Ang Iba’t-ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao…nagtatanong lang naman

Ang Iba’t- Ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao

…nagtatanong lang naman

Ni Apolinario Villalobos

 

Ano ang silbi ng magaling na abogado kung ang kanyang kaalaman ay binabayaran ng mga tiwali sa pamahalaan, mga big time drug dealers, illegal recruiters, landgrabbers, at iba pa upang maabsuwelto sa mga kaso, o di kaya ay binabayaran ng mga talagang may kasalanan upang ang walang sala na walang pambayad sa isang abogado ay makulong?

 

Ano ang silbi ng katalinuhan ng isang tao kung gagamitin niya ito upang manloko ng kapwa, o di kaya ay upang makapasok sa larangan ng pulitika kung saan ay nagmimistula na siyang demonyo dahil sa walang tigil na pagyurak sa karapatan ng kanyang kapwa na nagluklok sa kanya sa puwesto upang sana ay makatulong, subalit, kabaligtaran ang ginawa?

 

Ano ang silbi ng naaaaapaaakahabang dasal, ganoong ang gusto lang namang hingin ng nagdadasal ay yaman “pa more”, di kaya ay kapahamakan ng kapwa na sinasabayan pa ng pagtitik ng kandila?

 

Ano ang silbi ng dasal na maganda pa ang pagka-kuwadro sa mga facebook na nila-like at sini-share, kung ang gumagawa ng mga ito ay hanggang doon lang ang gusto – ang mag-admire lang sa prayer na maganda ang pagka-layout at may background pa, at ang iba ay may accompanying music pa kung i-like, sa halip na bigyan ito ng buhay sa pamamagitan ng paggamit ng nakasaad sa sinasabi? (maski ilang milyong beses pang mag-share ng “love your neighbor” ang isang taong hindi nagbabago ng masamang ugali, wala ring silbi ang ginawa niya).

 

Ano ang silbi ng malalaking simbahan kung may araw na sarado ang pinto nila dahil ang mga nangangasiwa sa mga ito ay nag day-off?

 

Ano ang silbi ng mga sinasabi ng bagong santo papa ng Romano Katoliko para sa pagbabago ng ilang mga “pastol” o mga pari kung hindi naman sila sumusunod?

 

Ano ang silbi ng K-12 program na nagdudulot ng bangungot sa mga magulang kung hanggang  Grade 9 lang ang kaya nilang tustusan, kaya bagsak pa rin ang mga anak nila sa mga contractual na trabaho na sumusweldo ng 200-300 pesos sa isang araw? (nagsayang lang ang mga bata ng dalawang taon na ginugol sa Grade 7- 8, na dapat sana ay katumbas na ng diploma ng high school).

 

Ano ang silbi ng Kongreso at Senado kung hindi rin lang sila makapagpasa ng mga batas na “angkop” sa mga kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan, dahil mga batas lamang na nakakatulong sa pagtagal nila sa poder ang kanilang inaapura?

 

Ano ang silbi ng demokrasya kung mismong mga namumuno ay pasimuno sa pag-abuso ng mga karapatan ng mga mamamayan?

 

 

Ang Dalawang Uri ng Problema

Ang Dalawang Uri ng Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Problema ng iba’y kung anong ihahalo

Sa isang kilong karne

Samantalang ang iba…hapon na subalit

Hindi man lang nakainom ng kape.

 

Problema ng iba’y kung saan kakain

Sa Jollibee ba o MacDo

Samantalang ang iba…hanggang tanghod

ang magagawa’t laway ay tumutulo.

 

Problema ng iba’y ‘di bago ang celfon

Nahihiya sa mga kaibigan

Samantalang ang iba…isang pares na tsinelas

Ay naituturing nang isang karangyaan.

 

Problema ng iba’y saan magbabakasyon

Sa Hongkong ba o Amerika

Samantalang ang iba…malaking problema na

Ang baon at pamasahe patungo sa opisina.

 

Problema ng iba’y luma na raw ang kotse

Dapat palitan, at nakakahiya

Samantalang ang iba…wala man lang sapatos

Na magagamit sa pagpasok sa eskwela.

 

Problema ng iba’y wala daw laptop o tablet

Kailangan daw sa school nila

Nguni’t ang iba …ballpen man lang at papel

Pati notebook ay punit, ni textbook ay wala.

 

Bakit hindi muna tumingin ang iba sa paligid –

Silang nagsasabing kapos daw sa pera?

Bulag ba sila o manhid…walang pakiramdam?

O talagang sagad sa buto ang pagkaganid nila!

May Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino pero hindi Pinansin…

May Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino

Pero hindi Pinansin…

Ni Apolinario Villalobos

 

Noong panahon ni Cory Aquino bilang presidente at si Doy Laurel naman ang Bise-Presidente, may proposal pala ang naghihingalo nang si Marcos na ibabalik niya ang 90% na perang sinasabing kinamkam niya at mag-iiwan na lang ng 10% para sa kanyang pamilya kapalit ng pag-uwi niya sa Pilipinas kung saan niya gustong mamahinga nang tuluyan. Pilit pinarating ito kay Cory sa pamamagitan ni Doy Laurel na kahit minsan ay hindi pinagbigyang makausap hinggil dito. Kung pinagbigyan ni Cory si Marcos, sana ngayon ay hindi nagkaka-problema ang gobyerno sa isyung ito. Sa pagpasubasta nga lang ng mga alahas ni Imelda ay pinoproblema na ng gobyerno kaya ang pag-asa ng mga Pilipinong mabawi ang nakaw na yaman ay parang bula na nawala – nalusaw!….at yan ay dahil sa pulitika na malalim na ang pagkakaugat sa sistema ng gobyerno. Wala ring nangyari sa mga sequestration effort dahil napag-alaman na pinagkitaan lang din daw. Ilang dekada na ang nakaraan at ilang presidente na ang pumalit kay Cory, pero ang balak na pagbawi sa mga ninakaw na yaman ay “balak” pa rin hanggang ngayon.

 

Bago pa lang si Cory noon ay napansin nang maraming mga kaibigan at kamag-anak ang naitalaga sa iba’t ibang puwesto….kasama na diyan si Binay na tuluyang iniluklok sa Makati bilang mayor. Bukambibig ni Binay ang utang na loob nito sa pamilya ng mga Aquino, kaya ang malaking katanungan ay kung kakasuhan ba niya si Pnoy at mga kaalyado nito kung mananalo siya bilang presidente. Kaya tuloy marami rin ang nagsasabi na dahil halata namang hindi mananalo si Roxas, ang talagang “fallback” daw ni Pnoy ay si Binay. Dapat pansinin na ni minsan ay hindi nagpalitan ng maaanghang na mga salita sina Pnoy at Binay. Ang bumabatikos kay Binay ay “iilan” na kalaban niya lalo na sina Trillanes, Cayetano at Pimentel, maski ang Malakanyang ay tipid sa pahayag laban sa kanya. Ano ang ibig sabihin nito?

 

Hindi pa man bumababa si Cory noon ay marami na ang nag-speculate na makakabalik din ang mga Marcos sa Pilipinas, subalit, kung namayapa na ang dating diktador. Nasa kultura ng Pilipino ang pagiging mahabagin, maawain, kumikiling sa underdog o inaapi na nangyari sa mga Marcos nang hindi pinayagang umuwi habang buhay pa ang diktador kahit naghihingalo na, at lalo na nang hindi pinayagang ilibing ang mga labi niya sa Libingan ng Mga Bayani.  Nasa kultura din ng Pilipino ang hindi pagtanim ng matinding galit kahit hindi makalimot sa mapait na nakaraan. Karamihan kasi ay mga Kristiyano kaya nagising sa mga turo o aral tulad ng pagpapaubaya at pagpapakasakit. Kung hawak ng grupo ni Cory ang Hukbong Sandatahan noong umupo siya, lalo pa at nasa likod niya sina Enrile at Ramos, bakit siya natakot sa pagbalik ni Marcos sa Pilipinas ganoong ito ay naghihingalo na? Isa pa, bakit hindi ilagay sa pipirmahan ni Marcos na kung magpapasimula siya ng kaguluhan ay ibabalik siya sa Hawaii?

 

Ang korapsyon sa gobyerno ay patuloy sa pamamayagpag nang umupo si Cory, kaya marami ang nadismaya. Hindi rin napansin ang pagbalik ng mga Marcos sa Pilipinas, at kung may nakapansin man ay nagkibit-balikat na lang. Kung seryoso ang gobyerno ni Cory noon na hindi pabalikin ang pamilya, bakit hindi gumawa ng mabigat na batas para dito? Nagkaroon ng bagong Konstitusyon noong panahon niya, bakit hindi gumawa ng batas na haharang sa “political dynasty”? Ngayong sumabak sa pulitika ang mga miyembro ng pamilya Marcos maliban kay Irene, at si Bongbong ay maraming sinasabi upang linisin ang pangalan nila, ay saka naman nagri-react ang mga mapagkunwaring marurunong daw. Hindi dapat sisihin si Bongbong dahil anak siya ng taong binabatikos kaya umiiral ang likas na damdamin niya bilang anak. Kung noon pa lang sana ay hinarangan na ang mga Marcos bago nakabalik, wala na sanang mga binibitiwang mapagkunwaring mga salita ang mga nasa puwesto pa at ibang aali-aligid na mga hunyangong pulitiko…naghihintay sa bagong mahahalal na presidente na uungguyin na naman nila at hahalikan sa paa at puwet!

