Marerespeto Lamang ang Isang Bagay Kung Lubos ang Pagka-unawa Dito…ganyan ang dapat gawin sa Bibliya

Marerespeto Lamang ang Isang Bagay

Kung Lubos ang Pagka-unawa Dito

…ganyan ang dapat gawin sa Bibliya

Ni Apolinario Villalobos

 

Matalino talaga ang Diyos. Habang maaga ay naipakita niya na hindi pala malawak ang pang-unawa ni Manny Pacquiao dahil ang isip niya ay naka-kahon lamang o limitado sa mga nakapaloob sa Bibliya na halatang hindi naman niya inunawa na mabuti. Ang Old Testament kung nasaan ang Leviticus ay patungkol sa mga  Israelista noong unang panahon. Ang mga nakapaloob na mga utos ay para sa kanila at angkop sa kapanahunan nila…ngunit may iilan naman na ang “substance” o “essence” ay maaaring gamitin sa makabagong panahon…kaya hindi dapat “literal” ang interpretasyon. Marami ang nasiraan ng isip dahil sa pagkapanatiko sa literal na pagpaniwala sa mga kautusang ito sa Old Testament. Maraming nasirang pamilya sa makabagong panahon dahil ipinagpalit ng isang ama ng tahanan ang kanyang pamilya sa isang kopya ng Bibliya kaya lumayas at “nag-pastor” sa iba’t ibang lugar. Maraming nag-resign sa trabaho at nag-astang “Moses” at nagpastor-pastoran, sumasampa sa mga jeep at bus upang mag-share kuno.

 

Nakakabahala ang ginagawa ni Pacquiao na pagsangkalan sa Bibliya sa pangangampanya upang ipakita sa taong bayan na mabuti siyang tao. Ano ngayon kung naniniwala siya sa Bibliya niya?…ang dami diyang inaalmusal, tinatanghalian, at hinahapunan ang pagsambit sa pangalan ng Diyos, at tuwing araw ng pagsimba ay nasa simbahan din sila, pero magnanakaw naman pala ng pera ng taong bayan! Paano na lang kung manalo siya bilang senador? Gusto ba niyang ipilit sa mga hindi “Born Again Christians” ang nabasa niya sa kanyang Bibliya?

 

Ang isa sa mga totoo na sinasabi sa Bibliya ay darating ang panahon na maglalabasan ang mga hangal na taong nagkukunwaring mga “sugo” ng Diyos at pag-usbungan ng iba’t ibang grupo na nagbabalatkayong “maka-Diyos”…dahil nangyayari na…at may naghuspa pa na ang ibang tao ay masahol pa sa hayop dahil nagkakagusto sila sa isa’t isa!

 

Ang Bibliya ay isang sagradong bagay, ano mang uri ito na ginagamit ng iba’t ibang relihiyon. Ang mga hindi naniniwala ay dapat magpakita man lang dito ng respeto. Ang pag-abuso dito ay isang uri ng pambabastos sa Diyos.

 

May kasabihan sa Ingles na “respect begets respect” at sa Pilipino ay, “ang respeto ay nasusuklian ng respeto”. Dahil diyan, marerespeto pa kaya si Pacquiao dahil mismong Bibliya ay hindi niya nirespeto sa pagbigay ng ibang kahulugan sa mga nilalaman nito?

 

ASAHAN ANG HINDI PAG-RESPETO SA KANYA NG MGA TAONG NADISMAYA SA KANYA SA ARAW NG KANYANG LABAN. KUNG MAY MAG-BOO SA KANYA AY OKEY LANG…HUWAG LANG SIYANG BATUHIN NG KAMATIS HABANG NASA IBABAW NG RING! BILIB SANA AKO SA KANYA…NGAYON AY HINDI NA!

 

 

 

Ang Kawalan ng Disiplina sa mga Kalye ng Pilipinas at Mga Panukalang Hindi Naipapatupad ng Maayos

Ang Kawalan ng Disiplina sa mga Kalye ng Pilipinas

at Mga Panukalang Hindi Naipapatupad ng Maayos

Ni Apolinario Villalobos

 

Lahat ng gumagamit ng kalye ay dapat disiplinado, subalit dahil sa kawalan ng tiyaga, at ugaling palusot ng karamihan sa mga Pilipino, maya’t maya na lang ang mga napapabalitang disgrasya – nabundol na pedestrian, bumaligtad na sasakyan, nagbanggaang mga kotse o trak, nabanggang motorsiklo, at ang pinakamatindi ay bugubugan o patayan ng ayaw magbigayang driver…pati ang alagad ng batas na nagpapatupad ng mga patakaran ay sinasapok din ng mga mayayabang na driver. Sa panig naman ng mga nagpapatupad, nandiyang sila ay pinaparatangang nangongotong!

