Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang isyu ng problema sa trapik sa malalaking lunsod ng Pilipinas lalo na sa Manila ay yong sinasabi sa Ingles na “scum” o “froth”. Kung ihahalintulad sa hindi dumadaloy na tubig sa estero, ito yong mga animo ay bumubulang nakapaibabaw sa maruming tubig, at kung sa serbesa naman ay yong lumutang na bula pagkatapos ibuhos sa baso. At, dahil lumulutang agad ay unang nakikita. Ganyan din ang trapik na nakikitang problema sa mga kalsada ng mga lunsod. Subalit, ang katotohanan ay hindi ito mangyayari kung walang problema sa bandang “ilalim” ng sitwasyon. Ang mga sumusunod ay naisipan ko lang na baka mga problema:

 

  • Kaluwagan sa pagbili ng mga bagong sasakyan dahil nagkakamurahan ng presyo….at, hindi kinokontrol ng gobyerno. Kung kontrolin naman ay sasabihin ng mga apektado na laban ito sa karapatan ng isang malayang Pilipino. Ang kagustuhan ng karamihan na bumili ng sasakyan ay bunsod ng kultura ng Pilipino na may kinalaman sa kayabangan. Kahit nangungupahan lang ng kuwarto ang pamilya, halimbawa, ng isang simpleng empleyado ay gusto pa rin ng padre de pamilya na magkaroon ng sasakyan para may pangporma at magamit sa pamamasyal sa Luneta ang pamilya.

 

Para sa mga taong ito, hindi bale nang panay ang utang sa Bombay at halos walang pamasahe sa pagpasok sa trabaho o di kaya ay alaga ng pagmumura ng may-ari ng kuwartong inuupahan dahil sa naaantalang pagbayad ng upa, basta may kotse lang na naidi-display upag kaiinggitan ng mga kapitbahay, kahit walang garahe. Nag-operasyon noon upang mag-tow ng mga sasakyang nakaparada sa tabi ng kalsada, subalit “ningas-cogon” naman dahil makalipas ang ilang araw ay itinigil na.

 

  • Pagpapabaya ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na may “pangil” at makatotohanan. At, pagpapabaya rin ng mga ahensiyang dapat magpatupad sa mga batas na naipasa na. Hindi rin isinasaalang-alang ang pagtalaga ng karampatang budget sa mga naipasa nang mga batas upang hindi magamit na dahilan ang kawalan nito kaya walang mga gamit at mga karagdagang tauhan, na kadalasang dahilan ng pagtuturuan ng mga mambabatas at mga ahensiya.

 

  • Ang mabagal o makupad sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga kalsada sa lunsod at highway sa probinsiya. At, kung nagawa na, ang mga ito ay palpak kaya madalas ang pagpapaayos agad…halatang gusto lang talagang pagkitaan ng mga tiwaling opisyal at ahensiya. Nagreresulta tuloy ito sa pagdurusa ng mga motorista at commuters …pagdurusang nagsisimula sa paggawa ng mga proyekto hanggang sa pagpapa-repair ng mga ito…samantalang ang mga kurakot ay masaya!

 

  • Ang hindi pagbibigayan ng mga motorista dahil ayaw ng bawa’t isang malamangan. Dahil sa ugaling ito ng mga Pilipinong motorista, yong traffic sign na “Yield” ay walang silbi sa Pilipinas.

 

Sa madaling salita, kaya matindi ang trapik sa Pilipinas ay dahil walang disiplina ang mga motorista, maraming butas ang mga batas na ginawa ng mga tiwaling mambatatas kaya pinagkakaperahan ng mga tiwaling taong dapat magpatupad sa mga ito, at hindi kontrolado ang pagpasok ng mga bagong sasakyan na umaapaw sa mga kalsadang hindi nadugtungan at naluwangan. At, sa mga dahilang yan…nagbubulag-bulagan ang mga nakaupong tiwali na ay kawatan pang pinagkatiwalaan ng taong bayan!

 

 

 

 

Unawain ang Silakbo ng Galit ng Ina dahil sa Pagtanggol sa kanyang Anak

Unawain ang Silakbo ng Galit
Ng Ina dahil sa Pagtanggol sa kanyang Anak
Ni Apolinario Villalobos

Nag-viral ang sinabi ng nanay ni Mary Jane Veloso na pagbabayarin raw niya si Pnoy sa ginawa nitong pagpapabaya sa kanyang anak kaya muntik nang mabitay sa Indonesia. Mabuti na lang at hindi natuloy, pansamantala, ang pagbitay. Ang isang ina, ay gagawin ang lahat para sa anak. Alam ng lahat na wala namang kakayahang umupa ng gun-for-hire ang nanay ni Mary Jane, na siyang kadalasang ibig sabihin ng ganoong banta. Maaari namang ihabla niya sa korte, pero alam din ng lahat na imposible dahil sa immunity ng presidente. Kaya sana ay unawain na lang siya.