 

Ngayon, sa henerasyon ng mga kabataan na karamihan ay walang kamuwang-muwang sa People Power dahil hindi naman ito itinuturo sa mga eskwelahan, ang mga nagpakitang-gilas noon na magbabangon daw sa nakalugmok na Pilipinas ay nangangako pa rin….at may nagbabanggit pa ng tuwid na daan! Pinipilit ding agawin ng mga gahamang ito ang karangalan sa pagpatalsik sa diktador, mula sa mga nagbuwis ng buhay na mga estudyante, mga madre na humarang sa mga tangkeng pandigma sa EDSA, sa mga nagpakagutom sa lugar pa ring yon ng kung ilang gabi at araw, at sa mga magsasakang nagtiyagang makisakay sa mga trak at naglakad makalahok lang sa pagpapatalsik. Tanggap ko na ang nagsilbing mitsa ng People Power ay kamatayan ni Ninoy Aquino, pero hindi dapat kalimutan na ang langis na nagpaapoy sa mitsa na yan ay ang katapangan, dugo at buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Paano na kung walang sumipot sa panawagan ni Cardinal Sin?… siguradong nilangaw ang EDSA at nakalaboso sina Enrile at Ramos!

 

Dahil sa kapabayaan ng mga namuno na nagsimula nang mawala si Marcos, nagpatung-patong na ang iba’t ibang uri ng korapsyon. Dahil ang mga dati nang mayaman ay lalo pang yumaman, wala silang problema ano man ang mangyari sa Pilipinas….samantalang ang mga mahihirap ay lalong naghihirap at nakanganga sa harap ng mga ampaw na pangako na naman…ngayong palapit na ang eleksiyon!

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

(tungkol ito sa “chain prayer” at iba pa)

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming paraan ang maaaring gamitin sa pagpalaganap ng pananalig o pananamapalataya sa Diyos. Subali’t magandang gawin ito sa paraang walang karahasan o pamimilit.

 

Ang isang halimbawa ay ang ginagawa ng ISIS sa Gitnang Silangan na gumagamit ng dahas upang maisakatuparan ang hangad nilang mapalawak ang pamumuno ng “Islamic Caliphate”. Inabuso din nila ang tunay na kahulugan ng “jihad” na ginamit nilang pangbalatkayo sa pulitikal nilang layunin.

 

Ang iba naman ay gumagamit ng “literal” na kahulugan ng mga sinasabi sa Bibliya upang ipakita na malawak na ang narating sa kababasa ng nasabing libro. Hindi man lang nila naisip na ang Bibliya ay may iba’t-ibang bersiyon na ginagamit ng iba’t- iba ring relihiyon. Ang matindi pa nga ay ang sinadyang pagkaltas ng ibang bahagi ng nasabing libro upang umangkop sa layunin ng mga namumuno ng relihiyon.

 

May mga taong sumasampa sa mga bus at jeep o di kaya ay nagtitiyagang magsalita sa matataong lugar tulad ng palengke. Ang iba naman ay naghahanap ng makikinig sa kanila kaya umiistambay sa mga mall at liwasan o park tulad ng Luneta. Karamihan sa kanila ay nag-resign sa trabaho upang bigyan ng halaga ang “nararamdaman” daw nilang utos sa kanila ng Diyos, kaya ang resulta….pagtigil ng pag-aaral ng mga anak, at kagutuman ng pamilya. Ang mga nasa palengke naman ay matiyaga din, at kadalasan ay grupo sila – habang ang isa ay nagsasalita o kumakanta sa harap ng mikropono, ang mga kasama naman niya ay nakakalat hanggang sa paligid ng palengke na hindi na abot ng loud speaker, lumalapit sa mga tao habang may hawak na lagayan ng “donation”.

 

Noong wala pa ang computer, ang tawag sa daluyan ng teknolohiyang hatid ng radyo at telebisyon ay “air wave”. Ngayon naman ay may mas malawak na daluyang kung tawagin ay “cyberspace”. Kung noon ay may “air time” na binabayan ang mga maperang pastor na kung tawagin naman ay “block timer” upang magpalaganap ng mga salita ng Diyos ayon sa kanilang paniniwala, ngayon ang napakasimpleng gagawin lang ng isang tao ay magbukas ng facebook account, at presto!…mayroon na siyang venue, o outlet, o labasan ng kanyang mga saloobin.

 

Ang “facebook” naman ay para lang sana sa mga larawan ng mga magkaibigan upang maipakita nila ang  aktwal nilang hitsura o mga ginagawa lalo na ng pamilya, na maaring samahan ng maikling bagbati. Subalit dahil nakita ang lawak ng inaabot ng facebook, naisip ng mga may malakas na pananampalataya na magpalaganap ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng paglagay sa “frame” ng mga dasal na ginamit sa “chain” o tanikala upang marami ang marating na kaibigan. Ang nakasama ay ang “babala” o warning na kung hindi ipagpapatuloy ng nakatanggap ay may mangyayaring sakuna o kamalasan sa kanyang buhay. Ang mga may mahinang pundasyon ng pananalig ay natataranta at natatakot dahil kung minsan ang natatanggap nila ay may warning na  “dapat ay sa 50 na kaibigan” ipaabot. Kaya ang mga kawawang nakatanggap na ang kaibigan sa facebook ay wala pa ngang 10 ay  hindi na magkandaugaga sa paghanap ng iba pang tao kahit hindi gaanong kilala upang umabot lang 50 ang kanyang padadalhan! Ang iba ay hindi makatulog dahil dapat daw ay ikalat ang dasal sa loob ng 24 na oras!

