Ang “Perpetual Mother” ng Southern Mindanao

ANG “PERPETUAL MOTHER” NG SOUTHERN MINDANAO

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung ang mga deboto ng Mahal na Birhen ay mayroong “Our Lady of Perpetual Help”, sa southern Mindanao ay mayroon namang “Perpetual Mother”. Isa siyang ordinaryong babae subalit may busilak na puso, matulungin hindi lang sa mga ka-pamilya kundi maski sa ibang tao. Sa halip na makibarkada sa iba ay sa mga pari siya nakikipagtulungan para sa mga proyekto nila, lalo na sa “feeding program”.

 

Panganay siya sa kanilang magkakapatid kaya nang mamatay ang kanilang tatay, siya na ang umalalay sa kanilang nanay upang mangasiwa sa mga kapakanan ng kanyang mga kapatid. Mula noong siya ay estudyante pa, hindi niya nadanasan ang mga ini-enjoy ng mga kabataan ngayon. Nang makapag-asawa ay minalas naman naman magkasakit ito kaya nadagdag sa kanyang mga pasanin na hindi naman niya iniinda. Kahit may pamilya pa siya ay hindi tumigil ang pagtulong niya sa kanyang nanay at mga kapatid.

 

Ngayong maysakit na ang kanilang nanay, gumawa siya ng iskedyul nila kung paano sila makapag-ambag ng panahon sa pagbantay. Sa gabi, kasama ang isa niyang anak ay sila ang nagbabantay pero hapon pa lan ay sinisiguro na niyang malinis ang nanay nila bago magpahinga. Kinabukasan ay pinapalitan siya ng kapatid na kasama naman ang anak nito. Kung panahon ng check up o emergency na pagtakbo sa ospital, lahat sila ay kumikilos. Maganda rin ang nangyari dahil sa pang-unawa ng mga asawa ng kanyang mga kapatid, pati ang asawa niya, sa kanilang ginagawa para sa nanay nila.

 

Hindi bumibili ng damit sa mall o department store ang “Perpetual Mother” na tinutukoy ko pati ang kanyang mga kapatid. Ang mga damit nila ay sa ukayan nabili. May maliit silang negosyo na pinagtutulungan nilang asikasuhin at lahat sila ay may suweldo kahit sila ang may-ari. Ang suweldo ng bunsong kapatid ay naitutulong din niya sa kanyang mga pamangkin na umabot yata sa sampu. Wala naman itong reklamo dahil masaya siya sa kanyang ginagawa.

 

Nang huli kaming mag-usap ay nabanggit ng “Perpetual Mother” na nag-iipon rin pala siya para maipantulong sa mga proyekto ng mga kaibigan niyang pari. Ang iniipon niya ay galing sa kanyang suweldo bilang “empleyado” ng kanilang negosyo. Nalaman ko rin na silang magkapatid ay walang luho sa lahat ng bagay kahit sa pagkain dahil sanay sila sa gulay. Kadalasan, ang tira sa almusal ay siya rin nilang pagkain sa tanghalian at kung suwertehin ay umaabot pa sa hapunan. Hindi pagtitipid ang ginagawa nila kundi talagang “lifestyle” na nila na binabatay sa kaya lang ng kanilang kinikita bilang mga suwelduhang empleyado ng kanilang negosyo.

 

Walang luho sa katawan ang tinutukoy ko maliban sa pagpapalinis ng mga kuko. Hindi rin siya nagmi-make up at walang alahas. Para sa kanya, sa halip na gastusin ang kinikita sa mga bagay na nabanggit ay nilalaan na lang niya sa mga kabataang tinutulungan ng mga pari. Ayon sa kanya, ang luho ay panandalian lamang at ang yaman ay hindi madadala pagdating ng araw na ang isang tao ay bibiyahe tungo sa kabilang buhay.