Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Masarap Sana, Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Masarap Sana,  Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Ni Apolinario Villalobos

 

Masarap sana ang mabuhay sa mundo, kung hindi magulo at walang mga kalituhan. Dahil ito sa likas na ugali ng taong mapanlamang, mapag-imbot, at maramot na kadalasang  tumatalo sa mga mabubuting ugali na mapagpakumbaba, mapagbigay, at bukas-palad. Kung mapagpakumbaba ka, siguradong yayapakan ang iyong mga karapatan. Kung mapagbigay ka, siguradong itutulak ka lang sa tabi ng mga mapag-imbot. Kung bukas-palad ka kaya maluwag sa loob ang pagtulong sa kapwa, aabusuhin ka naman.

 

Dahil sa nabanggit na mga kalituhan, yong isa kong kaibigan, ay halos ayaw nang lumabas ng bahay upang makaiwas sa mga hindi magandang mangyayari sa kanya. Dahil sa ginawa niya, itinuring siya ng mga ungas niyang kapitbahay na “makasarili”. Sabi niya minsan sa akin, kung magpapaputok siya ng baril sa kalye siguradong sasabihin ng mga kapitbahay niyang “siga” siya. Sinabihan ko na lang na madaling araw pa lang ay umalis na siya at umatend ng misa sa Baclaran o Quiapo, pagkatapos ay mamigay ng tulong sa squatter’s area at kapag padilim na ay saka na lang siya umuwi – walang mga ungas na kapitbahay ang makakakita sa kanya. Sabi ko nga sa kanya ay maswerte siya at ungas lang ang mga kapitbahay niya…hindi mapagkunwari at mainggitin.

 

Hind lang sa pakikipagkapwa-tao ang may kalituhan, kundi kahit na rin sa mga bagay na kailangan upang mabuhay tulad ng pagkain. Kailangan daw ay kumain ng gulay at isda dahil masustansiya ang mga ito. Subali’t sa palengke, hindi lang isda ang nilulublob sa “formalin”,  ang kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo, kundi pati na rin mga gulay upang hindi malanta agad. Ang karagatan at mga ilog na tinitirhan ng mga isda ay marumi na rin. Ang mga nahiwang gulay ay nilulublob sa tawas upang hindi mangitim tulad ng hiniwang langkang nakagawiang iluto sa gata at talong na tinanggalan ng bulok na bahagi, pati binalatang gabi, kamote, at patatas. Ang mga gulay sa pataniman ay alaga din sa mga chemical na pamatay-peste habang lumalago. Yong sinasabing mga “organic” daw ay hindi rin sigurado dahil maraming mga nagtitindang mahilig magsinungaling, makabenta lang. Kung totoo man, ay nakakakuha naman ang mga ito ng lason mula sa hangin.

 

Ang mga karne ay may mga anti-biotic, kaya ang akala ng isang kumpanyang nagdede-lata ng produktong karne ay bobo lahat ng mamimili dahil sinasabi ng ads nila na walang sakit ang mga baboy at manok nila – siyempre, dahil alaga sa antibiotic!…talaga din namang kumita lang, lahat ay gagawin upang makapanlinlang. At, yong mga batang lumaki sa gatas at karne ng hayop, ngayon ay may ugaling hayop na rin…dahil kung hindi man bastos ay lapastangan at suwail pa!

 

Ang mga softdrink lalo na ang “Cokes” (tawag yan ng Bisaya sa Coke”), na pampagana sa pagkain kahit bagoong, toyo, o patis lang ulam ay nakakasira ng kidney at atay. Kung mag-ulam naman palagi ng instant noodles na pinakamura at pinakamadaling iluto, subalit ginamitan ng kemikal upand hindi magdikit-dikit, ay lalo namang sisira ng kidney. Mismong bigas na sinasaing ay may mga chemical din upang hindi kainin ng uod at kuto habang nakaimbak sa bodega, kung saan ay iniispreyhan pa sila upang hindi upakan ng mga daga at ipis.

 

Ang instant na kape ay dumaan din daw sa mga paraan o process na nangailangan ng mga kemikal na hindi maganda sa katawan kahit pa sabihing nakakatulong ang inuming ito sa paglusaw ng cholesterol at bara sa daluyan ng dugo patungo sa puso. Ang asukal na puti ay mayroong bleaching chemical na nagpaputi sa dating manilaw-nilaw na katas na ito ng tubo. Naka-imbento ng artipisyal na asukal upang makaiwas sa diabetes, subalit nakakasira naman din daw ng kidney.

 

Pati mga bitamina na ginagawa sa mga laboratoryo ay pinagdududahan na rin. Kahit maliit lang ang sumobra sa naimon ay magsasanhi na ng overdose na maaari pang maging sanhi ng sakit. Sa puntong ito, ang mga gamot na akala natin ay nakakapandugtong ng buhay ay hindi rin pala magandang basta na lang iinumin, kaya mismong anti-biotic ay hindi na rin ligtas.