 

Sa isang banda, hindi dapat ipinipilit ang pagyakap sa isang paniniwala na mula’t sapul ay ayaw ng isang tao. Hindi dapat idaan sa “chain prayer” ang pagpapalaganap ng pananalig sa Diyos, kung mismong ang nagpadala ay hindi rin gumagawa ng dapat gawin ayon sa dasal na ikinakalat niya. Paano kung ang pinadalhan ay bistado ang ugaling masama ng nagpadala? Alalahaning hindi nakokontrol ang ganitong uri ng pamamahagi o sharing at hindi maiwasang magkakabistuhan ng ugaling “plastic”. Ang mangyayari niyan, baka libakin pa ang nagpada ng “chain prayer”, ng mga pinadalhan niya dahil sa kanyang pagkukunwari. Yan ang dapat pag-ingatan sa paggamit ng “social media” tulad ng facebook.

 

At, ang pinakamahalaga….dapat alalahaning, mas malakas ang internet sa “itaas”….iba ang gusto ni Lord na mangyari, ang ipakita sa gawa at kilos ang mga Salita Niya, hindi ipakalat sa facebook na may kasamang pananakot….dahil marami nang taong pagod sa mismong pananakot ng ibang relihiyon na ang gagawa ng masama ay “mahuhulog sa nag-aapoy na impyerno”!

 

Sinisira ng mga Panatiko ang Tunay na Kahulugan ng Pananalig at Pananampalataya

Sinisira ng mga Panatiko Ang Tunay na Kahulugan

Ng Pananalig at Pagsasampalataya

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung ang mga taong nagkakaiba ang pananampalataya ay nagpapakatotoo, maiiwasan sana ang kalituhan o kaguluhan sa ibabaw ng mundo, pagdating sa ganitong bagay.

 

May mga sekta ng relihiyon na pinagpipilitan ng mga kasapi na sila ang tama at ang iba ay mali, kaya sila lang daw ang may karapatang makaligtas pagdating ng araw ng paghukom, kaya pati ang mga namatay nilang kasapi ay babangon muli. Ang  mga namumuno lang naman nila ang nagsasabi niyan sa kanila, na ang batayan ay binagong Bibliya  upang umangkop sa kanilang layunin. Sigurado ba ang mga kasapi ng mga sektang ito na tunay na banal ang mga namumuno sa kanila, kaya karapat-dapat na paniwalaan?

 

May isang relihiyon naman na pinasama ng isang sekta nito nang gamitin ang kanilang pananampalataya upang makasakop ng mga teritoryo, na dinadaan pa sa walang patumanggang  pagpatay ng mga tao. Pati pandadamay ng mga inosente sa pamamagitan ng paggamit ng mga nagpapatiwakal nilang kasapi ay ginagawa din. Kaylan pa naging maka-Diyos ang pagpatay at pagpatiwakal?

 

Ang mga panatiko naman ng isang relihiyon ay pasayaw-sayaw pa sa labas ng kanilang simbahan, o di kaya ay “naglalakad” na paluhod patungong altar. Ang masama pa sa mga ginagawang ito, ang mga gumagawa ay binabayaran ng mga tamad na gumawa ng mga nabanggit na penitensiya! Pati ang pagsunog ng mga kandilang hugis tao upang makapaminsala ng kapwa ay ginagawa din nila, sa labas mismo ng mga simbahan.  Kaya marami ang yumaman sa pagbenta ng mga kandilang may sumpa! Mga dasal din mula sa iba’t ibang pampleto ang kanilang inuusal nang wala sa kanilang kalooban, kaya para na silang loro o parrot na nagsasalita nang hindi naiintindihan ang mga sinasabi.

 

Mabuti na lang at kung may mga panatiko, ay higit na nakararami naman ang mga talagang taos sa puso ang pagsampalataya, ano man ang kinaaaniban nilang relihiyon. Ang mga taong ito na may busilak na damdamin ang nagwawagayway ng mga  sagisag ng iba’t ibang pananampalataya upang patuloy na mamayagpag ang pananalig ng sangkatauhan sa Nag-iisang Makapangyarihan!

