Ang Iba’t-ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao…nagtatanong lang naman

Ang Iba’t- Ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao

…nagtatanong lang naman

Ni Apolinario Villalobos

 

Ano ang silbi ng magaling na abogado kung ang kanyang kaalaman ay binabayaran ng mga tiwali sa pamahalaan, mga big time drug dealers, illegal recruiters, landgrabbers, at iba pa upang maabsuwelto sa mga kaso, o di kaya ay binabayaran ng mga talagang may kasalanan upang ang walang sala na walang pambayad sa isang abogado ay makulong?

 

Ano ang silbi ng katalinuhan ng isang tao kung gagamitin niya ito upang manloko ng kapwa, o di kaya ay upang makapasok sa larangan ng pulitika kung saan ay nagmimistula na siyang demonyo dahil sa walang tigil na pagyurak sa karapatan ng kanyang kapwa na nagluklok sa kanya sa puwesto upang sana ay makatulong, subalit, kabaligtaran ang ginawa?

 

Ano ang silbi ng naaaaapaaakahabang dasal, ganoong ang gusto lang namang hingin ng nagdadasal ay yaman “pa more”, di kaya ay kapahamakan ng kapwa na sinasabayan pa ng pagtitik ng kandila?

 

Ano ang silbi ng dasal na maganda pa ang pagka-kuwadro sa mga facebook na nila-like at sini-share, kung ang gumagawa ng mga ito ay hanggang doon lang ang gusto – ang mag-admire lang sa prayer na maganda ang pagka-layout at may background pa, at ang iba ay may accompanying music pa kung i-like, sa halip na bigyan ito ng buhay sa pamamagitan ng paggamit ng nakasaad sa sinasabi? (maski ilang milyong beses pang mag-share ng “love your neighbor” ang isang taong hindi nagbabago ng masamang ugali, wala ring silbi ang ginawa niya).

 

Ano ang silbi ng malalaking simbahan kung may araw na sarado ang pinto nila dahil ang mga nangangasiwa sa mga ito ay nag day-off?

 

Ano ang silbi ng mga sinasabi ng bagong santo papa ng Romano Katoliko para sa pagbabago ng ilang mga “pastol” o mga pari kung hindi naman sila sumusunod?

 

Ano ang silbi ng K-12 program na nagdudulot ng bangungot sa mga magulang kung hanggang  Grade 9 lang ang kaya nilang tustusan, kaya bagsak pa rin ang mga anak nila sa mga contractual na trabaho na sumusweldo ng 200-300 pesos sa isang araw? (nagsayang lang ang mga bata ng dalawang taon na ginugol sa Grade 7- 8, na dapat sana ay katumbas na ng diploma ng high school).

 

Ano ang silbi ng Kongreso at Senado kung hindi rin lang sila makapagpasa ng mga batas na “angkop” sa mga kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan, dahil mga batas lamang na nakakatulong sa pagtagal nila sa poder ang kanilang inaapura?

 

Ano ang silbi ng demokrasya kung mismong mga namumuno ay pasimuno sa pag-abuso ng mga karapatan ng mga mamamayan?

 

 

Sinisira ng mga Panatiko ang Tunay na Kahulugan ng Pananalig at Pananampalataya

Sinisira ng mga Panatiko Ang Tunay na Kahulugan

Ng Pananalig at Pagsasampalataya

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung ang mga taong nagkakaiba ang pananampalataya ay nagpapakatotoo, maiiwasan sana ang kalituhan o kaguluhan sa ibabaw ng mundo, pagdating sa ganitong bagay.

 

May mga sekta ng relihiyon na pinagpipilitan ng mga kasapi na sila ang tama at ang iba ay mali, kaya sila lang daw ang may karapatang makaligtas pagdating ng araw ng paghukom, kaya pati ang mga namatay nilang kasapi ay babangon muli. Ang  mga namumuno lang naman nila ang nagsasabi niyan sa kanila, na ang batayan ay binagong Bibliya  upang umangkop sa kanilang layunin. Sigurado ba ang mga kasapi ng mga sektang ito na tunay na banal ang mga namumuno sa kanila, kaya karapat-dapat na paniwalaan?

