Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, laglag-bala ang mainit na isyu. Ang mahigpit na pag-kontrol sa mga airport upang maiwasan ang pagpuslit ng mga deadly ammunition ay okey na sana subalit nasilipan ng butas ng ilang tiwali sa airport dahil sa paniniwala ng mga Pilipino sa bala bilang agimat. Dahil sa katiwalian na iyan, maraming tanga at may matigas na ulong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil napigilan sa pagsakay sa eroplano dahil lamang sa iisang balang nakita sa kanilang bagahe. Maraming tangang Pilipino ang umaming nagdadala talaga ng bala sa abroad upang pananggalang daw nila laban sa pag-aabuso ng employer. May mga natanggal na ring mga inspector ng bagahe dahil kahit obvious na talagang walang laman ang bala dahil ang tinuturing na agimat lang talaga ay ang tansong basyo, pinagpipilitan pa rin na “deadly ammunition” daw ito. Bakit nga naman nila palalampasin ang pagkakataon ganoong, ang “pakiusapan” ay may presyong mula 2 thousand hanggang 8 thousand pesos???!!!

 

Sa pinakapangit na airport pa rin sa buong mundo, ayon sa survey – ang Manila International Airport Terminal 3, laglag-kisame naman ang isyu. May nasugatan, banyagang turista pa, mabuti na lang at hindi nasaktan ang kanyang asawang Pilipina at anak. Nag-apologize ang manager ng airport subalit hindi pa rin ito sapat. Bago nangyari ang paglaglag ng kisame sa coffee shop, ay nagkaroon na rin ng laglagan bago pa man binuksan para sa operasyon ang Terminal 3, at nang nag-ooperate na, nagkalaglagan pa rin ng dalawang beses. Ibig sabihin, ang diperensiya ay ang mahinang “original” na kisame o suporta nito, kaya siguradong ang bagong kisameng ikakabit ay madadamay. “It’s more fun in the Philippines” pa rin kaya ang sasabihin ng pinakahuling nasaktan na turista?

 

Nilaglag ni Aquino si Purisima kung kaylan sobra na ang alingasaw ng amoy ng “teamwork” nila. Nilaglag din ng administrasyon si Vitangcol ang sinasabing palpak at nangurakot sa mga deals at management ng MRT, pero under investigation, as usual, at pinagduduhan pa . Latest kay Vitangcol: humihingi ng tulong sa PAO para bigyan ng libreng abogado! Ang kakapalan nga naman ng mukha kung umiral! Yan ang problema sa mga tauhan ni Pnoy, ginagawang tanga ang mga Pilipino….gusto ba namang magkaroon ng abogadong ang nagpapasuweldo ay taong bayan na sinasabing niloko niya! Walang delikadesa!

 

May mga laglagan na rin sa pulitika bago sumapit ang election 2016. Nilaglag ni Pnoy Aquino si Mar Roxas nang i-veto niya ang batas para sa dagdag na 2 libo sa pension ng mg SSS retirees. Sa mga hindi nakakahalata, binago ni Roxas ang kanyang political ad dahil sinimplehan lang, walang music background, at ang dialogue tungkol sa tuwid na daan ay dinugtungan niya ng “pupunuan ko kung may kakulangan, iwawasto ang mali, at hindi ako nagnakaw….”. Malinaw na patutsada kay Pnoy na mula’t sapul ay walang bilib sa kanya. Nilaglag din daw ni Escudero si Grace Poe subalit deny to death naman siya sa isang interview…pero truthful ba siya?

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

(tungkol sa mga isyu ng “tanim-bala” at “Maguindanao Massacre”)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ayon sa matalinong presidente ng Pilipinas, maliit na bagay lang daw ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport at pinalaki lang ng media. Para sa kanya, maliit palang bagay ang mga sumusunod na ilan lang sa mga nangyari dahil sa eskandalong ito:

 

  • Ang mawalan ng trabaho sa ibang bansa ang isang pasaherong hindi nagbigay ng suhol kaya pinigilang sumakay sa kanyang flight.

 

  • Ang halos ikamatay ng isang matandang pasahero ang ginawang pagbintang na nagbibitbit siya ng bala.