 

Ang Bumatikos sa Maling Ginawa ay Hindi Pagiging Abnormal

Ang Bumatikos sa Maling Ginawa ay Hindi

Pagiging Abnormal

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi abnormal ang mga taong bumabatikos kay Pacquiao. Kung hindi normal ang pagbatikos kay Pacquiao dahil kinumpara niya sa hayop at mas masahol pa nga daw ang ginagawa ng mga bakla at tomboy, ibig sabihin ba ay abnormal ang decision ng NIKE na sipain siya?…abnormal ba ang mga sinasabi ngayon ng mga respetadong international at local sports analysts na mali ang ginawa niya na malinaw na isang “discrimination”? Abnormal ba ang ginagawa ng mga brodkaster at mga bloggers na tumatawag ng kanyang pansin dahil sa “karumal-dumal” at hindi “makatao” niyang ginawa? Para na rin niyang sinabi na dahil “straight” kuno siya, sigurado nang ligtas siya pagdating ng araw ng paghukom. Paanong mangyayari yon ganoong hindi siya naniniwalang NAKIKITA NG DIYOS ANG LAHAT, dahil tulad ni Binay, naniniwala din siyang HANGGA’T HINDI NAPAPATUNAYAN NG KORTE (NG TAO) ANG KASALANAN NG ISANG TAO, ITO AY  INOSENTE!….YAN ANG NAKAKAPANINDIG-BALAHIBONG PANANAW DAHIL HINDI NIYA INISIP NA ALAM NG DIYOS ANG LAHAT NG NANGYAYARI SA MUNDO!

 

Ang batayan niya sa kanyang mga sinasabi ay ang Bibliya at sa isang bahagi pa niyan ay nandoon ang mga batas PARA SA MGA ISRAELITA LANG NA IBINIGAY NG DIYOS NILA SA KANILA LANG. Nandoon ang mga batas na ginagamit ngayon ng ISIS. Nagbabasa ako ng Bibliya at namimik-ap ng mga ideya na maaari kong magamit, pero hindi ako panatiko at literal na nagpapatupad ng LAHAT  ng nababasa ko. Para sa akin ay tama lang na tandaan for information,  kung ano ang mga nabasa pero ang ipatupad ang mga hindi na applicable o angkop sa kasalukuyang panahon ay ang dapat ituring na ABNORMAL.

 

Halimbawa ng abnormal na pagpaniwala sa lahat ng sinasabi sa Bibliya ay ang sinabing, huwag mag-alala dahil Diyos na ang bahala sa iyo….na isang malaking kamalian. Dapat tayo ay magsikap pa rin, dahil kung hindi dapat mag-alala ang tao, magiging tamad na siya at aasa na lang sa biyaya. Sa Gitnang Silangan, may mga nagpapairal pa ng batas ng Bibliya na kailangang batuhin hanggang mamatay ang isang nagtaksil sa asawa, putulan ng ari ang isang nanggahasa, putulan ng kamay ang isang nagnakaw, etc.  Marami pang ganyang sinasabi sa Bibliya na literal na pinaniniwalaan ng mga “panatiko”. Sa Pilipinas ay maraming ganyang uri ng panatiko! Kaya mag -ingat tayo sa mga taong utak-ipis na mga ito! Ang masama lang ay baka makarating sila sa Kongreso at Senado….gagawa ng mga batas na “karumal-dumal”.

 

Walang kwestiyong magaling sa boksing si Pacquiao, subalit minsan na ring nakalog ang utak dahil sa sobrang self-confidence. Itong sobrang self-confidence na dinagdagan pa ng mga sulsol na gusto lang siyang lokohin ang humihila kay Pacquiao pababa.

 

Napatunayan na sa napakaraming pagkakataon ang pagiging bulag sa katotohanan ng mga taong nalasing sa tagumpay at karangalan kaya nag-akalang si SUPERMAN sila. Taliwas yan sa inakala kong okey si Pacquiao noon na padasal-dasal pa hawak ang rosaryong bigay ng nanay niya bago sumabak sa suntukan sa ibabaw ng ring. Bandang huli, nawala ang rosaryo, pumasok sa pulitika at nagpalit ng religion. Ano ang nangyari?….ang unti-unti niyang pagbagsak!

 

Ngayon, umabot sa sukdulan ang pagbago ng ugali ni Pacquiao dahil akala niya ay isa rin siyang “huwes” ng Diyos na dapat humusga sa ibang taong masahol pa daw sa hayop ang ginagawa! Ang ginagawa ni Pacquiao na paghuwes-huwesan ay panggagaya sa mga tunay na huwes noong panahon ng Bibliya, silang mga itinalaga ng Diyos dahil wala pang namumunong hari sa mga Israelita.

 

Upang makakita ng mga naghuhuwes-huwesan, pumunta lang sa tapat ng Quiapo church ngayong Holy Week at maraming makikita doon. Noong nakaraang taon, ang mga nakita ko ay mga may mahabang balbas at pilit na magmukhang si Hesus, may isa pang nakaupo sa “trono” , nakasuot ng puting damit upang magmukhang “diyos ama” at napapaligiran ng mga “disipulo” na ang isa ay umaarteng nagta-trance, pero nang sigawan ko ay “nagising”!

 

Marami na akong ginawang blog para kay Pacquiao, kasama na ang isang tula. Kahit nagsisimula pa lang siya sa boksing ay marami na siyang inaning tagumpay sa Pilipinas. Subalit sa kalaunan, nagmistula siyang gumuhong bantayog sa aking pananaw….ginagawa rin pala niya ang mga ginagawa ng mga nalalasing sa tagumpay.