 

May isang relihiyon naman na pinasama ng isang sekta nito nang gamitin ang kanilang pananampalataya upang makasakop ng mga teritoryo, na dinadaan pa sa walang patumanggang  pagpatay ng mga tao. Pati pandadamay ng mga inosente sa pamamagitan ng paggamit ng mga nagpapatiwakal nilang kasapi ay ginagawa din. Kaylan pa naging maka-Diyos ang pagpatay at pagpatiwakal?

 

Ang mga panatiko naman ng isang relihiyon ay pasayaw-sayaw pa sa labas ng kanilang simbahan, o di kaya ay “naglalakad” na paluhod patungong altar. Ang masama pa sa mga ginagawang ito, ang mga gumagawa ay binabayaran ng mga tamad na gumawa ng mga nabanggit na penitensiya! Pati ang pagsunog ng mga kandilang hugis tao upang makapaminsala ng kapwa ay ginagawa din nila, sa labas mismo ng mga simbahan.  Kaya marami ang yumaman sa pagbenta ng mga kandilang may sumpa! Mga dasal din mula sa iba’t ibang pampleto ang kanilang inuusal nang wala sa kanilang kalooban, kaya para na silang loro o parrot na nagsasalita nang hindi naiintindihan ang mga sinasabi.

 

Mabuti na lang at kung may mga panatiko, ay higit na nakararami naman ang mga talagang taos sa puso ang pagsampalataya, ano man ang kinaaaniban nilang relihiyon. Ang mga taong ito na may busilak na damdamin ang nagwawagayway ng mga  sagisag ng iba’t ibang pananampalataya upang patuloy na mamayagpag ang pananalig ng sangkatauhan sa Nag-iisang Makapangyarihan!

 

Marerespeto Lamang ang Isang Bagay Kung Lubos ang Pagka-unawa Dito…ganyan ang dapat gawin sa Bibliya

Marerespeto Lamang ang Isang Bagay

Kung Lubos ang Pagka-unawa Dito

…ganyan ang dapat gawin sa Bibliya

Ni Apolinario Villalobos

 

Matalino talaga ang Diyos. Habang maaga ay naipakita niya na hindi pala malawak ang pang-unawa ni Manny Pacquiao dahil ang isip niya ay naka-kahon lamang o limitado sa mga nakapaloob sa Bibliya na halatang hindi naman niya inunawa na mabuti. Ang Old Testament kung nasaan ang Leviticus ay patungkol sa mga  Israelista noong unang panahon. Ang mga nakapaloob na mga utos ay para sa kanila at angkop sa kapanahunan nila…ngunit may iilan naman na ang “substance” o “essence” ay maaaring gamitin sa makabagong panahon…kaya hindi dapat “literal” ang interpretasyon. Marami ang nasiraan ng isip dahil sa pagkapanatiko sa literal na pagpaniwala sa mga kautusang ito sa Old Testament. Maraming nasirang pamilya sa makabagong panahon dahil ipinagpalit ng isang ama ng tahanan ang kanyang pamilya sa isang kopya ng Bibliya kaya lumayas at “nag-pastor” sa iba’t ibang lugar. Maraming nag-resign sa trabaho at nag-astang “Moses” at nagpastor-pastoran, sumasampa sa mga jeep at bus upang mag-share kuno.

 

Nakakabahala ang ginagawa ni Pacquiao na pagsangkalan sa Bibliya sa pangangampanya upang ipakita sa taong bayan na mabuti siyang tao. Ano ngayon kung naniniwala siya sa Bibliya niya?…ang dami diyang inaalmusal, tinatanghalian, at hinahapunan ang pagsambit sa pangalan ng Diyos, at tuwing araw ng pagsimba ay nasa simbahan din sila, pero magnanakaw naman pala ng pera ng taong bayan! Paano na lang kung manalo siya bilang senador? Gusto ba niyang ipilit sa mga hindi “Born Again Christians” ang nabasa niya sa kanyang Bibliya?