 

  • Ang kahihiyang idinulot ng pagposas agad sa isang may katandaan nang pasaherong babae dahil lang sa iisang balang nakita daw sa kanyang bagahe.

 

  • Ang mapagtawanan ang Pilipinas ng buong mundo dahil pati ang inosenteng bala ay ginawang kasangkapan sa pangingikil, kaya ang kahihiyang ito ay ginawan pa ng isang TV show sa Japan.

 

  • Ang maalipusta ng mga banyaga na ang tingin sa Pilipino ay hindi mapapagkatiwalaan.

 

  • Ang masira ang imahe ng bansa pagdating sa turismo dahil pati mga banyagang turista ay hindi pinatawad ng mga nangingikil sa airport.

 

  • Ang maungkat uli ang literal na mabahong amoy sa mga airport dahil sa mga sirang gripo, baradong inuduro at tadtad ng mantsang mga lavatory o lababo, kaya hindi na nawala ang black eye ng tourism industry ng bansa na hindi na nga nakakasabay kahit lang sa mga kapit-bansa na kasapi sa ASEAN.

 

Pinsan ng pangulo ang nakaupong General Manager ng MIAA, na tahasang nagsasabing wala siyang pakialam sa pangkabuuhang operasyon ng airport sa kabila ng ipinakita na sa kanyang responsibilidad na nakapaloob sa isang kauutusan. Bakit hindi na lang siya mag-resign upang mapalitan ng talagang may kaalaman sa pagpapatakbo ng airport? Kung may pagmamahal siya sa pinsan niyang matalinong president, dapat umalis na siya upang mabawasan naman ang bigat na nakapatong sa balikat nito – mga problemang siya rin ang may gawa.

 

Ang Maguindanao Massacre na ilang araw lang ang nakaraan ay umabot na sa ika-anim na taon ay malamang “maliit na bagay” lang din para sa matalinong pangulo. Nakalimutan yata niyang isa ito sa mga pinangako niyang matutuldukan noong siya ay nangangampanya pa lang. Nakakatawa pa sila sa Malakanyang dahil ngayong araw na ito lang, November 24, nagbigay ng “reminder” sa Department of Justice na “bilisan” kuno ang pagpausad sa gulong ng hustisya para sa mga namatayan!

 

Maliit din sigurong bagay ang pag-appoint niya ng mga kakilala, kaeskwela, at kung ano pang kakakahan sa mga sensitibong puwesto sa iba’t ibang ahensiya. Mabuti na lang at kahit paano ay nabistong ang palagi niyang sinusumbat na cronyism kay Gloria Arroyo ay ginagawa din pala niya – mas matindi pa! Bumaba man siya sa puwesto, hindi siya makakalimutan ng mga Pilipino dahil sa pagduduro niya ng isang daliri kay Gloria, samantalang ang tatlo pa ay nakaturo naman sa kanya!

 

Para sa isang taong hindi nakadanas ng kahirapan, lahat ng bagay sa mundo ay maliit dahil malamang, iniisip niyang lahat ito may katumbas na pera!…o hindi kaya dahil lang sa talagang ugali niyang walang pakialam sa kanyang kapwa?

 

 

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi pala alam ni G. Honrado na saklaw ng kanyang responsibilidad bilang General Manager, ang buong Manila International Airport. Ibig sabihin, hindi pala niya alam na Manila International Airport Authority (MIAA) ang nag-iisyu ng mga temporary pass sa buong airport para sa lahat ng mga taong may kaugnayan sa operasyon nito. Hindi pala niya alam na para maisyuhan ng temporary pass ay kailangang i-surrender ang company ID, o di kaya ay dapat magsumite lahat ng mga ahensiya ng listahan ng mga empleyado nila upang maisyuhan ng pangmatagalang temporary pass. Hindi pala niya alam na ang  malalaki hanggang sa kaliit-liitan gamit ng MIA, ay may tatak na “MIAA Property” at may control number. Nakalimutan rin siguro niya ang malaking “insidente” na nangyari noong panahon ni Gloria Arroyo tungkol sa pagsugod nito sa MIA nang walang pasubali o abiso upang makita talaga ang mga kapalpakan sa mga parking areas, kaya nang mabisto nga ay “sinabon” niya on the spot ang pinsan nitong in-assign din na tulad niya bilang General Manager.