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Si Manny Pacquiao at ang Bibliya Niya

Si Manny Pacquiao at ang Bibliya Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi ito isyu ng kabaklaan o katomboyan, kundi tungkol sa lawak o kakitiran ng isip ng isang tao, lalo pa at nadadamay ang relihiyon na hindi dapat. Sa pinakahuling interview kay Manny Pacquiao sa isang radio station halatang hindi niya naiintindihan ang isyu na naglagay sa kanya sa alanganin, dahil paulit-ulit lang siya sa pagbanggit ng Diyos at Bibliya. Kung ganoon ang takbo ng kanyang isipan, sa halip na pumasok sa pulitika, nag-pastor na lang sana siya. Dapat isipin ni Pacquiao na hindi lahat ng Pilipino ay naniniwala sa Bibliya at katulad niyang Kristiyano. At bilang mambabatas, ang trabaho niya ay gumawa ng batas para sa ikabubuti ng LAHAT ng Pilipino, ano man ang relihiyon nila, AT HINDI ANG MAGYABANG NG KAALAMAN TUNGKOL SA BIBLIYA NA GINAGAMIT NILA SA KANILANG CHRISTIAN GROUP! Binara siya ng radio announcer nang banggitin niya ang Leviticus na pinagmulan daw ng sinabi niya tungkol sa “karumal-dumal” na ginagawa ng mga tomboy at bakla na ayaw niya. Ang nasabing chapter ng Bibliya ay maselan, at hindi lahat ng sinasabi dito ay angkop sa kasalukuyang panahon. Swak sa kanya ang kasabihang, “a little learning is a dangerous thing”.

 

Paulit-ulit na sinasabi ni Pacquiao na ayaw niya ang ginagawa ng mga bakla at tomboy sa isa’t isa dahil bawal daw sa Bibliya at binanggit pa ang Sodom at Gomorrah. Ano ang gusto niyang gawin ng mga bakla at tomboy na may mga ka-live in at nakatira sa ilalim ng iisang bubong?…magdasal minu-minuto at mag-ngitian? Kung uunawain niya ang isang tao, dapat ay unawain din niya ang buong pagkatao nito. Hindi ba niya alam kung ano ang ginagawa ng mga ito bilang paraan ng pagparaos? Napaka-ipokrito niya kung hindi niya ito alam. Kung totoo ang sinasabi niyang may mga kamag-anak siyang bakla, bakit hindi niya tanungin ang mga ito upang malaman niya? Mag-ingat siya dapat dahil may lahi silang bakla, at alalahanin niyang may dalawa siyang anak na lalaki, na sana ay hindi makitaan ng mga senyales. Si Rustom Padilla ay umaming may pusong babae at nagpakababae, hindi noong bata o tin-edyer pa lang siya, kundi nang siya ay may asawa na.

 

Nang tanungin si Manny kung bakit si Binay ay malakas magdasal pero nagnanakaw pa rin, kinausap na raw niya ito at nagsabi na hangga’t walang napapatunayan, ay inosente siya. Magkasama sila sa iisang partido. Ngayon ako naniniwala sa kasabihang, “birds of a feather flock together….”

 

Kung Bibliya ang pinagbabatayan niya ng sinabi niyang masahol pa sa hayop at karumal-dumal ang ginagawa ng mga taong pareho ang kasarian kaya ayaw niya, nakalimutan yata niyang sa libro ring ito nakasaad ang mga karumal-dumal na pakikipagtalik sa iba’t ibang babae, ng mga paborito ng Diyos na sina David at Solomon! Huwag niyang sabihing maka-Diyos ang ginawa ng mag-ama noong unang panahon sa pagkaroon ng harem na kinabibilangan din ng mga babaeng pagano na ayaw na ayaw ng Diyos.

 

Kung gusto niyang magbanggit ng kahayupan, bakit hindi niya banggiting masahol pa sa hayop ang mag-asawang babae at lalaki na maya’t maya ay nag-aaway dahil sa pera, o di kaya ay pabaya sa mga anak na tin-edyer pa lang ay adik na, o di kaya ay nagsabwatan upang maglaglag ng nabubuong sanggol sa sinapupunan, na basta na lang ipa-flush sa inuduro o itapon sa basurahan? Bakit hindi niya sabihing masahol pa sa hayop ang ibang mga “tunay” na babae at  lalaki na kung atakehin ng kalibugan ay masahol pa sa asong ulol, na kung tawagin ay sex maniac  at nympho maniac? Bakit hindi niya sabihing masahol pa sa hayop ang mga kapareho niyang mga pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan ng perang dapat ay ginagastos para sa mga nagugutom? Bakit hindi niya kondenahin ang mga halos mamatay sa paghinagpis na mga “sports men” kuno na pilit nagpapakalaki ganoong pusong babae naman pala? Bakit hindi niya kondenahin ang mga taong sa kagustuhang kumita ay nambubugbog…tulad niya?

