Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi maganda sa isang tao ang sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain. Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang mga ito ay itinuturing na marumi at salot.

 

May isa akong kaibigan na sa sobrang kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng, “o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!

 

May mag-asawa naman akong kilala na dati ay bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room dancing na rin.

 

Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang sakit na pangmayaman.  Subali’t hindi maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay, o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!

 

Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng limpak-limpak upang  masupurtahan naman ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin, food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef,  bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may kulay at artipisyal na lasa.

 

Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao, upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal?  Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman ng mga buwaya at buwitre sa Customs!

 

Ang legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao…. isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay…. upang makontrol ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!

 

Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan, baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at  baka biglang mawala ang wildlife na magiging delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!

 

Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga walang kaluluwa ang pera ng bayan!

 

Ang Moralidad at Mga Moralista sa Bansang Pilipinas

Ang Moralidad at Mga Moralista

Sa Bansang Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang moralidad ay isang prinsipyo na may kinalaman sa pagiging tama o mali ng isang gawain batay sa itinakda ng batas o simbahan, kaya hindi ito dapat limitado sa gawaing may kinalaman lamang sa sex. Ang pagnanakaw, pagpatay dahil sa masamang dahilan, pagsisinungaling, panlalamang ng kapwa, paninira ng kapwa, at iba pang maling gawain ay maituturing na mga imoral. Ang  kabaligtaran naman ng mga nabanggit ay may kinalaman sa kabutihan at itinuturing na moral. Sa ganang ito, hindi lang ang mga taong may mahigit sa isang asawa kung siya ay Kristiyano, halimbawa, ang maituturing na imoral dahil sinusuway niya ang itinuturo ng simbahan, kundi pati na rin ang mga taong nanlalalamang ng kapwa at lalo na ang mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng bayan na naging sanhi ng kahirapan ng maraming mamamayan. Ang huling nabanggit na imoralidad ay ang pinakamasidhi dahil hindi lang isa, dalawa, o tatlong tao ang napaglalangan at naapi, subalit milyon-milyon!

 

Walang namumukod-tanging tao na walang bahid ng imoralidad, lalo na sa panahon ngayon. Patunay dito ang nagpuputukang mga isyu tungkol sa imoralidad mismo ng mga namumuno sa mga simbahan, lalo na ang paglipana ng mga korap na opisyal sa mga pamahalaan ng anumang bansa.

 

May mga taong marami ang kerida o kabit at hindi nila itinuturing na “asawa” kundi “parausan” lamang ng kanilang kalibugan….YAN ANG IMORAL! At lalong imoral na gawain ang pag-abandona sa mga ito dahil hindi man lang nila binibigyan ng sustento, at hindi kinikilala ang bunga ng kanilang kalibugan.

 

Bakit binabatikos ng mga “moralista” ang isang taong may tatlong asawa, ganoong umamin naman sa ginawa niya at hindi naman tumatalikod sa responsibilidad, subalit ayaw naman nilang pamukhaan ang mga opisyal ng bayan na hayagang nagsisinungaling, nagpapabaya sa gawain, lalo na ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan, at  may gana pang ipagmalaki ang yamang galing sa masama? Dahil ba kapartido nila?

 

Huwag nang magmaang-maangang banal ang mga taong nagdadalawang mukha o nagdodoble-kara dahil lang sa ambisyong may kinalaman sa pulitika. Alam naman nilang masama ang tinutumbok ng tinatahak nilang daan tuwid man ito o liku-liko.  Ang isang taong nagmamalinis ay hindi dapat pumasok sa larangan ng pulitika na animo ay isang maputik na kwadra ng mga hayop. Wala silang karapatang bumatikos sa mga kalaban na tingin nila ay may masamang ugali dahil ang mga kasama nila sa partido mismo, kung hindi man kasingsama ng binabatikos nila ay lalong higit pang masama.

 

Ang hirap sa mga nagmamaang-maangang taong pumasok sa pulitika na tutulong daw sa bayan ay tumitingin pa sa malayo upang makakita lang ng taong imoral daw, samantalang pinaliligiran na sila ng mga taong hindi lang simpleng imoral subalit sagad sa buto ang pagka-imoral! Nagkakabanggaan pa nga sila ng mga balikat dahil natataranta na kung ano ang gagawin dala ng nerbiyos at baka matalo!

 

 

 

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi pala alam ni G. Honrado na saklaw ng kanyang responsibilidad bilang General Manager, ang buong Manila International Airport. Ibig sabihin, hindi pala niya alam na Manila International Airport Authority (MIAA) ang nag-iisyu ng mga temporary pass sa buong airport para sa lahat ng mga taong may kaugnayan sa operasyon nito. Hindi pala niya alam na para maisyuhan ng temporary pass ay kailangang i-surrender ang company ID, o di kaya ay dapat magsumite lahat ng mga ahensiya ng listahan ng mga empleyado nila upang maisyuhan ng pangmatagalang temporary pass. Hindi pala niya alam na ang  malalaki hanggang sa kaliit-liitan gamit ng MIA, ay may tatak na “MIAA Property” at may control number. Nakalimutan rin siguro niya ang malaking “insidente” na nangyari noong panahon ni Gloria Arroyo tungkol sa pagsugod nito sa MIA nang walang pasubali o abiso upang makita talaga ang mga kapalpakan sa mga parking areas, kaya nang mabisto nga ay “sinabon” niya on the spot ang pinsan nitong in-assign din na tulad niya bilang General Manager.

