Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-igib sa Gulang na 61 Taon

Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-Igib sa Gulang na 61 Taon

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang Linggo, mula Baseco (Tondo) ay naglakad uli ako papuntang Sta. Cruz. Binaybay ko ang kahabaan ng C.M. Recto Ave. at tulad ng nakaugalian ko, bago makarating ng Avenida ay kumanan na ako sa F. Torres upang magkape sa paborito kong kapihan sa isang bangketa. Noon ko natiyempuhan si Benjamin (Ben) Surbano na nagbababa ng konti-container na tubig para sa may-ari ng kapihan. Puting-puti na ang buhok ni Ben at inakala kong nasa gulang na siya na 70-pataas, lalo pa at ang kanyang mukha ay marami na ring gatla (wrinkles). Tinulungan ko siya sa ikalawang container dahil muntik na siyang matumba at nang makabawi ng lakas ay hinayaan ko nang ibaba niya ang ikatlo. Sa bawa’t container ay kumikita siya ng sampung piso para sa paghakot. At, nang araw na yon dahil Linggo ay iilan lang ang nagpaigib.

 

Buong linggo ang pag-igib ni Ben ng tubig para sa mga kostumer niya. Pagdating ng hapon ng Linggo ay umuuwi silang mag-asawa sa Baseco (Tondo). May tatlo silang anak na ang mga gulang ay mula 19 hanggang 12 taon, lahat ay nag-aaral, at nagdidiskarte na rin para kumita. Ang asawa naman ni Ben na si Mariel ay nagpa-parking ng mga sasakyan sa isang maikling bahagi ng Soler St., kanto ng F. Torres, na katapat ng mga tindahan ng mga pandekorasyon at pambahay na ilaw. Sa umaga ay nililinis ni Mariel ang bahaging yon ng kalye upang ipakita ang kanyang pagmamalasakit sa mga may puwesto. Kung walang nagpapa-park ng sasakyan ay nagtitiyagang magbenta si Mariel ng ilang pirasong gadgets tulad ng maliliit na ilaw na nabibili niya sa mga puwesto na rin pero may discount upang mapatungan pa niya ng tutubuin.

 

Ang isang bahagi ng sidewalk na pababang hagdan ng isang puwesto ay nagsisilbing tulugan ng mag-asawa sa gabi. Karton ang sinasahig nila sa semento at wala silang kulambo kundi iisang kumot.

 

Mayroong “sidecar” (maliit na traysikad) ang mag-asawa subalit ito ay ninakaw, apat na araw nang nakaraan. Nagising na lang daw sila na wala na ang “sidecar”. Ito sana ang dapat na ginagamit ni Ben sa pag-igib ng tubig upang hindi siya nahihirapan. Subalit dahil ninakaw, nagtitiyaga na lang siya sa hinihiram na kariton. Masuwerte kung hindi ginagamit ng may-ari ang kariton, dahil kung magkaganoon, ay hihintayin pa ni Ben na mabakante ito bago niya magamit at hindi niya alam kung anong oras sa buong maghapon kaya hindi tuloy siya nakakapag-igib ng maramihan. Nagulat ako nang sabihin ni Mariel na apat na beses na daw silang ninakawan ng “sidecar”, kaya ang mangyayari ay pag-iipunan na naman daw nila ng kung ilang taon bago makabili uli ng bago o second hand man lang.

 

Taga-Boac, Marinduque si Ben at 12 taong gulang pa lang daw siya nang makarating sa Maynila dahil sa kahirapan ng buhay sa probinsiya. Tulad ng iba pang galing sa probinsiya na nakipagsapalaran sa Maynila, nakitira din muna siya sa mga kamag-anak at dumiskarte upang kumita. Ang Baseco ay malapit sa Divisoria at basta pairalin lang ang tiyaga at kasipagan ay hindi magugutom ang isang tao, at ito ang nangyari kay Ben hanggang sa magka-pamilya. Upang maiba naman ang diskarte ay sinubukan nilang makipagsapalaran sa Sta. Cruz, kaya nauwi sa pagpa-parking ng sasakyan si Mariel at pag-iigib ng tubig si Ben. Tulad ni Ben, maliit lang din ang kinikita ni Mariel dahil umaasa lang siya sa kusang iaabot ng mga nagpapa-park, mula lima hanggang sampung piso, at pinakamalaki na ang dalawampung piso.

 

Sa kabila ng kahirapang pinagdadaanan ng mag-asawa upang kumita sa malinis na paraan ay hindi sila nakikitaan ng pagkabagot. Tulad ng ibang naging kaibigan ko na nasa parehong kalagayan, pinapahiwatig nila na ang mabuhay at magkaroon ng mga anak ay maituturing nang malaking utang na loob sa Maykapal na dapat ipagpasalamat.