Ang Pagninilay-nilay Tuwing Semana Santa

Ang Pagninilay-nilay Tuwing

Semana Santa

Ni Apolinario Villalobos

 

Uumpisahan ko ang share na ito sa pagpuna tungkol sa ilang bagay tungkol sa ginugunita ng mga Katoliko. Tulad halimbawa ang “semana santa” na sa Ingles ay “holy week”, at kung tagalugin ay “banal na linggo” pero hindi ganoon ang nangyayari dahil ang ginagamit ay “mahal na araw” na tumutukoy sa “isang araw” lang…anong araw ito? Biyernes santo ba? Sa dasal na “Hail Mary…” kung sa Tagalog, ito ay “Aba Ginoong Maria…”. Bakit naging “ginoo” ang birheng Maria? Ang “ginoo” ay pantukoy sa lalaki. Bakit hindi, “Binibining Maria” o “Ginang Maria” at lalong sana ay “Birheng Maria” dahil siya ay babae? Sigurado kong marami ang magtataas ng mga kilay sa pagpuna kong ito.

 

Kaya ko inunahan ng mga pagpuna ang isinulat kong ito ay upang ipakita na karamihan sa mga gumugunita sa Semana Santa, ang pananampalataya ay ampaw…walang laman. Ang mga dasal, minimemorays, hindi pini-feel sa puso. Kung susunod sa mga panuntunan ng simbahan, parang wala sa sarili kung gawin ito, hindi iniisip. Kaya sa binanggit ko sa unang paragraph, maaaring kung hindi ko nasabi ay hindi rin mapapansin, dahil sa ugali ng karamihan na kung i-describe ay “parang wala lang”.

 

Maraming paraan ang pagtitika at pagninilay-nilay sa paggunita ng Semana Santa tulad ng  pagbisita Iglesia…paramihan ng pinupuntahang simbahan, subalit ang nakakalungkot ay hindi nila pagpalampas sa pag-selfie sa harap mismo ng altar! Pagkatapos ng mga pasyalang ginawa ay magpo-post sa facebook ng mga selfie, pati ng mga pagkaing nabili sa paligid o harap ng simbahan. Isa pa ring paraan ay ang tinatawag na “staycation”…ang hindi pag-alis ng bahay o bayan o lunsod kung saan nakatira, dahil marami rin namang magagawa maski hindi na lumabas pa. Sa ganitong paraan, nakatipid na ay nakapag-bonding pa sa mga mahal sa buhay, subalit karamihan pala ay nanonood lang ng mga DVD ng na-miss na mga pelikula!

 

Ang mga may perang magagastos, dumadayo pa sa mga bayang nakakaakit din ng mga dayuhang turista. At ang iba naman ay pinipili ang mga resort, swimming pool man o dagat upang mas maganda daw ang ambience ng pagninilay o pagmi-meditate….sana.  Yong iba kasi, ang pinagninilay-nilayan ay ang mga naka-bikining nagsi-swimming. Pero, ang matindi ay ang mga astig, na ang pagninilay ay ginagawa sa harap ng mga bote na ang etikitang nakadikit ay may imahe ng demonyo at ni San Miguel Arkanghel!

 

Ang mga pilosopo naman ay nagsasabi na taunan naman ang pagninilay-nilay at paghingi ng tawad o paglinis ng ispiritwal na aspeto ng pagkatao, kaya huwag mag-alala kung nakaligtaang magbisita Iglesia, magpinetensiya, o sumali sa pagbasa ng pasyon sa kasalukuyang taon dahil marami pang mga taon na susunod, at upang idiin ang pagkapilosopo, may dagdag pa na: “habang buhay…may pag-asa”.

 

Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit ang mundo ay tila niyuyugyog ng mga sunud-sunod na kalamidad? Idagdag pa diyan ang mga giyera sa pagitan ng magkakapitbahay na mga bansa at pagkalat ng mga terorista sa iba’t ibang bansa upang maghasik ng karahasan? At huwag ding kalimutan ang gutom at mga sakit na ang iba ay wala pang lunas.