 

Ang Manila International Airport ay parang shopping mall. Ito ay may pinaka-hepe na dapat mangasiwa sa lahat ng mga nagtatrabaho sa loob, kasama na ang security, mga concessionaires, contracted agencies at mga namimili o namamasyal lang. Ibig sabihin ang pinaka-hepe nito ay may responsibilidad na sumasaklaw sa buong operasyon ng mall. Ganoon din sa MIA na dapat lahat ng bahagi nito ay pinangangasiwaan sa kabuuhan ng General Manager – mula sa runways, tarmac, terminals at parking lots. Siya ang nasa itaas at sa ilalim niya ay iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga concessionaires na nagkakanya-kanya ng pagkontrol ayon sa saklaw nilang operasyon na nakasaad sa mga Operating Manual nila, na nakabatay naman sa Operating Manual ng MIAA. Sa pinakagitna ng kani-kanilang operasyon ay ang Manila International Airport Authority.

 

Dapat ang susunod na itatalaga bilang General Manager ng MIA ay taong may “managerial skill” (kaya nga tinawag na General Manager) at may malawak na kaalaman sa airline operation. Saklaw ng airline operation ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa “aviation security” kaya hindi kailangang manggaling ang taong itatalaga mula sa anumang military branch ng Pilipinas. Bilang isang industriya, ang international aviation ay may mga pinatutupad na mga patakaran upang masigurong ligtas ang mga pasahero ng iba’t ibang airlines. Napapag-aralan ang mga patakaran sa pagpapatupad ng security sa airport, at palagi ring ina-update batay sa pangangailangan ng panahon, na tulad ngayon ay hantad sa terorismo. Dahil dito, hindi kailangang may actual exposure sa military operation, na napakalayo sa isang civilian airline operation, ang General Manager.  Dapat ay ituring na malaking leksiyon dito ang nakaupo ngayong General Manager na nagpipilit na wala siyang pakialam sa ibang operasyon ng MiA.

 

Ang malaking problema nga lang ay kung umiral uli ang napakakorap na pag-iisip ng uupong Presidente na magtatalaga na naman ng pinsan, o kapatid, o bayaw, o tiyuhin, o dating driver, o dating messenger, o dating masahista, bilang General Manager. May napapagbatayan na kasi…kung sa Ingles – may “precedent”….may mga una nang ginawa kaya gagayahin na lang!

Lohika laban sa Lohika…tungkol sa subsidiya

Lohika laban sa Lohika

…tungkol sa subsidiya

Ni Apolinario Villalobos

Ang sinasabi ng gobyerno, hindi daw patas o fair na i-subsidize ang pamasahe sa LRT at MRT.

Unang-una, ang subsidiya ay hindi naman nakakatulong sa mga mananakay dahil ito ay isang “profit guarantee”. Ibig sabihin, ang bentaha ay mapupunta sa grupong nagpapatakbo ng dalawang mass transport system at hindi sa mananakay. Kaya, malamang na yong bahagi ng naaprubahang budget na para sa LRT at MRT ay hindi mapupunta sa pagpapaganda ng serbisyo, kundi diretso sa grupong nagpapatakbo. At, ang ipapataw na dagdag pasahe ay ibibigay pa rin sa grupo, subalit para hindi garapal ang dating, sinasabi ng gobyerno na para daw sa pagpapaganda ng serbiyso – na talaga namang obligasyon ng grupo, may dagdag pasahe man o wala!

Pangalawa, unfair daw sa mga taga-probinsiya na bumalikat sa subsidiya sa pamamagitan ng buwis nila, gayong hindi naman daw sila nakakasakay sa mga tren. Hindi na sana ito inungkat ng gobyerno dahil pwede ring sabihin ng mga taga-Maynila, na unfair sa kanilang ang buwis na binabayad nila ay gagastusin sa pagpapagawa ng mga highway, tulay, mga eskwela at iba pa sa probinsiya!

Ang pangatlong sinasabi ng gobyerno ay obligasyon daw talaga ng mga mananakay na gastusan ang kanilang pamasahe papunta sa trabaho dahil may naman suweldo sila. Kung sabihin kaya ng mga mananakay na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat gumastos sa mga sarili nilang biyahe kahit ang mga “official trips” na sinasabi, dahil trabaho nila ito at may suweldo naman sila?!!!! At batay sa bagong budget, ang mga opisyal na ito, kasama na ang presidente ay kung ilang doble na ang inilaki ng travel allowances, mula noong nagsimula ang kanilang administrasyon!!!!!