 

Ano pa nga ba at, animo ay nag-uunahan ang mga bahagi ng katawan natin kung alin sa kanila ang unang manghihina hanggang bumigay  dahil sa mga pagkaing akala natin ay pampahaba ng buhay, yon pala ay may mga lasong unti-unting nakakamatay. Kaya siguro, madalas na payo ng doctor sa pamilya ng pasyente na may taning na ang buhay, ay pagbigyan na lang ito sa lahat ng hihilingin niyang pagkain dahil wala na rin namang mangyayari bunsod ng lasong nagkakaiba lang ang dami sa bawat pagkain.  Ang maratay dahil sa sukdulang epekto ng lason na nakukuha natin sa mga pagkain at hangin ang ultimate na sitwasyon kung saan ay talagang angkop ang kasabihang, “no choice” at “…no turning back”.  Ang kalagayan ring ito ang nagpapakita na ang tao ay nagsi-self destruct!

 

 

 

 

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang isyu ng problema sa trapik sa malalaking lunsod ng Pilipinas lalo na sa Manila ay yong sinasabi sa Ingles na “scum” o “froth”. Kung ihahalintulad sa hindi dumadaloy na tubig sa estero, ito yong mga animo ay bumubulang nakapaibabaw sa maruming tubig, at kung sa serbesa naman ay yong lumutang na bula pagkatapos ibuhos sa baso. At, dahil lumulutang agad ay unang nakikita. Ganyan din ang trapik na nakikitang problema sa mga kalsada ng mga lunsod. Subalit, ang katotohanan ay hindi ito mangyayari kung walang problema sa bandang “ilalim” ng sitwasyon. Ang mga sumusunod ay naisipan ko lang na baka mga problema:

 

  • Kaluwagan sa pagbili ng mga bagong sasakyan dahil nagkakamurahan ng presyo….at, hindi kinokontrol ng gobyerno. Kung kontrolin naman ay sasabihin ng mga apektado na laban ito sa karapatan ng isang malayang Pilipino. Ang kagustuhan ng karamihan na bumili ng sasakyan ay bunsod ng kultura ng Pilipino na may kinalaman sa kayabangan. Kahit nangungupahan lang ng kuwarto ang pamilya, halimbawa, ng isang simpleng empleyado ay gusto pa rin ng padre de pamilya na magkaroon ng sasakyan para may pangporma at magamit sa pamamasyal sa Luneta ang pamilya.

 

Para sa mga taong ito, hindi bale nang panay ang utang sa Bombay at halos walang pamasahe sa pagpasok sa trabaho o di kaya ay alaga ng pagmumura ng may-ari ng kuwartong inuupahan dahil sa naaantalang pagbayad ng upa, basta may kotse lang na naidi-display upag kaiinggitan ng mga kapitbahay, kahit walang garahe. Nag-operasyon noon upang mag-tow ng mga sasakyang nakaparada sa tabi ng kalsada, subalit “ningas-cogon” naman dahil makalipas ang ilang araw ay itinigil na.

 

  • Pagpapabaya ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na may “pangil” at makatotohanan. At, pagpapabaya rin ng mga ahensiyang dapat magpatupad sa mga batas na naipasa na. Hindi rin isinasaalang-alang ang pagtalaga ng karampatang budget sa mga naipasa nang mga batas upang hindi magamit na dahilan ang kawalan nito kaya walang mga gamit at mga karagdagang tauhan, na kadalasang dahilan ng pagtuturuan ng mga mambabatas at mga ahensiya.

 

  • Ang mabagal o makupad sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga kalsada sa lunsod at highway sa probinsiya. At, kung nagawa na, ang mga ito ay palpak kaya madalas ang pagpapaayos agad…halatang gusto lang talagang pagkitaan ng mga tiwaling opisyal at ahensiya. Nagreresulta tuloy ito sa pagdurusa ng mga motorista at commuters …pagdurusang nagsisimula sa paggawa ng mga proyekto hanggang sa pagpapa-repair ng mga ito…samantalang ang mga kurakot ay masaya!

 

  • Ang hindi pagbibigayan ng mga motorista dahil ayaw ng bawa’t isang malamangan. Dahil sa ugaling ito ng mga Pilipinong motorista, yong traffic sign na “Yield” ay walang silbi sa Pilipinas.