 

Ang problema naman kasi sa mga gumagawa ng plano ng kalye ay hindi iniisip ang kanilang ginagawa. Ang mga pedestrian overpass ay napakalayo sa mga nakasanayan nang babaan ng mga tao, kaya kaysa mag-overpass pa na kalahating kilometro ang layo sa isang waiting shed, nagbabakasakali na lang ang mga apuradong mananawid sa animo ay pakikipag-patintero sa mga motorista habang tumatawid sa kalsada. Noong panahon ni Cory Aquino ay nagsulputang parang kabute ang mga waiting shed na halatang pinagkitaan ng mga tiwaling kongresista at senador dahil ang karamihan sa mga pahingahang ito ay nagkakahalaga ng isang milyon.  Kung saan saan na lang sila inilagay, basta maibalandra lang ang pangalan ng mga tiwaling opisyal na ito na nag-donate daw, ganoong pera ng bayang pinagkurakutan naman ang malinaw na ginamit . Makaraan ang ilang taon, pinagbawal na ang pag-abang ng mga sasakyan sa mga overpass na ito at wala man lang directional sign kung saan dapat mag-abang ang mga pasahero. Na-expose pa sila sa init at ulan…samantalang ang mga korap na mga kumitang opisyal ay abot-tenga ang ngisi dahil sa laki ng mga nakurakot.

 

Sa panahon ngayon, nauso ang paggamit ng motorsiklo, kaya nagpasiklab ang noon ay pinuno ng MMDA na si Tolentino sa pagtalaga ng mga “motorcycle lanes” sa iilang lugar. Subalit dahil matigas ang ulo ng mga nagmamaneho ng mga motosiklo ay hindi rin ito nasunod dahil tuloy pa rin ang animo ay ahas na palusot-lusot nila sa trapiko. Bandang huli, ang mga lanes na ito ay nawala. Naglagay din ng yellow lane para sa mga pampasaherong bus, subalit dahil ayaw pumila ng karamihan ng mga bus driver na nag-uunahan sa pagdampot ng pasahero ay hindi rin ito nasunod. Maliit lang din ang multa kaya malakas ang loob ng mga bus driver na sumuway.

 

Naglagay ng mga plastic barrier sa mga main road tulad ng EDSA, at tulad ng dapat asahan, dahil sa ugali ng karamihan sa mga Pilipino na reklamador, ay tila nabuhusan ng malamig na tubig ang proyekto. Ang matindi pa, tinatanggal ng mga sira- ulong motorista ang mga barrier kung walang traffic enforcer na nagbabantay lalo na sa dis-oras ng gabi. Ganito rin ang nangyari sa pagsara ng ibang U-turn slots upang tumuloy-tuloy sana ang takbo ng mga sasakyan at upang mapigilang makasagabal ang mga lumilikong sasakyan sa daloy ng trapiko. Inereklamo ito ng mga motoristang nagmamadali at ang gusto ay mag U-turn agad sa unang butas na makikita.

 

Malinaw na kahit anong batas –trapiko ay hindi maipapatupad ng maayos sa Pilipinas, maliban na lang sa loob ng Subic Business and Commercial Center na dating US base sa Olongapo. Ang napapansin pa ay may mga Pilipino na kahit nangungupahan lang ng kuwarto ay may sariling kotse, kaya ang ginagamit nilang garahe ay kalye. Yong mga nakatira sa subdivision na “row housing” ang tinitirhan na walang garahe ay ganoon din ang siste – sa kalsada ang paradahan kaya ang masikip na kalyeng pinagpipilitang two-way ay naging one-way. Yong mga nasa subdivision pa rin nakatira subalit sa “single detached” na bahay nakatira o simpleng bungalow kaya may garahe pero para sa iisang sasakyan lang, ay gumagamit din ng kalye para sa pangalawa at pangatlong sasakyan na nakuha sa hulugan nang napakamura. Sa halagang thirty thousand pesos kasi ay may pang-down payment na at ang buwanang hulog ay ten thousand lang, kaya maski call center agent o ordinaryong empleyado ay kaya nang bumili ng kotse.

