narses at doktor na itatalaga sa mga health centers. Kung ang mga barangay na nasa mauunlad na bayan at lunsod ay walang mga narses at doktor, paano na kaya ang mga liblib na barangay?

Dapat maghinay-hinay ang namumuno ng DOH na si Ona, sa pagsambit ng mga kung anong nasa kanyang diwa…na karamihan ay wala namang binatbat. Mas magandang asikasuhin niya ang mga sinasabing nag-eekspayrang mga gamot na nakaimbak lang, hindi maipamahagi dahil wala ngang mga doktor na mamamahala. Asikasuhin din niya ang mga nakatira sa mga iskwater na nakapaligid lang sa kanyang opisina, hindi ang magyabang ng kung anu-anong plano na hindi naman realistiko o makatotohanan. Ibig sabihin, tumigil siya sa pag-iingay upang mapansin ng media at makabawi sa kahihiyang tinamo sa kayang steam cell project na maliwanag na ang tinutumbok na makikinabang ay mga mayayaman!