 

Ang isa sa mga totoo na sinasabi sa Bibliya ay darating ang panahon na maglalabasan ang mga hangal na taong nagkukunwaring mga “sugo” ng Diyos at pag-usbungan ng iba’t ibang grupo na nagbabalatkayong “maka-Diyos”…dahil nangyayari na…at may naghuspa pa na ang ibang tao ay masahol pa sa hayop dahil nagkakagusto sila sa isa’t isa!

 

Ang Bibliya ay isang sagradong bagay, ano mang uri ito na ginagamit ng iba’t ibang relihiyon. Ang mga hindi naniniwala ay dapat magpakita man lang dito ng respeto. Ang pag-abuso dito ay isang uri ng pambabastos sa Diyos.

 

May kasabihan sa Ingles na “respect begets respect” at sa Pilipino ay, “ang respeto ay nasusuklian ng respeto”. Dahil diyan, marerespeto pa kaya si Pacquiao dahil mismong Bibliya ay hindi niya nirespeto sa pagbigay ng ibang kahulugan sa mga nilalaman nito?

 

ASAHAN ANG HINDI PAG-RESPETO SA KANYA NG MGA TAONG NADISMAYA SA KANYA SA ARAW NG KANYANG LABAN. KUNG MAY MAG-BOO SA KANYA AY OKEY LANG…HUWAG LANG SIYANG BATUHIN NG KAMATIS HABANG NASA IBABAW NG RING! BILIB SANA AKO SA KANYA…NGAYON AY HINDI NA!

 

 

 

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa

Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagsalita ni Pnoy Aquino sa anibersaryo ng pagpatay sa SAF44 ngayong araw, 25 ng Enero, ay kung ano-ano na namang matulaing kataga ang binitwan niya. Kaylan kaya titigil ang presidente sa ganitong gawain na bistado namang puro buladas lang? Hindi makakalimutan ang mga binitiwan niyang mga pangako lalo na ang “tuwid na daan”, noong nangangampanya pa lang siya, hanggang sa siya ay umupo na. Pati ang mga “pangako” para sa mga pamilya ng mga pinatay na SAF44 ay hindi pinatawad ni Pnoy dahil sa mga bulilyaso na naman.

 

Ayon sa tatay ng isang pinatay na SAF, iilan lang sa mga pinangakong benepisyo ang kanilang natanggap. Ang pabahay ay maliit at nasa isang liblib na panig ng Laguna at hindi mararating kung walang sariling sasakyan. Ang isang benepisyo para sa dependent ay tahasang sinabi ng pamunuan ng PNP na hindi pwedeng ibigay dahil lampas na sa minimum na gulang ang tinutukoy na dependent, subalit sana ito ay ginawang exemption na lang, dahil gagamitin sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon…subalit hindi nangyari, sa kabila ng pangako ni Pnoy.

 

Hindi makalimutan ang hindi niya pagsalubong nang dumating ang mga labi ng SAF44, pagkatapos ay sasabihin niyang dadalhin daw niya hanggang sa hukay ang sakit na dulot ng nangyari na gusto pa niyang ituring na isang “insidente” lamang, at hindi “masaker”? Dahil sa kasanayan na niyang magbigkas ng mga kasinungalingan, akala niya lahat ng mga sinasabi niya ay totoo….napaniwala niya ang sarili sa ganito. Subalit hindi tanga ang taong bayan upang paniwalaan ang mga sinasabi niya.

 

Upang mabawasan ang bigat ng kanyang mga pagkukulang bilang presidente ay panay paninisi ang ginagawa sa nakaraan administrasyon ni Gloria Arroyo na nagpamana daw sa kanya ng mga kapalpakan. Bakit hindi na lang niya ituwid kung may mali at punan kung may kakulangan, sa halip na siya ay magdadakdak na hindi gawain ng isang lalaking tao, lalo pa at ayon sa kanya ay  “ama” siya ng sambayanang Pilipino? Ang salitang “ama” ay nanggaling din sa kanya dahil sa kahiligan yata niya sa tula, subalit hanggang turing na lang ito, dahil hindi nga niya pinapakinggan ang kanyang mga “boss” na taong bayan, ang bago na namang turing na “ama” pa kaya? Hindi lang tahasang pagbibingi-bingihan ang kanyang ginagawa, kundi pati na rin ang pagbubulag-bulagan, at lalo pa ang pagmamaang-maangan kaya marami tuloy ang nagtatanong kung may presidente ba ngayon ang Pilipinas.