 

Sa madaling salita, kaya matindi ang trapik sa Pilipinas ay dahil walang disiplina ang mga motorista, maraming butas ang mga batas na ginawa ng mga tiwaling mambatatas kaya pinagkakaperahan ng mga tiwaling taong dapat magpatupad sa mga ito, at hindi kontrolado ang pagpasok ng mga bagong sasakyan na umaapaw sa mga kalsadang hindi nadugtungan at naluwangan. At, sa mga dahilang yan…nagbubulag-bulagan ang mga nakaupong tiwali na ay kawatan pang pinagkatiwalaan ng taong bayan!

 

 

 

 

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

(tungkol sa mga isyu ng “tanim-bala” at “Maguindanao Massacre”)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ayon sa matalinong presidente ng Pilipinas, maliit na bagay lang daw ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport at pinalaki lang ng media. Para sa kanya, maliit palang bagay ang mga sumusunod na ilan lang sa mga nangyari dahil sa eskandalong ito:

 

  • Ang mawalan ng trabaho sa ibang bansa ang isang pasaherong hindi nagbigay ng suhol kaya pinigilang sumakay sa kanyang flight.

 

  • Ang halos ikamatay ng isang matandang pasahero ang ginawang pagbintang na nagbibitbit siya ng bala.

 

  • Ang kahihiyang idinulot ng pagposas agad sa isang may katandaan nang pasaherong babae dahil lang sa iisang balang nakita daw sa kanyang bagahe.

 

  • Ang mapagtawanan ang Pilipinas ng buong mundo dahil pati ang inosenteng bala ay ginawang kasangkapan sa pangingikil, kaya ang kahihiyang ito ay ginawan pa ng isang TV show sa Japan.

 

  • Ang maalipusta ng mga banyaga na ang tingin sa Pilipino ay hindi mapapagkatiwalaan.

 

  • Ang masira ang imahe ng bansa pagdating sa turismo dahil pati mga banyagang turista ay hindi pinatawad ng mga nangingikil sa airport.

 

  • Ang maungkat uli ang literal na mabahong amoy sa mga airport dahil sa mga sirang gripo, baradong inuduro at tadtad ng mantsang mga lavatory o lababo, kaya hindi na nawala ang black eye ng tourism industry ng bansa na hindi na nga nakakasabay kahit lang sa mga kapit-bansa na kasapi sa ASEAN.

 

Pinsan ng pangulo ang nakaupong General Manager ng MIAA, na tahasang nagsasabing wala siyang pakialam sa pangkabuuhang operasyon ng airport sa kabila ng ipinakita na sa kanyang responsibilidad na nakapaloob sa isang kauutusan. Bakit hindi na lang siya mag-resign upang mapalitan ng talagang may kaalaman sa pagpapatakbo ng airport? Kung may pagmamahal siya sa pinsan niyang matalinong president, dapat umalis na siya upang mabawasan naman ang bigat na nakapatong sa balikat nito – mga problemang siya rin ang may gawa.

 

Ang Maguindanao Massacre na ilang araw lang ang nakaraan ay umabot na sa ika-anim na taon ay malamang “maliit na bagay” lang din para sa matalinong pangulo. Nakalimutan yata niyang isa ito sa mga pinangako niyang matutuldukan noong siya ay nangangampanya pa lang. Nakakatawa pa sila sa Malakanyang dahil ngayong araw na ito lang, November 24, nagbigay ng “reminder” sa Department of Justice na “bilisan” kuno ang pagpausad sa gulong ng hustisya para sa mga namatayan!

 

Maliit din sigurong bagay ang pag-appoint niya ng mga kakilala, kaeskwela, at kung ano pang kakakahan sa mga sensitibong puwesto sa iba’t ibang ahensiya. Mabuti na lang at kahit paano ay nabistong ang palagi niyang sinusumbat na cronyism kay Gloria Arroyo ay ginagawa din pala niya – mas matindi pa! Bumaba man siya sa puwesto, hindi siya makakalimutan ng mga Pilipino dahil sa pagduduro niya ng isang daliri kay Gloria, samantalang ang tatlo pa ay nakaturo naman sa kanya!

 

Para sa isang taong hindi nakadanas ng kahirapan, lahat ng bagay sa mundo ay maliit dahil malamang, iniisip niyang lahat ito may katumbas na pera!…o hindi kaya dahil lang sa talagang ugali niyang walang pakialam sa kanyang kapwa?

