Ang Pilipinas Bilang isang Bansang Demokratiko

Ang Pilipinas Bilang Isang Bansang Demokratiko

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa isang demokratikong bansa ay may mga grupong nagtatagisan ng lakas upang ang mananaig o mananalo ay siyang magkokontrol sa pagpapatakbo nito. Mapalad ang mga bansang “matured” ang mga pulitiko kaya ang mga talunan ay tinatanggap ang pangyayari kahit hindi bukal sa kanilang kalooban at bumabati pa sa mga nanalo….ang halimbawa dito ay ang Amerika. Pero  iba sa Pilipinas.

 

Minadali ang pagtanim ng demokrasya sa Pilipinas na kinopya sa Amerika. Dahil diyan, matatawag na pilit sa pagkahinog ang kasarinlan ng Pilipinas. At, dahil pa rin diyan, sa Pilipinas, walang kandidatong natalo, sa halip ay dinaya daw ng nanalo. Nagtatagisan ng galing ang mga uupong pinuno at gusto nilang maalala sila pagbaba nila kaya ang mga proyekto ng pinalitang administrasyon kahit anong galing ay winawasak upang palitan ng bagong upong pinuno at may tatak pa ng initial ng pangalan niya.

 

Sa Pilipinas, sa halip na magtulungan ang mga nanalo (majority) at mga kaalyado ng mga natalo (minority), sila ay nagsisilipan ng mga pagkakamali kaya sa halip na sumulong ang bansa, ito ay napipigilan sa pag-usad. Kahit anong ganda ng layunin ng proyekto ng nakaupong pinuno, ito ay pilit na kinukulapulan ng putik ng kontra-partido upang palabasing mali siya. May mga nagbabayad pa ng ilang tauhan ng media upang tumulong sa pagpapakalat ng mga negatibong ulat tungkol sa nakaupong pinuno.

 

Tama lang na may mga taong dapat “magbantay” sa nakaupong pinuno, pero ang hindi maganda ay ang kawalan na ng katuturan sa mga ginagawa ng kontra-partidong pagsabotahe kaya nadadamay ang taong bayan at bansa sa kabuuhan nito. Ang isang paraan ay ang pagpipilit sa nakaupong pinuno na ilahad ang lahat ng kanyang mga “strategies” kahit magreresulta ito sa pagkawasak ng seguridad ng bansa. Ito ay pagpapakita ng kawalan ng tiwala sa namumuno dahil ayaw nilang bigyan ng pagkakataong magpakita ito ng kanyang kakayahan. At, kapag nagtagumpay ang mga naninira sa kanya pero nakadamay naman sa kapakanan ng buong bansa, siyempre, masisisi ang nakaupong pinuno dahil siya ay nabigo, yon nga lang ay sa maduming paraan.

 

Sa ganang ito, kung ilalahad ni Duterte ang lahat ng strategy niya sa pagpuksa ng salot na dulot ng droga sa bansa, paano pa siyang magtatagumpay dahil malalaman na ng mga kalaban ang mga gagawin niya? Kung mga “ugat” ng droga ang pag-uusapan, halos lahat sila ay nasa kulungan na subalit dahil hindi pa tuluyang nalinis ang mga ahensiyang dapat tumulong sa kanya, maingat ang mga hakbang niya. May mga pahaging o insinuation siya na alam niyang nasa paligid lang niya ang “ninja cops”, pero ang mga ito ang nakakaalam kung sino ang pinabebenta nila ng droga sa kalye na pansamantalang natigil. At, ang ginagawa naman ng mga pulis na ito ay pinapatay ang mga dati nilang drug pushers upang hindi sila maituro. Alam na yan ng media pero nag-iingat sila sa pag-ulat. Kung minsan nga lang ay nadudulas ang ilang broadcasters dahil lumalabas sa kanilang editorial commentaries.

 

Kung tatanggalin ni Duterte sa serbisyo ang mga “ninja cops”, sigurado kayang hindi pa rin sila makakapagpabenta ng droga sa pamamagitan ng mga bagong drug pushers dahil pinatay na nila ang mga dati… kung totoo nga ang kumakalat na bulungan? Samantala, ang drogang nakupit sa mga nakumpiska sa pamamagitan ng mga legitimate raid ay siguradong alam din ni Duterte na nakatabi o nakabaon lang at hindi mapapanis kaya pwedeng ibenta pagkalipas ng 6 na taong wala na siya kaya palagi niyang sinasabi na “in my time, gusto kong mawala ang droga”.  Ang mga tiwaling pulis din na ito ang nakakaalam kung sino ang mga “small time” drug lords  na nasa labas ng kulungan. Kaya bakit niya ididispatsa ang mga paggagalingan ng mga impormasyong kailangang-kailangan upang kahit papaano ay mabawasan man lang ang mga sangkot sa droga?

 

Ano man ang plano ni Duterte sa mga tiwaling pulis at iba pang sangkot sa krimeng ito, siya lang ang nakakaalam. Siguradong nag-iingat lang siya dahil ang “demokrasya” na umiiral sa Pilipinas ay mistulang nagahasa…luray-luray…lupaypay… kaya hindi maaasahang makakapagbigay ng proteksiyon lalo na sa mga taong may mabuting layunin.