 

Ang pinakamagandang magagawa ni Pnoy upang makabawi sa mga kahihiyan ay huwag nang mangako at bawasan ang paggamit ng mga matalinghagang salita sa kanyang mga talumpati. May panahon pa naman siya upang mabago kahit kapiraso ang pagtingin sa kanya ng sambayanang Pilipino at makakuha uli ng respeto…yan ay kung pakikinggan niya ang mga matitino niyang taga-payo, lalo na ang mga “boss” niya.

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang Commission on Human Rights?

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang

Commission on Human Rights?

Ni Apolinario Villalobos

 

Personally, wala pa akong nalamang may ginawang kapaki-pakinabang ang Commission on Human Rights (CHR). Ang napansin ko pa, kung may isyung matunog, saka ito pumapapel upang makisalo sa interes ng madla…yon bang gigitna din sa eksena upang masapol ng limelight at mga camera.

 

Nabahaw na lang ang isyu sa masaker ng 44 na miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao, ay hindi man lang naringgan ng pahayag ang Komisyon na ito. Dahil kaya nananantiya at tila maraming masasagasaan lalo na ang Presidente? Kahit pa sinabing may mga kakasuhan daw na kung ilan ang  DOJ – mga sundalo at mga rebelde, subali’t, ano naman ang ginawa ng CHR?

 

Nabaon  na lang din sa kalimot ang Maguindanao Massacre ay wala ring narinig na maski paswit o matinis na sipol man lamang mula sa Komisyon na ito. Ang mga Ampatuan ay tila maaambunan ng grasya, kaya ang iba ay nakapag-piyansa na, at napapansin na rin ang kaluwagan sa kanila. Ano pa ang aasahan ng mga mahal sa buhay ng mga biktima kung ganito rin lang ang mangyayari? Wala bang “human rights” ang mga biktima at mga naghihinagpis na mahal nila sa buhay?

 

Ang mga iskwater na inilipat sa mga relocation sites na wala naman palang mga pasilidad na kailangan upang mabuhay ng maayos ay lalo pang naghirap, kaya ang iba ay nagsibalikan sa lunsod kung saan ay may mapupulot na basura upang ibenta…at upang may maipambili ng pagkain. Hindi ba “human rights” ang mabuhay kahit sa paraang isang kahig isang tuka? Hanggang tungkol lang ba sa mga bagay na may kinalaman sa pagpatay ang pakikialaman ng Komisyon na ito?

 

Ang mga Badjao at mga nagra-rugby na mga kabataang nagkalat sa kalye at bangketa, bakit hindi pakialaman ng CHR, ganoong nakita namang inutil din pala ang Department of Social Welfare pagdating sa bagay na ito? Hindi pakikialam kung sumawsaw ang Commission on Human Rights sa mga gawaing para sa mga tinukoy na mga taong dapat tulungan, kundi isang “pakikipagtulungan” sa mga ahensiyang dapat ay may direktang responsibilidad tulad ng Department of Social Welfare at mga local government units. Bakit hindi inspeksiyunin ng Komisyon na ito ang mga rehabilitation facilities ng mga local government units para sa mga kabataan? Baka ang iba ay wala pa ngang maayos na pansamantalang tirahan ng mga kabataan, kaya ang  “social welfare office” ng ibang local government units ay hanggang referral lang, kahit may malaking budget naman!