 

Ang Manila International Airport ay parang shopping mall. Ito ay may pinaka-hepe na dapat mangasiwa sa lahat ng mga nagtatrabaho sa loob, kasama na ang security, mga concessionaires, contracted agencies at mga namimili o namamasyal lang. Ibig sabihin ang pinaka-hepe nito ay may responsibilidad na sumasaklaw sa buong operasyon ng mall. Ganoon din sa MIA na dapat lahat ng bahagi nito ay pinangangasiwaan sa kabuuhan ng General Manager – mula sa runways, tarmac, terminals at parking lots. Siya ang nasa itaas at sa ilalim niya ay iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga concessionaires na nagkakanya-kanya ng pagkontrol ayon sa saklaw nilang operasyon na nakasaad sa mga Operating Manual nila, na nakabatay naman sa Operating Manual ng MIAA. Sa pinakagitna ng kani-kanilang operasyon ay ang Manila International Airport Authority.

 

Dapat ang susunod na itatalaga bilang General Manager ng MIA ay taong may “managerial skill” (kaya nga tinawag na General Manager) at may malawak na kaalaman sa airline operation. Saklaw ng airline operation ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa “aviation security” kaya hindi kailangang manggaling ang taong itatalaga mula sa anumang military branch ng Pilipinas. Bilang isang industriya, ang international aviation ay may mga pinatutupad na mga patakaran upang masigurong ligtas ang mga pasahero ng iba’t ibang airlines. Napapag-aralan ang mga patakaran sa pagpapatupad ng security sa airport, at palagi ring ina-update batay sa pangangailangan ng panahon, na tulad ngayon ay hantad sa terorismo. Dahil dito, hindi kailangang may actual exposure sa military operation, na napakalayo sa isang civilian airline operation, ang General Manager.  Dapat ay ituring na malaking leksiyon dito ang nakaupo ngayong General Manager na nagpipilit na wala siyang pakialam sa ibang operasyon ng MiA.

 

Ang malaking problema nga lang ay kung umiral uli ang napakakorap na pag-iisip ng uupong Presidente na magtatalaga na naman ng pinsan, o kapatid, o bayaw, o tiyuhin, o dating driver, o dating messenger, o dating masahista, bilang General Manager. May napapagbatayan na kasi…kung sa Ingles – may “precedent”….may mga una nang ginawa kaya gagayahin na lang!

Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting…HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA

Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting

…HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA

Ni Apolinario Villalobos

 

Kawawa ang mga taong nagpapauto sa mga arbularyo o kung sino man na nagsasabing ang bala, lalo na ang “live” o ang may lamang pulbura ay isang anting-anting. Ang ganitong pang-uuto ay sinimulan ng mga taong nagnanakaw ng bala mula sa kung saan mang imbakan at binibenta sa mga taong tanga na naniwala naman. Sinabi ko na sa isang blog ko noon tungkol sa isyu ng tanim-bala, na kung ituring man na anting-anting ang bala, dapat ay yong walang lamang pulbura dahil ang ginagamit lang ay ang “metal” na nilalagyan ng pulbura na kung hindi yaring tanso ay tingga. Puwede ngang baguhin ang porma tulad halimbawa ng pagpepe o pag-flatten ng basyong bala upang maipormang pendant, o di kaya ay lagyan ng dalawang “kamay” upang magmukhang krus at magamit na palawit sa kuwentas….ganoon lang. Hindi kailangang bumili sa mga nagtitinda ng mga ninakaw na bala, sa halagang Php1,500.00 ang isang piraso! Ayaw ko na lang isulat kung bakit nagkakaubusan ng bala sa mga imbakan nito. Ang isang ordinaryong mamamayan ay hindi naman nakakabili ng paisa-isang bala.

 

Batay sa mga nasagap kong impormasyon galing mismo sa mga nagtatago ng balang may pulbura, “panlaban” daw ito sa mga taong may masamang balak sa kanila, kaya swak sana sa mga OFW na ayaw mabugbog o magahasa ng mga malupit o manyak na employer. Ang masama, pati mga matatanda ay napagpaniwala din ng mga unggoy na nangraraket! Sabihin ba naman ng mga hangal na ito na hahaba ang buhay ng taong may itinatagong bala, kaya ang mga uugud-ugod na gusto pa yatang mabuhay nang mahigit 100 taon, ay hindi rin magkandaugaga sa pagbili, sa halip na gamitin ang perang galing sa pension, na pambili ng gamot sa rayuma man lang!