Ayon kasi sa kuwento ng mga kapatid ni Mary Jane, sa loob ng mahigit apat na taon ay marami silang pinagdaanang hirap, na umabot pa sa muntik nang pagpapakamatay ng ilang beses ng tatay nila. At, sa loob ng panahong yon, ay puro paasa lang daw ang natanggap nila, hindi lang mula sa gobyerno kundi maski pati sa mga pribadong taong nilapitan nila. Sino ngayong normal na tao ang hindi halos mawalan ng katinuan sa pag-iisip, lalo na ang isang ina, kapag nakadanas ng ganoong klaseng hirap?

Ganyan din ang nangyari kay nanay Dionesia nang matalo ni Mayweather si Manny. Ang mga fans ni Manny, nabigla man sa nangyari ay medyo nahimasmasan na, maski si Manny mismo na nagsabing tanggap na niya ang kanyang pagkatalo, subalit ayaw paawat ni nanay Dionesia na nakita daw niya kung paanong lamutakin ni Mayweather ang mukha ng anak niya, na pinatotohanan naman ni Manny, kaya ito siguro yong nakita ng mga nanonood na parang may ibinulong siya kay Mayweather…na itigil na ang ginagawa niya. Sa galit ni nanay Dionesia ay gusto daw niyang makipagsuntukan kay Mayweather!

Sa loob ng siyam na buwan, pinaghirapan ng isang inang dalhin sa kanyang sinapupunan ang anak, na siyang panimula ng kanyang paghihirap. Subalit kung iisiping mabuti, nagsisimula ang paghihirap habang naglilihi pa lang siya dahil panay ang kanyang pagsusuka kaya hindi makakain ng maayos. Ang iba ay hindi maintindihan ang sarili dahil parang galit sa mundo. May naiinis pang nagsasabi na pumapangit daw sila dahil nangingitim ang kanilang kili-kili tuwing magbubuntis, tinutubuan sila ng taghiyawat, at gumagaspang ang kutis!

Sa pagluwal ng sanggol, halos maputol ang hininga ng isang ina sa pag-iri upang maitulak palabas ang sanggol. Yong nagpa-caesarian naman, dusa din ang dinanas dahil nalimas ang inipong pinambayad sa doktor. Habang lumalaki ang sanggol, panay ang puyat niya, at mamalasin pa kung tamad ang asawa, kaya ayaw makisama sa pag-alaga. Kapag nagsimula nang mag-aral ang bata, ina pa rin ang tumutulong dito sa mga araling-bahay kahit siya mismo ay halos hindi makaunawa sa mga bagong leksiyon na hindi niya inabot – trying hard lang talaga siya!

Kaya sinong ina ang hindi halos mabaliw kung malaman niyang nakulong at mapa-firing squad ang kanyang anak….sa ibang bansa pa? At sinong ina ang hindi aaray habang nakikitang inuupakan ang anak niyang boksingero sa loob ng ring at dinadaya pa sa pamamagitan ng paglamukos sa mukha nito?

Siyanga pala, ang tinutukoy ko dito ay ang mga inang normal ang pag-iisip, hindi ang mga disgrayadang babae na naglalaglag ng sanggol na nabuo sa kanilang sinapupunan dahil sa kanilang kalandian o kalibugan, o yong mga inang nagtatapon ng sanggol sa basurahan!

Sa isang banda, nakakabilib ang inang nagbunga man ang pagkaligaw niya ng landas ay nagpipilit pa ring buhayin ang anak sa lahat ng paraang kaya niya. Ang ganyang klaseng ina ang pinagpapala ng Diyos!

Samantala, yong mga hindi pa nakakadanas ng mga pagsubok tulad ng mga Veloso at nanay Dionesia Pacquiao, tumigil na lang sana sa pagbatikos…..unawain na lang sila. Isipin nyo na lang na nanay nyo rin sila na pinaglalaban kayo. At, higit sa lahat alalahanin natin ang kasabihang: NANAY LANG ANG MAGSASABING MAGANDA O GUWAPO ANG KANYANG ANAK!…may panlaban kayo diyan?