 

Ang mga biktima ng mga illegal na recruiters, bakit hindi asikasuhin ng CHR, lalo pa at hindi pa sila miyembro ng OWWA? Ang mga nabibiktimang OFW sa ibang bansa, bakit ayaw pakialaman ng CHR sa tulong ng kanilang international counterpart? Akala ko ba, bawa’t bansa ay may Commission on Human Rights. Bakit hindi sila naririnig tuwing may dumadaing na mga Pilipinong OFW na pinagmalupitan ng mga amo nila sa ibang bansa? Ang mga hindi makauwi dahil tumakas lang sa pagmamalupit ng mga amo kaya nagbebenta ng laman upang makaipon ng pamasahe…bakit hindi tulungan ng CHR?

 

Pagdating ng panahon, siguradong mababanggit  sa mga pahina ng kasaysayan ng bansang Pilipinas, na minsan ay may pangulong nagtalaga ng mga tao sa Commission on Human Rights, sa ilalim ng kanyang administrasyon, pero wala palang nagawa…

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Though how Progressive a Country is, there will always be Poverty because of Corruption

Though how Progressive a Country is, there will always be

Poverty because of Corruption

By Apolinario Villalobos

 

Perfection should be ruled out in the reckoning of a progressive country, because there will always be poverty due to corruption somewhere in the system of governance. In other words, the glitter of progress cannot hide poverty. For ultra-progressive countries, the signs may be insignificant as they try to blend with the glamour of urbanity. But in other countries, especially, the third-world, the signs are very prevalent, so that there is always a massive effort to cover them up occasionally, literally, as it is done every time there are special occasions such as visits of foreign dignitaries. This practice is successful in the Philippines.

 

Practically, poverty is the shadow of progress, and literally, too, as where there are looming high-rise buildings that are pockmarks of progress, not far from them are slums or homeless citizens who huddle together under bridges and nooks. These are misguided citizens who flock to the cities after selling their homestead, that have been farmed for several generations, to deceitful land developers, at a measly price. These are the urban squatters willing to be relocated but found out that the promised “paradise” do not even have a deep well so they go back to their sidewalk “homes”. These are contractual workers who have no job securities as they earn only for five to six months, after which they leave their fate to luck while looking for another job.

 

How does corruption ever be involved in the sad fate of the exploited? Simply, by the government’s negligence  in providing decent relocation sites with job opportunities and basic facilities to those uprooted from their city abodes for more than so many years; by its cuddling of the spurious contractualization perpetrated by greedy employers; by its failure to guide and protect the rights of farmers who sell their rice fields to subdivision developers at measly prices that are not even enough to sustain them for six months; by its failure to provide the citizens with the basic necessities as funds are allowed to be pocketed by corrupt officials; and practically by looking the other way despite the availability of laws against vote buying.

 

Third- world country leaders should stop using the word “progressive”, but instead they should use “surviving” to describe their respective economy. If a country’s economy cannot sustain, much less, provide a “comfortable life” to majority of its citizens, then it is still “ailing”…hence, expect poverty to be trailing behind, just a few steps away from the pretentious allegations!

 

 

 

Ang Moralidad at Mga Moralista sa Bansang Pilipinas

Ang Moralidad at Mga Moralista

Sa Bansang Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang moralidad ay isang prinsipyo na may kinalaman sa pagiging tama o mali ng isang gawain batay sa itinakda ng batas o simbahan, kaya hindi ito dapat limitado sa gawaing may kinalaman lamang sa sex. Ang pagnanakaw, pagpatay dahil sa masamang dahilan, pagsisinungaling, panlalamang ng kapwa, paninira ng kapwa, at iba pang maling gawain ay maituturing na mga imoral. Ang  kabaligtaran naman ng mga nabanggit ay may kinalaman sa kabutihan at itinuturing na moral. Sa ganang ito, hindi lang ang mga taong may mahigit sa isang asawa kung siya ay Kristiyano, halimbawa, ang maituturing na imoral dahil sinusuway niya ang itinuturo ng simbahan, kundi pati na rin ang mga taong nanlalalamang ng kapwa at lalo na ang mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng bayan na naging sanhi ng kahirapan ng maraming mamamayan. Ang huling nabanggit na imoralidad ay ang pinakamasidhi dahil hindi lang isa, dalawa, o tatlong tao ang napaglalangan at naapi, subalit milyon-milyon!