 

Kung hindi alam ni Pacquiao,  ayon sa siyensiya hindi nalalaman kung ang isang sanggol ay magiging tomboy o bakla. Sa kanilang paglaki at nagkaroon ng kaliwanagan, kaya ang may pera ay nagpapalit na lang ng kasarian na tutugma sa tunay nilang nararamdaman. Dapat ay malaman din niya na ang tao ay may DNA kung saan ay nakaimbak ang lahat tungkol sa kanyang pagkatao  at hindi niya ito kontrolado. Ang mga nakalagay sa DNA na ito ay BIGAY ng Diyos, hindi hiningi ng nabubuong sanggol sa sinapupunan ng kanyang nanay, at lalong hindi hiningi ng mag-asawang ibigay sa magiging anak nila na resulta ng kanilang pagpaparaos! Kaya, ibig sabihin ay dapat respetuhin at unawain ang isang tao kung ano mang uri siya dahil lahat ng bagay tungkol sa kanyang pagkatao ay BIGAY ng Diyos! Kung karamihan sa mga pari ay nananahimik na nga lang tungkol dito dahil ang iba ay guilty, at ang santo papa naman ay nagpapahiwatig ng pang-unawa, si Pacquiao naman ay nagyayabang sa pagsabing “….ayon sa Bibliya..”. Dapat pala ay nasa pulpito si Pacquiao na ngayon ay nangangampanya bilang senador!

 

Kung gusto niyang patunayang may sampalataya siya sa Diyos at Bibliya niya, bakit hindi siya magpatayo ng mga bahay sambahan sa iba’t ibang liblib na bahagi ng Pilipinas dahil ang mga tao dito ay naglalakad pa ng kung ilang kilometro makarating lang sa pinakamalapit na kapilya?

Ang tunay na pananampalataya ay hindi binabatay sa uri ng relihiyon at Bibliya. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nakaangkla sa pagmamahal at pang-unawa sa kapwa dahil kung hindi kayang gawin ito ng isang tao, lalabas na nagkukunwari lang siya sa pagsampalataya sa Diyos na hindi niya nakikita. Ang dalisay na pananampalataya sa Diyos ay umuusbong mula sa puso, hindi dinidikta ng Bibliya at ibang tao, lalo na ng mga ipokrito.  Ang isang taong masahol pa sa hayop ay yong nagkukunwari bilang Kristiyano dahil ginagamit nila si Hesus upang magyabang ng pananalig na ampaw – walang laman…at hanggang pakitang-tao lang.

 

Kawawa talaga ang Pilipinas dahil naglipana ang mga hayop sa lahat ng sulok, lalo na sa gobyerno – mga buwaya, buwitre, linta, aso, unggoy, ipis, langaw, at tungaw!!! Naalala ko tuloy ang mga mga pilosopong malibog kaya dumami ang mga anak, na sa Bible daw ay may utos na,  “go forth into the world and multiply”…yon lang. Hindi nila inuunawa ang kabuuhan ng utos. Maraming ganyan ngayon na nagmamarunong nang makahawak ng Bibliya, kaya akala nila sa sarili ay pantas na pagdating sa mga nilalaman nito. Ang pagiging maka-Diyos ay pinapakita sa gawa, hindi pinagyayabang sa pamamagitan ng pagsasalita!

Ang Addiction, Harakiri, at Dangal

Ang Addiction,  Harakiri, at Dangal

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang addiction ay hindi limitado lang sa alak, sigarilyo at droga. Sa Pilipinas, may mga maidadagdag pa sa listahan: addiction sa pera, addiction sa pagsinungaling, at addiction sa cellphone.

 

Ang mga sintomas ng addiction sa pera ay ang hindi makontrol na paggalaw ng mga hinlalaki (thumb) at hintuturo (thumb) sa pagkiskisan na animo ay nagbibilang ng pera, pagkataranta kapag nakarinig na kalansing ng baryang nahulog, panlalaki ng mga mata kapag pinag-uusapan ang pera, at madalas na pagkadulas sa pagsabi ng “how much are you”, sa halip na “how are you”. Talamak itong sakit sa Kongreso at Senado at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na palaging may project (na pinagkikitaan).

 

Ang mga sintomas naman ng addiction sa pagsisinungaling ay ang hindi nawawalang ngiti sa mga labi upang ipakita sa iba na malinis ang kanyang budhi at isip, pagsambit ng pangalan ng Diyos na idinudugtong sa mga pangako, pagbanggit ng kidlat, kulog, malusaw, mamatay, at iba pang kahindik-hindik na mga salita upang idiin ang katotohanan kuno ng mga sinabi niya at yong iba ay binebetsinan pa ng “peks man” at “cross my heart”, at ang pinakamalinaw na palatandaan ay ang walang kabuhay-buhay at hindi kumukurap na mga matang nandidilat habang nagsasalita sa harap ng camera dahil nag-aalala na baka madulas ang kanyang dila.