 

Dahil sa labis na talino at pagkagahaman ng tao, nawalan na siya ng katinuan at kinalimutan na ang Manlilikha, kaya hindi lang simpeng pitik ang nararapat kundi mararahas na pambukas ng kanyang mga mata at kaisipan!

Ang Panggagaya ng Pilipino…nasobrahan, kaya naging magsagwa

Ang Panggagaya ng Pilipino
…nasobrahan, kaya naging masagwa
Ni Apolinario Villalobos

Nakakapagpayaman sa isang kultura ang makibahagi ng mga banyagang kultura, subalit ang kalabisan ay hindi na nakakatuwa, nagiging masagwa. Ganyan ang nagyari sa mga Pilipino na walang pinalalampas na impluwensiya ng ibang lahi pati sa panggagaya kay Kristo.

Ang isang halimbawa ay ang paggaya sa Haloween, kaya pagsapit ng araw na pagdaos nito, naglipana na rin ang mga pekeng “pumpkin” na may mga butas para sa mga mata, ilong at bunganga, may mga “witches” costume at “broomstick” din. May “zombies” pa! Nagkalat din ang mga binebentang nakakatakot na maskara, at costumes. Inaakit ng mga ito ang mga bata na nagpapatalbugan sa pinakanakakatakot na costume na may kaakibat na pagkamahal-mahal na halaga! Pati, mga bags kunwari ng goodies para sa trick or treat ay kalat na kalat sa mga mall. Kaylan nagkaroon ng Haloween ang Pilipinas? Ang meron sa Pilipinas ay paggunita ng Araw ng Patay – ang pinakanakakatakot nating araw sa kalendaryo….at hindi ginagawa ang pananakot kung gunitain ito. Nagsisindi ang mga Pilipino ng kandila sa puntod ng mga namayapang mahal nila sa buhay…at pag-uwi ay nagsasalu-salo sa nilutong simpleng kakanin o kalamay…yon lang!

Kung Banal na Linggo, okey lang gunitain ang Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay, pero, bakit may egg hunting pa? Ang mga hotel, at mall ay nagpapaligsahan sa pagdaos ng ganitong activity upang makaakit ng mga customer. Alam kasi nila na kapag mga bata na ang nagpumilit, walang magagawa ang mga magulang kaya sugod na lang sila sa mga venue at magrehistro na may kasamang mahal na bayad. Subalit may mga magulang na ring pasimuno, na mismong nagtatanim ng ganitong okasyon sa isip ng kanilang anak upang maging “in” daw sa uso!

Kung pasko, may mga Christimas tree na pilit binabalot ng nilamukos na puting papel de hapon na kunwari ay nyebe o “snow, o di kaya ay ng binating sabon na mas mukhang “snow”. Kaylan nagkaroon ng snow sa PIlipinas? Ang paggamit ng evergreen na puno ay ugaling pagano, pati ang paggamit ng garland na mistletoe. Kung ang ginugunita ay kapanganakan ni Hesus, kabaligtaran ang mga ginagawa ng mga Kristiyano. Si Hesus ay ipinanganak sa isang hamak at simpleng lugar na kung hindi sa kuweba ay sa kuwadra ng mga hayop, kaya kadalasan ay ipinapakita ang imahe niya na nakahiga sa sabsaban. Walang Christmas tree sa tabi niya at wala ding snow. Ayon pa sa mga mananaliksik, nang ipinanganak siya ay tag-init, buwan ng Abril, hindi tag-lamig na buwan ng Disyembre.