 

Matagal nang ginagamit ang tanso o copper at tingga o lead, na panlaban sa masamang ispiritu, lalo na sa kapre, pero  hindi sa kapwa-tao. Bumibigat daw ang taong mayroon nito kaya hindi basta naitatakas ng kapre, kaya pati sanggol ay palaging may katabing bala na nakabalot sa pulang tela dahil ang kulay pula ay kalaban din ng masamang espiritu. At tungkol pa rin sa kulay pula…yong ayaw masaniban ng masamang espiritu, maliban sa balang nakabalot sa pulang tela ay nagsusuot din ng pulang bra o kamison at panty kung babae at ang lalaki naman ay palaging may pulang panyo. Sa ilalim ng unan nila ay mayroon ding pulang panyo. Sa panahon ng pagreregla ng babae, lalo silang ligtas!  Pinaniniwalaan na ito bago pa dumating ang mga Kastila.

 

Ang ginagamit na panlaban sa kapwa-taong may masamang balak ay dinasalang langis na umaapaw sa sinidlang maliit na bote kapag nasa harap mo ang taong may masamang balak. Hindi nakokontra ang isang masamang balak ng kapwa- tao sa pamamagitan ng balang nasa bulsa o pitaka, dahil kung totoo man, wala sanang inuuwing OFW na nasa kabaong o buntis dahil na-rape ng employer, o di kaya ay naka-wheel chair, o di kaya ay lalaking Pilipinong ni-rape o binugbog ng Arabo! At, lalong wala sanang namamatay sa pagkabaril o natutusok ng patalim, at nakitang nakahandusay na lamang sa isang tabi. Ang isang nakausap ko, tatlong bala nga daw ang palagi niyang dala, pero sa kasamaang palad pa rin, mahigit limang beses pa rin daw siyang naholdap sa Cubao! Kaya ngayon hinahanting na niya ang co-boarder niyang dating pulis na natanggal sa trabaho dahil sa katiwalian, upang pakainin ng mga balang ibinenta sa kanya! Dalawa daw sila sa boarding house nila ang binentahan ng mga bala ng ungas na dating pulis.

 

Kung anting-anting ang gusto dahil ang inaasam ay karagdagang “lakas”, ang dapat gamitin ay mga kristal, bato, o mga bahagi ng mga halaman. Balutin mo man ang katawan mo ng mga ito ay walang sisita sa airport o pantalan kaya walang mangingikil na taga-AVESECOM o OTS. Pwede ka lang sigurong pigilan sa pagsakay dahil baka isipin nilang sintu-sinto ka, kaya sa halip na i-detain ka o hingan ng pera, baka ihatid ka pa pauwi sa inyo dahil sa awa nila!

 

Totoo naman talagang may iba’t –ibang uri ng “lakas” na nanggagaling sa mga bato at kristal dahil sa taglay nilang mga mineral. Ang isang pruweba rito ay ang bato-balani (magnet), quartz, jade, lalo na ang hindi pa gaanong kilalang batong “tourmaline” na napatunayang humihigop ng dumi sa loob ng katawan. Ang mga bahagi naman ng mga halaman ay talagang gamot kaya nakakapagpalakas ng loob kung may dalang maski pinatuyong dahon, ugat o balat man lang. May mga dahon na maski tuyo ay pwedeng amuyin upang mawala ang pagkahilo o pananakit ng tiyan dahil sa kabag, at mga pinatuyong ugat o balat ng kahoy na kapag ikinunaw (dipped) sa kapeng iniinom ay nakakagamot din….yan ang mga anting-anting na dapat ay palaging nasa bulsa at bag!