 

At, ang addiction naman sa cellphone ay may mga sintomas na paggalaw-galaw ng hinlalaki na animo ay may pinipindot. Napapansin din ang hindi mapalagay na pagkilos ng addict kapag ang katabi ay may kausap sa cellphone dahil parang may nag-uutos sa kanyang agawin ang cellphone upang siya naman ang makipag-usap. Napapakislot din itong uri ng addict kapag may naririnig na tunog ng cellphone, na sinasabayan pa ng pagdidila ng mga labi na para bang natatakam sa pagkain. At sa isang tahanan, malalaman kung may mga addict sa cellphone kapag may nagbabangayan na maririnig hanggang kalye dahil sa pagwawala ng mga anak na gustong magkaroon ng mga bagong cellphone.

 

Kung dangal naman ang pag-uusapan, matindi ang mga Hapon sa pag-alaga nito. Nagpapakamatay sila kapag nadungisan ang kanilang dangal. Yong mga nasa gobyerno ng Japan, na nabigla o hindi sinasadyang nakagawa ng masama ay nagpapatiwakal agad kahit hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

 

Kung sa Pilipinas mangyayari ang pagpapatiwalak o pagharakiri ng mga nagkasalang government officials, siguradong walang matitira….mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa ibaba. Pero hindi nangyayari, dahil sinanay ang mga Pilipino ng mga prayle o Spanish friars noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang kahit sangkaterba ang kasalanan, lusaw ang mga ito sa paulit-ulit na pagdasal ng Our Father, Hail Mary, at I Believe in God,  na ipinapataw sa nagkumpisal. Kaya ngayon, tingnan ninyong mabuti kung sino ang mga mahilig gumawa ng mga kasalanan na nakaluklok sa kawawang gobyerno ng Pilipinas!…hindi ba silang mga nananalig sa kumpisal?…dahil pagkatapos ng mga penance ay gagawa uli sila ng mga kasalanan!

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat Mga Batang Gutom ang Pakainin

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat

Mga Batang Nagugutom ang Pakainin

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang sinabi ni Cardinal Tagle na sa pangingilin ng mga Kristiyano, isama ang pagpakain sa mga batang gutom…para sa akin ay bitin, kulang. Dapat ay buong pamilya na ang pakainin dahil kung may mga batang gutom, malamang ay gutom din ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan, maliban lang kung ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay mga batang kalye na lumayas mula sa kanilang mga tahanan. Sa isang banda, kahit ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay ang batang sumisinghot ng rugby, o mga “batang hamog”, dapat isiping may mga pamilyang gutom din namang nakatira sa bangket at yong iba ay ginawa pang tahanan ang kariton. Hindi lang dapat pagkain ang ibigay sa kanila kundi pati na rin damit at tarpaulin na panglatag sa sementong hinihigaan.

 

Maliban sa tao, sana naman ay isama na rin ng mga nangingilin ang mga hayop na nasa kalye – mga aso at pusang walang mga “tao”, o mga taong nag-aalaga, o walang tahanan inuuwian. Sila ay may mga buhay din naman. Sana ang mga taong nangingilin na naglagay pa ng uling na hugis krus sa noo nang sumapit ang Ash Wednesday ay hindi mandiri sa pag-abot ng pagkain sa aso at pusang tadtad ng galis ang katawan kaya halos mawalan na ng balahibo. Sana ay hindi sila maduwal o masuka kung abutan nila ang mga ito ng mga pinira-pirasong tinapay.

 

At baka, maaari na ring isama ang isa pang nilalang ng Diyos na bahagi na rin ng buhay ng tao – ang mga halaman. Maraming tao ang pabaya sa kanilang mga halaman. Sila ang mga taong ang hangad lang sa pagbili ng mga halaman ay makisabay sa mga kinainggitang kapitbahay, subalit dahil talagang walang hilig, kalaunan ay pinabayaan na nila ang mga kawawang halaman. Itong mga mayayabang kaya ang gutumin at uhawin? Kung ayaw na nilang mag-alaga sa pinagyabang na mga halaman sana ay ipamigay na lang din nila sa mga kapitbahay na hindi nila kinaiinggitan.

 

Kung dapat maging mabait ang mga nangingilin sa mga hayop at halaman sa Holy Week, sana ay bigyan din nila ng puwang sa kanilang dasal ang mga taong ASAL-HAYOP na nagkalat sa Kongreso, Senado, at mga ahensiya ng gobyerno. Sana ay ipagdasal nila ang pagbago ng mga ASAL-HAYOP na mga taong ito upang hindi pa madagdagan pa ang haba ng kanilang mga sungay!

 

Higit sa lahat, sana ang gagawing pangingilin ng mga tao sa taong 2016  ay hindi dahil nakisabay lang sila sa mga kaibigan, kundi dahil bukal sa kanilang kalooban. Hindi sana nila gagawin ang pangingilin para sa mga nagawa nilang kasalanan, kundi upang bigyan din sila ng lakas na mapaglabanan ang tukso sa paggawa ulit ng mga kasalanan. Tuluy-tuloy sana nilang gawin ang pangingilin taon-taon, habang kaya nila hanggang sila ay malagutan ng hininga!

 

dog