Ang Tubig at Hangin

Ang Tubig at Hangin

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang tubig at hangin –

Bahagi ng buhay kung sila ay ituring.

 

Sa tubig ng sinapupunan nakalutang

Ang binhi ng buhay na sumisibol pa lamang

Na sa mundong lalabasa’y walang kamuwang-muwang.

 

Gaya ng tubig, ang hangi’y buhay din,

Nagpapatibok sa puso, nagpapapintig;

Ang sibol, nakapikit man, ito ay nakakarinig

Na animo  ay naghahanda na, paglabas niya sa daigdig.

 

Hangin ang unang malalanghap niya

Sa takdang panahong siya’y isinilang na,

At, sa kaguluhan ng mundo

Imumulat ang mga mata –

Kasabay ng malakas niyang pag-uha.

 

Sa tigang na lupa, ang tubig ay buhay

Ito’y ulang bumabagsak mula sa kalawakan

Subali’t kapag lumabis na’t hindi mapigilan

Nagiging baha, pumipinsala sa sangkatauhan

Ganoon din ang hangin na dulot ay ginhawa

Basta ang ihip, huwag lang magbago ng timpla.

 

Baha at bagyo

Dulot ng tubig at hangin sa mundo

Hindi masawata

Kaya dulot ay matinding pinsala

Subali’t sana, kahit papaano’y maiibsan

Kung napangalagaan natin ang kalikasan –

Na ating inalipusta nang walang pakundangan!

 

Advertisements