 

Ang mga tao namang nauto kaya nakabili ng bala sa halagang Php1,500.00, magmuni-muni na, lalo na yong mga OFW na ang pamilya ay nagkandautang-utang, may maipanlagay lang sila sa recruiter at pambili ng tiket ng eroplano, at ang kabuuhang halaga ay katumbas ng mahigit sa isang taong pagpapa-alipin sa ibang bansa. Huwag magpakatanga dahil lang sa bala. Kaya nagkakaroon ng mga tiwaling kawani sa airport ay dahil sa mga taong matitigas ang ulo. Nakasilip tuloy ang mga kawatan sa airport ng dahilan upang sila ay kikilan. Kung mahuli naman, at marami naman ang umaming may dala nga ng bala, ay saka sila magngunguyngoy at magsisisi! Ang masakit pa ay nadadamay ang mga taong wala talagang kaalam-alam sa “anting-anting” na ito.

 

Dapat tandaang kung walang tanga, ay walang nagagantso o nalilinlang ng kapwa! Kung totoo mang may nagtatanim ng bala sa mga bagahe, ang tanong ay… SINO ANG MGA NAGSIMULA SA PAGBIGAY NG DAHILAN KAYA NAGING RAKET ITO? HINDI BA MISMONG MGA PASAHERONG TANGA NA AKALA AY LIGTAS SILA KUNG MAY BALANG DALA? DAHIL SA TAKBO NG ABNORMAL NILANG ISIPAN, NAGKAROON NG KIKILAN SA AIRPORT KAYA NADAMAY ANG MGA INOSENTENG PASAHERO. Patunay sa raketang ito ang report na sa kabila ng naka-log na kulang-kulang sa isang libong “nahulihan”, wala pang kalahati ang nakasuhan. Ano ang ang nangyari sa iba?…eh, di “napag-usapan”!!

 

At, ang pinakamahalagang paalala: malakas na pananampalataya sa Pinakamakapangyarihan ang pinakamagaling na anting-anting ng tao…wala nang iba! Huwag lang magdasal ng malakas habang nagpapa-inspection ng bagahe sa airport….hinay-hinay lang sa pagpapakita ng matiim na pananampalataya upang hindi mapagkamalang “jet-setter” na baliw!

 

Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala at Iba pang anting-anting sa Pilipinas

Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala

At iba pang anting-anting sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

Ayaw ko sanang magsulat tungkol sa anting-anting, pero dahil sa isyu ng “tanim- bala” sa international airport, ay kailangang maglabas ako ng saloobin upang maisama na rin ang iba pang itinuturing na anting-anting sa Pilipinas. Makababanggit ako ng mga bagay na may kinalaman sa nakaraang awayan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao, kaya kaunting pang-unawa ang hinihingi ko.

Ang “anting-anting” na gawa sa bala ay nagsimula sa Mindanao noong dekada sitenta, kainitan ng away sa pagitan ng mga Blackshirt (Muslim) at Ilaga (Kristiyano). Ang gumagamit ng bala bilang anting-anting PERO WALANG LAMANG PULBURA ay ang mga Ilaga. Napupulot lang ang mga basyo ng bala sa mga encounter areas, pati na ang malalaking basyo ng kanyon. Nilalagyan ng maliit na papel na sinulatan ng orasyon ang basyo ng bala, at tinatakpan uli ng kung hindi man kahoy ay nilusaw na tingga o pilak.

Naging “fad” ang mga gamit na yari sa mga basyong bala, lalo na ang mga ginamit sa kanyon at ginawa bilang ash tray at flower base. Ang mga bala namang basyo subalit may orasyon ay pinapalawit sa kuwentas. Hindi ginagamit na anting-anting ang balang may lamang pulbura, dahil ipinagbawal ito ng mismong mga lider ng Ilaga. Ang kailangan sa basyong bala ay ang tansong nilagyan ng pulbura dahil ang material na ito talaga ang panlaban daw sa masamang espiritu, isang paniniwala na galing sa mga Intsik, maliban pa sa paniniwala nilang nakakagamot din kaya may mga bracelet na yari sa tanso. Naging popular na souvenir ang mga items na yari sa mga basyong bala kaya ang mga pumupunta sa Mindanao – naging malaking negosyo. Sa mga lugar kung saan may mga putukan, may mga bata ring nakaabang upang mamulot ng mga basyo pagkatapos. Yong ibang namumulot ay sako-sako ang naiipon. Yong hindi nalulusaw upang gawing agimat na medalyon ay ginagawing palawit na lang subalit may mga ukit na disenyo.