 

May panukala noon pa mang panahon ni Marcos tungkol sa pag-kontrol ng pagbili ng mga sasakyan subalit hindi na ito naipapatupad ng maayos. At may mga batas ding ginawa para sa mga paggamit ng motorsiklo, subalit ganoon din ang nangyayari – walang maayos na pagpapatupad.

 

Ang tanong ko….yon nga lang simpleng non-smoking sa mga public transportation lalo na sa mga jeepney ay hindi tinutupad ng mga driver at pasahero, at lalong hindi naipapatupad ng mga pulis-trapiko, ang mga patakaran pa kaya upang lumuwag ang trapiko at maiwasan ang mga sakuna? ….only in the Philippines yan!

 

 

Napansin ko lang…

Napansin ko lang….

ni Apolinario Villalobos

 

 

Bago ako nag-facebook at nagbukas ng iba pang websites, sa email ako umasa sa pagbabahagi ng mga isinulat ko. Napansin ko kasing may nagpapadala sa akin ng mga salawikain, tula/poem, at mga kuwento sa email, kaya naisip ko na baka kumalat din ang mga isinulat ko sa tulong nila. May mga messages pang idinidikit ang mga nagpapadala na: “great essay for our spiritual growth”, “nice essay, please share with friends”, “great message in poetry to help the distressed”, etc. Napansin kong ang mga ipinapadala nila ay isinulat ng mga foreigner. Okey lang yong quotes galing sa Bibliya.  Nagkaroon ako ng ideya na sumubok magpadala sa mga ka-email ng mga ginawa ko – maraming beses…sa awa ng Diyos ay may pumansin at ako ay natuwa – dahil marami sila, more than one…. apat sila!

 

May isang kaibigan na nag-suggest na gumawa ako ng poem tungkol sa pakikipagkapwa pero ang ilagay kong pangalan bilang author ay ka-email niyang manunulat din pero Amerikano, na pumayag naman pagkatapos marinig ang layunin namin. Bago ko ikinalat, pinadala ko muna sa Amerikano ang poem para sa approval niya. At tulad ng inaasahan, medyo marami ang pumansin at malugod pang nagkomento, ibig sabihin ay binigyan nila ng pansin ang poem dahil siguro foreigner ang sumulat.  Mula noon hindi na ako nagpadala ng mga ginawa ko via email.

 

Napansin ko rin na habang lumalawak at nagiging prangka ang ibinabahagi ko, unti-unti ring nababawasan ang mga kaibigan ko. Noong mga araw na limitado sa kalikasan, buhay ng tao, at pagtulong sa kapwa na may kasamang spiritual message ang poems, tula, at sanaysay na ibinabahagi ko sa facebook, may” ilang” pumupuri at nagla-like man lang. Yong iba ngang inaasahan kong mga “kaibigan” na makakapansin ay ni hindi nagpaparamdam kung nababasa nila, ganoong may facebook naman sila at naka-public naman ako. Kung sabagay karapatan nilang hindi mag-like o mag-comment kung ayaw nila sa mga isinulat ko lalo pa siguro at natumbok sila ng message kaya guilty at nagalit sa akin. Subalit ang matinding kaplastikan ay kung sabihin nila sa akin kung mag-usap kami sa cellphone o magkita na, “ang galing mo”…para tuloy gusto ko silang sagutin ng, “neknek mo!” Ilan lang naman sila na ganito ang ugaling nabisto ko.

 

Nang isama ko sa mga isinusulat ko ang korapsyon sa pulitika at edukasyon, at pagbatikos sa mga pekeng Kristiyano, ang iilan na nga lang na nagla-like ay nawala pa…subali’t sa awa ng Diyos ay napalitan naman ng iilan pa rin, na sa tingin ko ay may mas malawak na pang-unawa. May kapwa ko blogger na tumulong sa akin sa pagbukas ng ibang sites upang malagyan ng mga ibinabahagi ko pagkatapos niyang marinig ang kuwento ko, sayang din naman daw kasi kung sa facebook lang ako maglalagay.

 

Ang ikinababahala ko lang ay baka lumalaganap na itong sakit sa ugali na gusto kong tawaging “crab mentality syndrome” na laganap din sa mga opisina at umaatake sa mga empleyadong umaasa lang sa paninira ng co-employees at paninipsip sa boss upang umasenso. Isa rin siguro itong sakit na gusto kong tawaging “not me syndrome” na umaatake sa mga mapagkunwaring natumbok na ng pangungunsiyensiya ay deny to death pa rin.