 

Walang namumukod-tanging tao na walang bahid ng imoralidad, lalo na sa panahon ngayon. Patunay dito ang nagpuputukang mga isyu tungkol sa imoralidad mismo ng mga namumuno sa mga simbahan, lalo na ang paglipana ng mga korap na opisyal sa mga pamahalaan ng anumang bansa.

 

May mga taong marami ang kerida o kabit at hindi nila itinuturing na “asawa” kundi “parausan” lamang ng kanilang kalibugan….YAN ANG IMORAL! At lalong imoral na gawain ang pag-abandona sa mga ito dahil hindi man lang nila binibigyan ng sustento, at hindi kinikilala ang bunga ng kanilang kalibugan.

 

Bakit binabatikos ng mga “moralista” ang isang taong may tatlong asawa, ganoong umamin naman sa ginawa niya at hindi naman tumatalikod sa responsibilidad, subalit ayaw naman nilang pamukhaan ang mga opisyal ng bayan na hayagang nagsisinungaling, nagpapabaya sa gawain, lalo na ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan, at  may gana pang ipagmalaki ang yamang galing sa masama? Dahil ba kapartido nila?

 

Huwag nang magmaang-maangang banal ang mga taong nagdadalawang mukha o nagdodoble-kara dahil lang sa ambisyong may kinalaman sa pulitika. Alam naman nilang masama ang tinutumbok ng tinatahak nilang daan tuwid man ito o liku-liko.  Ang isang taong nagmamalinis ay hindi dapat pumasok sa larangan ng pulitika na animo ay isang maputik na kwadra ng mga hayop. Wala silang karapatang bumatikos sa mga kalaban na tingin nila ay may masamang ugali dahil ang mga kasama nila sa partido mismo, kung hindi man kasingsama ng binabatikos nila ay lalong higit pang masama.

 

Ang hirap sa mga nagmamaang-maangang taong pumasok sa pulitika na tutulong daw sa bayan ay tumitingin pa sa malayo upang makakita lang ng taong imoral daw, samantalang pinaliligiran na sila ng mga taong hindi lang simpleng imoral subalit sagad sa buto ang pagka-imoral! Nagkakabanggaan pa nga sila ng mga balikat dahil natataranta na kung ano ang gagawin dala ng nerbiyos at baka matalo!

 

 

 

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

(tungkol sa mga isyu ng “tanim-bala” at “Maguindanao Massacre”)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ayon sa matalinong presidente ng Pilipinas, maliit na bagay lang daw ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport at pinalaki lang ng media. Para sa kanya, maliit palang bagay ang mga sumusunod na ilan lang sa mga nangyari dahil sa eskandalong ito:

 

  • Ang mawalan ng trabaho sa ibang bansa ang isang pasaherong hindi nagbigay ng suhol kaya pinigilang sumakay sa kanyang flight.

 

  • Ang halos ikamatay ng isang matandang pasahero ang ginawang pagbintang na nagbibitbit siya ng bala.

 

  • Ang kahihiyang idinulot ng pagposas agad sa isang may katandaan nang pasaherong babae dahil lang sa iisang balang nakita daw sa kanyang bagahe.

 

  • Ang mapagtawanan ang Pilipinas ng buong mundo dahil pati ang inosenteng bala ay ginawang kasangkapan sa pangingikil, kaya ang kahihiyang ito ay ginawan pa ng isang TV show sa Japan.

 

  • Ang maalipusta ng mga banyaga na ang tingin sa Pilipino ay hindi mapapagkatiwalaan.

 

  • Ang masira ang imahe ng bansa pagdating sa turismo dahil pati mga banyagang turista ay hindi pinatawad ng mga nangingikil sa airport.

 

  • Ang maungkat uli ang literal na mabahong amoy sa mga airport dahil sa mga sirang gripo, baradong inuduro at tadtad ng mantsang mga lavatory o lababo, kaya hindi na nawala ang black eye ng tourism industry ng bansa na hindi na nga nakakasabay kahit lang sa mga kapit-bansa na kasapi sa ASEAN.