Ang isa pang ginamit na anting-anting ng mga Ilaga noon ay ang pabango na ang tatak ay “X-7”, na ang pinakamaliit na sisidlan ay kapareho ng sisidlang maliit ng “White Flower”, isang uri ng herbal oil na ginagamit laban sa baradong ilong at nananakit na kalamnan, at sakit ng tiyan. Palatandaan ang amoy ng “X-7” na ang isang tao ay kasapi ng Ilaga, kaya nagkakaalaman ang mga taong nagkakasalubong kahit saan. Ang kumpirmasyon ng kanilang pagiging magkasapi ay isa pang senyas.

May mga classmate ako noon na kasapi sa Ilaga subalit hindi na lang namin sila pinapansin kung nangangamoy “X-7” sila sa loob ng classroom. Maliban sa pabango na hinaluan ng dinasalang langis ng niyog, ang bote ay may laman ding orasyong nakasulat sa maliit na papel at binilot upang magkasya sa bote, o maliit na bahagi ng tenga ng napatay na Blackshirt. Kung may laban, nagpapahid ng maraming “X-7” ang mga Ilaga, at upang epektibo ang anting-anting, kung nakatayo man sila at sumugod, hindi patakbo o palakad ang kanilan ginagawa – nauuna ang kaliwang paa, kaya nakatagilid sila habang sumusugod at nagpapaputok.

Maraming namamasyal sa Mindanao noon na ang unang binibili ay mga palawit sa kuwentas na basyo ng balang binibenta sa palengke, pati na mga ash tray at flower vase na gawa rin sa bala. Lalong naging popular ang bala nang kumalat ito sa Manila dahil binenta na rin sa mga tindahan ng anting-anting sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Isang taga-amin ang minsan ay natiyempuhan kong nagdeliver sa Quiapo ng mga ginawa niyang “souvenirs”, sinamahan ko pa siya sa puwesto ng matandang babae na taga-Baguio. Yan ang kuwento ng kawawang balang dapat ay basyo kung gamiting palawit dahil anting-anting lang, hindi pampatay, subalit ginamit na kasangkapan ng mga kawatan sa airport ng Manila upang makapangikil.

May nakilala ako noong matanda, si Ba Endo, na nakatira sa paanan ng Sierra Madre. Una siyang nakilala ng mga miyembro ng UP Mountaineers na nag-imbita naman sa aming mga taga-PAL Mountaineering Club upang mag-camping sa nasabing bundok. Dahil naging malapit ako sa matanda, naging kampante akong mag-camping sa tabi ng bahay niya o matulog mismo sa bahay niya kahit ako lang mag-isa. Kung minsan ay kasama ko ang isa pang miyembro ng PAL Mountaineering Club na si Fabie Espino.

Isang beses na sa bahay niya ako natulog, ginising niya ako bandang hatinggabi at sinenyasang huwag maingay, sabay turo sa labas ng bintana. Noong umpisa hindi ko maaninag ang itunuturo niya, subalit bandang huli ay malinaw kong nakita ang isang parang maliit na light bulb sa isang sanga ng puno. Gumalaw ito at nawala. Sabi niya, “karbungko” daw ang nakita ko, isang bato na inaalagaan ng mga ahas at ang nagdadala ay ang pinaka-lider nila. Bago namatay ang matanda, inamin niyang may kaalaman siya sa panggagamot at pangkukulam, kaya pala natataymingan ko kung minsan ang mga batang dinadala sa kanya upang mahilot at may mga bisita din siyang  binibigyan niya ng mga dahon at ugat. Binigyan niya ako ng buhok daw ng tikbalang na nakabalot sa balat ng usa. Nahalata niyang hindi ko ito sineryoso, kaya winisikan niya ng konting tubig, at nabigla ako nang biglang parang “nagkikisay” ang balahibo na parang nasaktang uod!

Bago dumating ang mga  Kastila, ang mga agimat na ginagamit ng ating mga ninuno ay mga bahagi ng halaman tulad ng balat at ugat, bato at korales. Ang paniniwala sa mga bato at korales ay galing naman sa mga Intsik na nakikipagkalakalan sa ating mga ninuno noon. Hanggang ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa bisa ng “pulang korales” (red corral), “itim na korales (black corral), susong dagat, pinatuyong “kabayong dagat” (sea horse), balat ng “walo-walo) (sea snake), taklubo, tambuli (giant conch), at marami pang iba. Ang mga bato naman ay pinangagalingan din daw ng lakas at humihigop ng pera at suwerte, kaya ngayon ay popular pa rin ang mga kuwentas at bracelet na yari sa mga korales at bato, at nadagdagan pa ng mga kristal.