 

Subalit nauunawaan ko pa rin na ang facebook ay para lang dapat sa mga “photos”. Sa pangalan ng site na “facebook” ay dapat nga lang talaga na para ito sa mga “retrato ng mukha”, pero pinalusutan ng mga gustong mag-share ng quotes kaya ini-frame nila ang mga ito. At, ito ang inaasahan ng ilang mga “viewers”, hindi “readers”. Napansin ko lang naman…kaya titigil na ako at baka may atakehin na sa puso dahil sa sobrang inis!

Malaking Sakripisyo ang Maging Chairman o Maging Iba Pang Opisyal ng Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)

Malaking Sakripisyo ang Maging Chairman O Maging  Iba Pang Opisyal

ng Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)

ni Apolinario Villalobos

 

Hindi nakakapagpayaman ang maging opisyal ng isang maliit na Barangay, na ang pinaka-kunsuwelo ay kasiyahan namang nararamdaman dahil sa tulong na naibibigay sa mga ka-barangay.

 

Matapat na sinabi sa akin ni Barangay Chairman BJ Aganus (Real Dos, Bacoor City) na sa wala pang dose mil niyang suweldo, ang kabuuang sampung libo lamang ang kinukubra niya. Ang butal ay “iniiwan” niya sa pondo ng Barangay upang magamit na pandagdag sa mga gastusin tulad ng para sa kuryente at iba pa na wala sa regular payroll na binadyetan, subalit kailangan upang mapaganda ang operasyon nila. Ganoon din ang ginagawa ng mga Kagawad ng Barangay na kusang nag-aambagan din sa kabila ng kaliitan ng kanilang allowance. Hindi nila alintana ang sakripisyong nabanggit dahil nababawasan naman ng suportang binibigay ng kani-kanilang pamilya sa pamamagitan ng lubus-lubusang pag-unawa.

 

Ang nanay ni Kapitan BJ na si Aling Sofie ay umaming sa kabila ng katungkulan ng kanyang anak,  silang mag-asawa ay tumutulong pa rin dito. Isang umagang napadaan ako sa bahay nina Kapitan BJ ay natiyempuhan ko si Aling Sofie na nagpaunlak sa request kong samahan ako sa kagagawa pa lang, pero kulang pa rin sa gamit, na Multi-Purpose Hall ng Real Dos. Bilang isang ina, natutuwa siya na nagkaroon ng bunga ang katututok ng kanyang anak sa City Hall, upang magkaroon ng Multi-purpose Hall ang Barangay, kaya kahit sabihin pang damay siya sa sakripisyo ng anak ay okey na rin sa kanya. Natiyempuhan din namin ang “volunteer” na si Aling Amparing na siyang naglilinis ng kapaligiran ng Multi-Purpose Hall, kasama na ang basketball court na nasa harap nito. Wala siya ni pisong kabayaran, subalit dahil nakita niya ang kabuluhan ng maliit na gusali ay hindi siya nagpatumpik-tumpik sa pagkusa ng tulong sa abot ng kanyang makakaya na paglilinis tuwing umaga.

 

Nadagdagan din ang mga street lights sa Barangay Real Dos dahil na rin sa “pangungulit” ni Kapitan BJ sa city government, kahit pa ang naging resulta ay dagdag-bayarin sa kuryente na maituturing na malaking kabawasan sa budget ng barangay. Subalit naalala ko noong nabanggit niya na mas mabuti daw na nakikita ng mga taong nagagastos sa maayos ang pera ng barangay, kaysa naman daw nakatabi lang. Ibig sabihin, hindi baleng sagad ang gastos basta napapakinabangan naman agad ng mga tao ang pinagkagastusan.

 

Ipinapakita ng Barangay Real Dos ang kahalagahan nito bilang matatag na pundasyon ng lunsod ng Bacoor sa pamamagitan ng maayos na pamamalakad. At, pinapakita ring lalo ng mga opisyal ng nasabing barangay na hindi totoong lahat ng nagsisilbi sa bayan o sa madaling salita ay mga opisyal ng gobyerno ay korap…dahil sila mismo ay abunado at naghihirap. At, alam ko ring marami pang Real Dos sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na sumasagisag sa tunay na kahulugan ng “tamang paninilbihan sa bayan”.