 

Pinsan ng pangulo ang nakaupong General Manager ng MIAA, na tahasang nagsasabing wala siyang pakialam sa pangkabuuhang operasyon ng airport sa kabila ng ipinakita na sa kanyang responsibilidad na nakapaloob sa isang kauutusan. Bakit hindi na lang siya mag-resign upang mapalitan ng talagang may kaalaman sa pagpapatakbo ng airport? Kung may pagmamahal siya sa pinsan niyang matalinong president, dapat umalis na siya upang mabawasan naman ang bigat na nakapatong sa balikat nito – mga problemang siya rin ang may gawa.

 

Ang Maguindanao Massacre na ilang araw lang ang nakaraan ay umabot na sa ika-anim na taon ay malamang “maliit na bagay” lang din para sa matalinong pangulo. Nakalimutan yata niyang isa ito sa mga pinangako niyang matutuldukan noong siya ay nangangampanya pa lang. Nakakatawa pa sila sa Malakanyang dahil ngayong araw na ito lang, November 24, nagbigay ng “reminder” sa Department of Justice na “bilisan” kuno ang pagpausad sa gulong ng hustisya para sa mga namatayan!

 

Maliit din sigurong bagay ang pag-appoint niya ng mga kakilala, kaeskwela, at kung ano pang kakakahan sa mga sensitibong puwesto sa iba’t ibang ahensiya. Mabuti na lang at kahit paano ay nabistong ang palagi niyang sinusumbat na cronyism kay Gloria Arroyo ay ginagawa din pala niya – mas matindi pa! Bumaba man siya sa puwesto, hindi siya makakalimutan ng mga Pilipino dahil sa pagduduro niya ng isang daliri kay Gloria, samantalang ang tatlo pa ay nakaturo naman sa kanya!

 

Para sa isang taong hindi nakadanas ng kahirapan, lahat ng bagay sa mundo ay maliit dahil malamang, iniisip niyang lahat ito may katumbas na pera!…o hindi kaya dahil lang sa talagang ugali niyang walang pakialam sa kanyang kapwa?

 

 

Dapat itigil na ng mga Ahensiya ng Gobyerno ang mga “Kamangha-mangha” nilang Report na akala nila ay Makakabawas sa Kahihiyang ng Administrasyon

Dapat Itigil na ng mga Ahensiya ng Gobyerno

ang mga “Kamangha-mangha” nilang Report na akala nila ay

Makakabawas sa Kahihiyan ng Administrasyon

ni Apolinario Villalobos

August 25, 2015…natulig ang mga nakikinig ng radyo nang marinig ang report in Alcala, kalihim ng Department of Agriculture, na nangunguna ang Pilipinas sa rice production sa buong Asya, ibig sabihin, pati na sa mga bansa tulad ng Vietnam, Thailand, at India kung saan nagmumula ang NFA rice. Pero kailangan lang daw umangkat pa ang Pilipinas ng bigas upang “pandagdag” sa buffer stock para sa kakainin ng mga Pilipino. Ganoon na ba katakaw ang mga Pilipino? Nanguna na nga sa production kaya ibig sabihin maraming bigas, dadagdagan pa ng aangkating bigas? May mga bansa pa raw na negatibo ang production, ibig sabihin hindi natupad ang kanilang projection. Para na ring tinutulungan ng Pilipinas ang mga bansang ito sa pamamagitan ng pagbili ng bigas nila upang sila ay kumita maski papaano, ganoong ang pambili naman ay inutang lang pala, samantalang ang mga magsasakang Pilipino ay hawak sa leeg ng mga landlord nilang nagpapautang ng 5/6 sa kanila!

Sabi nga ng radio commentator na nagbasa ng report, ang sinabi daw ni Alcala “defies logic”, ibig sabihin wala sa ayos, komokontra sa lohika, wala sa katinuan, hindi maintindihan, na kung tindera ng sigarilyo sa kalye ang magtanong ay, “ano yun?”. Kung uunawain talaga ay para kasing tao na may pera naman pala ay uutang pa, maliban lang ang may intensiyong manloko!