Ang iba pang tanyag na anting-anting daw ay buntot ng page na kinatatakutan ng mga mangkukulam at aswang. Ang mga naniniwala dito ay nagsasabit sa likod ng pintong nasa sala. Ang iba ay nagsasabit naman ng bote o garapong may langis ng niyog na binabaran ng mga ugat at bahagi ng hayop at dinasalan daw ng manggagamot.  Malalaman ng maybahay kung ang taong papasok sa bahay ay may masamang intensiyon kung ang aapaw ang langis sa bote o garapon.

Nang dumating ang mga Kastila, saka naglabasan ang mga agimat na yari sa tanso, may iba’t-ibang hugis at may nakaukit na orasyong hindi maintindihan, pero halata namang may pagka-Kastilang salita na binaluktot. Nakabatay sa Kristiyanismo ang mga sinasabing agimat. Ang impluwensiya ng relihiyon ay makikita sa hugis tatsulok ng ibang medalyon na may malaking mata sa gitna, at nagpapaalala sa Trinity at kapangyarihan ng Diyos. Ang ibang hugis ay kuwadrado naman o bilog at may mga mukha ng mga santo o ni Hesus mismo. Yong mga nagtitinda nito sa Quiapo, sinasabihan pa ang mga bumibili na “nabendesyunan” na daw ng pari  ang anting-anting. Yong ibang hindi kumbinsido, patagong nilulublob ang anting-anting sa lagayan ng sagradong tubig na pang-antada o sign of the cross sa loob ng simbahan.

Naging uso noong dekada otsenta ang bracelet na yari sa “agsam” isang uri ng baging na sa Surigao at ilang bahagi ng Mindanao lang matatagpuan. Ito ay nilala (woven), sa tantiyadong sukat na maisusuot lamang kung ibabad muna sa tubig upang lumambot. Kapag naisuot na at natuyo, bumabalik ito sa dating sukat na tamang-tama lang sa braso. Pantaboy daw ito ng masamang ispiritu, kaya naging popular din sa mga mapamahiing naniniwala sa agimat, kaya bumaha ng mga ito sa Maynila at in-export pa!

May tinatawag na batong “ipot ng bulalakaw”, kulay itim na sa totoo lang ay “tektite” o natirang bahagi ng bumagsak na meteorite. Karamihan sa maliit na batong ito na may iba’t ibang laki at hugis ay matatagpuan sa Mindoro at Batangas at binebenta rin s Quiapo. Mayroon pa ring sinasabing “puting bato balani” na nakita ko ngang dinidikitan ng bakal na bagay, at sa karagatan naman daw ng Infanta (Quezon) ito matatagpuan. Maliit lang ang sukat nito na parang holen pero irregular ang hugis, hindi bilog na bilog.

Ngayon, tinatangkilik ng mga Pilipino ang mga alahas na yari sa mga kristal na galing sa Tsina, dahil nakakagamot daw sila at humihigop pa ng swerte at pera. Dahil sa mga ganoong katangian, itinuring na rin silang mga anting-anting. Naglabasan na rin ang mga talagang bato pa lamang subalit ang laman ay mga kristal, lalo na ang quartz na iba’t iba ang kulay. Marami ang bumibili nito upang maipandispley sa bahay at tuloy makapagtaboy ng malas.

Ano pa nga ba’t at kahit na maituturing nang makabago ang pamumuhay sa panahon ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa mga anting-anting. Ang Amerika na nirerespeto ng buong mundo ay merong Superman na ang lakas ay galing sa isang bato. Pero hindi patatalo ang Pilipinas, as usual, na mayroon namang Darna na may anting-anting din na bato!…dapat ito na lang ang lunukin ng mga ayaw paawat na nagbibitbit ng anting-anting…sigurado pang hindi sila mapapasama sa eroplanong babagsak dahil sa pagka-aberya sa ere!