 

 

Swabe ang Anarkiya sa Pilipinas…dahil wala pang marahas na reaksyon ang mga Pilipino

Swabe ang Anarkiya sa Pilipinas
…dahil wala pang marahas na reaksyon ang mga Pilipino
Ni Apolinario Villalobos

Ang matinding anarkiya sa isang bansa ay nangyayari kapag hindi na makatiis ang mga mamamayan sa mahinang pamunuan o kung humagupit ang isang matinding kalamidad kaya halos paralisado ang pamahalaan. Ang pinakamalalang mangyayari ay mga patayan at hantarang nakawan o looting. Anarkiya ding masasabi ang kaguluhan sa pagpapatakbo ng gobyerno. Sa Pilipinas, swabe ang mga nakikitang kaguluhan, na hindi pa masyadong binigyang-pansin dahil sa kultura ng Pilipino na nakaka-ayon sa lahat ng sitwasyon, tulad ng mga sumusunod:

1. Hindi pagsunod ng mga local officials sa mga desisyon ng Ombudsman na pagsuspinde sa kanila na ang nakasayang gawin ay tumakbo sa mga tiwali at nababayarang huwes upang kumuha ng Temporary Restraing Order o TRO, o di kaya ay hindi pag-alis sa kanilang opisina, na isang malinaw na kawalan ng respeto sa Ombudsman. Dahil dito ay nagkakaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga supporter ng suspendidong opisyal at pansamantalang itinalagang opisyal.

2. Pagka-inutil ng DILG sa pagpipilit na maipatupad ang kautusan ng Ombudsman sa pamamagitan ng pagpaalis sa suspendidong opisyal mula sa opisina upang makagawa ng maayos ng audit, ganoong ang mga LGU ay nasa ilalim naman ng nasabing ahensiya. Sa nangyayari ngayon sa Makati halimbawa, ang hepe ng DILG na si Roxas ay “nakikiusap” pa sa suspendidong mayor na si Junjun Binay na sumunod na lang. Paano siyang rerespetuhin at susundin kung ang pinapakita niya ay kalamyaan na maihahalintulad sa kaduwagan o kawalan ng gulugod? Hindi makakaapekto sa buong bansa kung gagamit ng lakas ang DILG upang ipilit ang kapangyarihan nito…plus factor pa ito ni Roxas kung sakali.

3. Pagka-inutil ng mga ahensiya ng pamahalaan na makontrol ang maya’t- mayang pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin sa palengke, lalo na ang bigas. Isama pa rito ang mga presyo ng langis, bayarin sa tubig at kuryente.

4. Patuloy na hantarang smuggling dahil sa katiwalian sa loob ng mga ahensiyang dapat ay nangangasiwa sa mga pantalan.

5. Hindi makontrol na mga krimen sa loob mismo ng mga kulungan na dati ay patayan kung may riot lang, subalit ngayon ay may prostitution na rin at droga.

6. Hindi makontrol na pangungumisyon sa mga proyekto ng gobyerno, at ang pinakamatindi ay ang pamamayagpag ng mga negosyanteng nagpapatakbo ng mga pekeng NGO na kinasasabwatan ng mga opisyal ng gobyerno upang makakuha ng pondo mula sa kaban ng bayan.

7. Paglala ng krimen dahil ang iba sa hanay ng kapulisan ay sangkot na rin.

8. Patuloy na pagpapahirap sa mga mahihirap na dahil sa K-12 program, na ginamitan ng mga librong hindi bababa sa halagang 500 pesos ang isa. Dahil sa inutil na bagong programa na yan, lalo pang pinagpipiyestahan ng mga tiwaling opisyal na may kinalaman sa edukasyon at mga hidhid na negosyante ng libro ang mga mahihirap kaya nadagdagan ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.

Ang mga nangyayari sa kasalukuyang pamahalaan ay kasukdulan ng mga naipong katiwalian mula pa noong panahon ng Martial Law. Hindi nakatulong ang pagkamaka-Diyos ng presidenteng si Cory Aquino kahit nakasandal siya sa simbahang Katoliko. Sa halip na mabawasan ang mga katiwalian, lumala pa noong kapanahunan niya dahil lumakas pa ang loob ng mga tiwali na nagpalit lang ng kulay mula sa pula tungo sa dilaw. Hindi rin nakatulong ang pagka-heneral dati ng pumalit na presidente na si Fidel Ramos, ganoon din ang pagkasikat ni Erap Estrada, at lalo na ng pagka-ekonomista ng isang Gloria Arroyo.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang hilahod nang ekonomiya ay bumagsak na! Nasira ang mga akala ng mga nagluklok kay Pnoy sa puwesto: na siya ay magaling, hindi pala dahil hanggang salita lang daw; na siya ay makikinig sa kanyang mga “boss” – ang taong bayan, tulad ng ipinangako niya, hindi nangyari dahil wala pala siyang isang salita; na siya ay pantay sa pagtingin sa lahat, hindi pala dahil may mga pinapaburang mga ka-barilan at mga classmate daw na pinagtatalaga niya sa puwesto, at kahit hindi maganda ang performance ay ayaw niyang tanggalin. At, marami pang maling akala…

Yan ang Pilipinas…ang mga mamamayan ay swabe sa pagharap sa mga pagsubok…. kaya nakakatiis pa kahit papaano…..at, kaya hindi na lang muna pinapansin ang nakasayan nang swabeng anarkiya!