Sa ginawa ni Alcala siguradong magsusunuran ang ibang ahensiya. Baka ang DSW ay magsabi na wala nang pakalat-kalat na rugby boys sa kalye, ganoong hantaran ang mga ito kung maghatian ng rugby, wala na ring naghihirap dahil sa cash na binibigay, at lahat ng mga biktima ng typhoon Yolanda ay may bahay na. Baka ang MMDA ay magsabi na maaliwalas na ang pagbiyahe sa mga kalye dahil hindi na sila binabaha at ang trapik ay na-erase na, kaya nasa imahinasyon na lamang. Baka ang Philippine National Police ay magreport na wala nang mga drogang binebenta dahil namatay sa overdose ang mga adik at nagpatayan ang mga drug pusher dahil sa onsehan (lokohan), at ang mga Tsinong drug lords naman ay nagsiuwian na sa Tsina o lumipat sa Timbuktu o kung saan pa, basta sa labas ng Pilipinas, at ang mga drug laboratories ay ginawang factory ng taho!

Baka ang military ay magreport na wala nang kidnapping sa Mindanao dahil ang mga Abu Sayyaf ay pinakain na sa mga pating sa Sulu Sea. Ang Department of Education naman ay mag-report na wala nang gigiray-giray na school buildings na animo ay barung-barong dahil see-through ang bubong at dingding, at lahat ng mga school buildings ay modernong two-floors, at may mga computer laboratory pa. Baka ang DPWH ay magreport na wala nang baha dahil lahat ng mga imburnal ay gawa na sa stainless steel kaya wala nang sasabit na basura para bumara, at lahat ng highway sa buong Pilipinas ay sementado na pati ang patungo sa paanan ng Mt. Apo!

Baka ang DOTC ay magreport na lahat ng isla ay may mga beacon lights na, at lahat ng mga airport ay high-tech na, lalo na ang apat na airport terminal sa Manila – na hindi na umaalingasaw dahil sa baradong toilets at kawalan ng tubig, at ang mga aircon units nila ay gumagana lahat.  Baka ang Department of Labor ay magreport na zero na ang unemployment dahil kumikita na ang mga dating istambay sa pamamagitan ng pangholdap, pandurukot, at pambugaw, kaya pati ang mga babaeng nagbebenta ng laman sa Avenida ay may trabaho na rin.  At, baka ang Department of Health ay magreport na walang nang sakit sa Pilipinas, kaya lahat ng mga Pilipino ay malulusog dahil animo ay may bola ng basketball sa tiyan at very trim na animo ay nag-zumba, dahil payat!

Iilang buwan na lamang ang natitira sa administrasyon ni Pnoy, dadagdagan pa ba ng mga iresponsableng report ang mga kahihiyang ga-bundok na ang taas na naipon mula pa noong unang araw ng kanyang panunungkulan? Nasadlak na ang presidenteng tingin ng marami ay walang binatbat, dadagdagan pa ba ang kirot mula sa mga masasakit na parunggit, ng mga “trying hard” at mga halata namang kathang-isip na mga report? Nasaan ang puso ng mga taong itinalaga ng “kawawang” pangulo sa mga puwesto na ang tingin sa kanilang kinaluluklukan ay oportunidad upang magkamal ng biyaya? Nasaan ang konsiyensiya ng mga taong pinagtatakpan ng “kawawang” presidente na akala pa naman ay magaling siya dahil ang mga itinalaga niyang mga tao ay matatalino din tulad niya?

Dapat magkaisa ang mga taong namamahala ng mga ahensiya upang tulungan ang “kawawang” presidenteng nagtalaga sa kanila…magsama-sama sila gaya ng kasabihang: “birds of a feather flock together”! Ang tanong ay ano ang gagawin nila?…ang sagot naman…tumahimik na lang sila, dahil “less talk, less mistake”!

Hindi naman bulag ang mga Pilipino upang hindi makita ang mga nangyayari sa kapaligiran…kaya hindi dapat mag-alala ang presidente, nauunawaan siya ng mga Pilipino. Hindi siya nag-iisa sa pagtahak sa kanyang “matuwid na daan”…marami silang kasama niya.