Ang mga angkop na angkop lang sa paggunita ng kapanganakan ni Hesus ay ang bituin na kung tawagin ay “Star of Bethlehem”, mga tupa at mga pastol. Pati ang mga sinasabing “tatlong hari” ay hindi rin talagang mga hari ayon sa mga mananaliksik at pinatunayan ito ng mga nadiskubreng ebidensiya. Sila ang mga tinatawag na mga “magi” (singular ay “magus”) at sa Ingles ay “magician” at miyembro ng isang tribu na kilala sa panghuhula at pagbasa ng mga palatandaan sa kalawakan, lalo na ang mga bagay tungkol sa mga bituin, at ang tawag ngayon sa trabahong yan ay fortune telling. Kaya nila pinilit na tuntunin ang lugar na “itinuturo” ng bituin na siyang palatandaan ng pagsilang ng isang hari, hanggang makarating sila sa Bethlehem, ay upang magbigay pugay dito. Bakit hindi ito ang ituro sa mga Kristiyano? Kaya tuloy, sa kagagaya ng mga Pilipino, pati mali ay nagagaya na rin!

Sa aking pananaw ay hindi naman masama ang panggagaya. Subalit, sa halip na gayahin ang mga walang kuwentang nakagawian ng ibang bansa na kailangang gastusan upang maidaos lang, bakit hindi gayahin ang disiplina na maayos nilang pinapatupad? Ang mga Pilipinong nakarating sa Singapore, halimbawa, ay manghang-mangha sa kalinisan ng paligid nito at disiplina ng mga tao…bakit hanggang paghanga lang?…bakit hindi gayahin?..at bakit hindi ipatupad ng gobyerno ng Pilipinas?

Yong ibang magulang naman, sa kagustuhan na magaya ng mga anak nila ang pag-English ng mga Amerikano, pinipilit ang mga ito na pati sa bahay ay mag-English, bawal ang sariling salita. Nabulol tuloy ang mga ito kung magsalita na ng sariling wikang Pilipino at naging katawa-tawa! Kaya pagdating ng panahong mag-aaplay sa trabaho, talo ng ibang aplikante na magaling na sa English ay magaling pa rin sa Pilipino at ibang salita na gamit sa ibang probinsiya.

Ang pinakamasagwang panggagaya ay ang pagiging Kristo daw kaya may namimigay ng pagkain, damit, etc. na may nakatutok na kamera at may nakaabang na reporter na mag-iinterbyu. At, ang pinaka-super na ginagaya kay Kristo na sobra-sobra ang pagkasagwa ay ang pagpapako sa krus. Hindi nagpapako si Kristo…siya ay ipinako ng mga kalaban niyang kapwa Hudyo! Ang mga Pilipino naman, magpapapako lang pala sa krus ay bakit hindi pa gawin na lang sa loob ng bakuran nila? Bakit kailangang i-broadcast pa, ganoong iilang pirasong tao lang naman ang nakakakilala sa kanila na talamak ang kasalanan na paulit-ulit ginagawa kahit siguro matadtad na ng tusok ng pako ang mga palad. Gusto lang ng mga hangal na mga huwad na Kristiyanong ito ang makunan ng retrato upang mailagay sa facebook o magazine o diyaryo! Ano kaya kung tamaan sila ng kidlat sa oras na sila ay maipako na? Siguradong maraming pagpapa-convert sa Kristiyanismo dahil ituturing itong himala!

Kaylan kaya mabubuksan ang ating mga mata sa katotohanang ang lahi natin ay may sariling kultura na mayaman at kayang ipagmalaki sa buong mundo? At, sa pagiging Kristiyano ang kailangan ay mga gawaing makatotohanan at walang bahid ng pagkukunwari?

Ang pagmamalabis sa anumang bagay ay masama, gaya ng labis na paggamit ng asukal na nagreresulta sa diabetes – isang sakit na walang gamot! Ang bansa natin ay ganyan…naturuan ng mga Amerikano ng demokrasya, subalit nasobrahan sa paggamit kaya inabuso…ngayon, ang korapsyon sa Pilipinas ay animo kanser na hindi na yata gagaling! At, sa ibang Kristiyano, malabo na rin yatang matanggal ang makapal na nakulapol na pagkukunwari sa kanilang pagkatao…sila, na ang “pagbabago” ay inaasa na lang sa taunang tradisyon na paggunita…ibig sabihin ang “pagbabago” nila ay RENEWABLE!