Mga Mapagkunwaring hindi “raw” Nakikialam sa Buhay ng Iba…subali’t, matindi kung manlibak

Mga Mapagkunwaring hindi “raw” Nakikialam sa Buhay ng Iba
….subalit, Matindi kung Manlibak
Ni Apolinario Villalobos

Naniniwala ako sa kasabihang, kailangan natin ng isang salamin upang makita ang dumi sa ating mukha. Sa ating buhay, ang salamin ay ibang tao na magsasabi sa atin ng ating pagkakamali. Kaya para sa akin, ang magbigay ng payo o magpuna ng pagkakamali ng iba ay hindi pakikialam, bagkus ay pagtulong upang maiwasto kung ano man ang dapat iwasto sa kanyang sinabi o ginawa. Hindi yong, kung kaylan siya nakatalikod ay saka magkukuwento sa iba na isang panlilibak.

Isang halimbawa ay kaibigan kong walang sinasabi kung kaharap ang kumare niyang maraming anak na halos ay naghahagdan na sa dami. Subalit kung wala na ito ay saka naman magsasalita ng mga hindi magandang pakinggan tulad ng pangungutang nito o di kaya ay pagpalya ng pamilya nito sa pagkain dahil wala man lang bigas na maisaing – lahat itinitsismis niya sa ibang tao, pati na sa akin kaya nalaman ko. Sa tagal ng kanilang samahan ay hindi man lang niya napayuhan ang kumare niyang maghinay-hinay sa pagpabuntis sa asawa nitong pa-sideline sideline lang ang trabaho. Para kasi sa kanya ay isang pakikialam ang magbigay ng payo sa kanyang kumare tungkol sa pagbubuntis nito. Baka daw kasi sagutin siya na baka naiinggit lang siya!

Sa isang party naman, may isang babaeng dumalo na kaibigan ng kausap ko. Nagulat ako nang mapansin kong parang nakakalat ang kanyang pulang lipstick. Sinabihan ko ang kaibigan kong bulungan ang kaibigan niya na kinawayan lang nito. Ang paliwanag ng kausap ko ay baka sabihin daw ng kaibigan ko na “usisera” siya, kaya hinayaan na lang niya kahit pinagtatawanan na ang kaibigan niya. Sinadya ko na lang sabayan ang babaeng nakakalat ang lipstick upang bulungan na tsekin ang kanyang lipstick dahil “parang kumalat”. Sinamahan ko siya sa isang tabi kung saan ay naglabas siya ng maliit na salamin habang hawak ko ang kanyang pinggan. Pagkatapos ay pabirong nagsabi na gawang Tsina daw kasi ang lipstick…nagtawanan na lang kami. Nalaman kong marami palang karinderya ang babae, masuwerte sa negosyo kaya kinainggitan siguro ng kaibigan niya niya na umaasa lang sa kita ng asawang drayber ng taksi. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na maimbita siyang tumulong sa grupo namin.

Isa namang kumpare ko ang madalas magreklamo tungkol sa katamaran ng kanyang manugang na babae, na sabi niya ay parang hindi babae dahil walang alam sa mga gawaing bahay. Ang payo ko sa kanya ay kausapin ang anak niya at asawa nito, subalit sinagot niya ako ng, “ayaw ko, bahala sila sa buhay nila”. Binuweltahan ko siya ng, “ganoon pala, bakit ka naghihimutok, at sinisiraan mo pa sila sa akin?”. Sa bandang huli, dahil mga inaanak ko naman sa kasal ang tinutukoy niya ay ako na ang kumausap…at nakinig naman. Nang pasyalan ko uli sila, ang manugang na niya ang nagluluto para sa kanila.

Noong panahong lumala ang diktatorya ni Marcos, kung hindi nakialam ang mga Pilipino na naging dahilan ng pagkaroon ng People Power Revolution sa EDSA, ano kaya ang nangyari ngayon? Kung hindi seryoso sa pakialam ang mga korte sa mga anomalyang nangyayari sa gobyerno ngayon kahit pa sabihing trabaho nila, mabubulgar kaya ang mga nakawang ginagawa ng mga ibinoto sa puwesto? Kung hindi pursigidong makialam ang ibang mga senador na ibulgar ang ginagawa ng mga kawatang opisyal kahit sabihin pa ring trabaho nila, paano na lang kaya? Kung hindi sa pakikialam ng mga tao sa media, mabibisto ba ang mga anomalya sa gobyerno? Kung hindi nakialam si Hesus sa sangkatauhan na humantong sa pagligtas niya dito mula sa unang kasalanan, ano kaya ang nangyari?

May isang hindi ko makalimutang comment ng kaibigan. Ang sabi niya, baka kung makialam daw siya sa iba, baka umasenso pa ang mga ito at malampasan siya, kaya bahala na lang sila sa buhay nila! Ayaw kong banggitin ang religion niya, dahil baka magtatalo ang mga readers…