Ang Pangarap na National ID System ay Hanggang Pangarap Lang

ANG PANGARAP NA NATIONAL ID SYSTEM

AY HANGGANG PANGARAP LANG

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang technology system sa Pilipinas na isang third- world country ay walang binatbat, walang silbi. Ang mga servers ay mahina kaya ang mga gumagamit ng mga cellphone at computers upang makapag-internet ay nagdurusa. Ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay hindi inter-connected sa pamamagitan ng communications technology. Marami pa ring ahensiya ang kulang sa telepono at computer units. Kadalasan din, ang mga computer ng mga ahensiya ay off-line.  Ano ang mangyayari kung hindi ma-check ang ID na ito halimbawang natuloy, kung ang computer ay off-line? Magtatawagan? Paano kung ayaw sagutin ang tawag na madalas mangyari dahil sa mg empleyadong tamad? Ang pag-issue naman ng Voter’s ID at SSS ID ay inaabot ng siyam-siyam. Dahil sa mga nabanggit, ang pangarap na pagkakaroon ng National ID System ang Pilipinas ay hanggang pangarap lang. …kaya itigil na yang pangarap at mag-isip na lang ng makatotohanang proyekto.

 

Delikado ring magkaroon ng National ID System ang Pilipinas dahil sa pagkamalikhain ng mga tiwaling Pilipino na may utak-kriminal. Siguradong magagamit lang ang mga impormasyong mailalagak sa archive ng mga ahensiya. Naglipana ang mga utak-kriminal na mga Pilipino na lahat na yatang bagay ay nagagawan ng paraan upang mapagkitaan. Nariyan ang hacking ng ATM card; ang pyramid system na negosyo; ang budul-budol; ang raket sa text na kunwari ay nanalo ng malaking halaga ang nakatanggap ng message. Bukod pa diyan ang pag-angkas sa motorsiklo na kung tawagin ay “riding-in-tandem” na dapat sana ay napakalaking tulong sa mga mahihirap na commuters at mga umiiwas sa trapik, pero ginamit upang mangholdap at pumatay….at, dito lang nangyayari yan, dahil sa mga bansang tulad ng Thailand at India, hindi nagagamit sa masamang gawain ang sistemang angkasan sa motorsiklo.

 

Ang nawawalang mga pangalan sa listahan ng mga botante ay isa ring napakalaking problema na ginagamit sa dayaan tuwing panahon ng eleksiyon. Sinasabi ng COMELEC na hindi raw corruptible ang sistema nila, pero nalaman ko na isang maliit lang na detalya sa information tungkol sa isang botante ang mawala ay dahilan na upang ang pangalan niya ay mawala rin sa listahan. Tao ang may control ng sistema na pwedeng bayaran o utusan. Dahil diyan hindi rin sigurado kung ang mga impormasyon ay mapapangalagaan kapag ipinasok ng empleyado ng ahensiya sa computer, dahil hindi rin sigurado kung ang empleyado ay hindi masisilaw sa pera o masisindak ng boss niya.

 

Sa National Bureau of Investigation (NBI), napakawalang resourcefulness din ang mga tong gumagamit ng computer dahil kapag nagkaroon ang isang clearance applicant, halimbawa, ng “kapangalan” ay ginagamit na itong dahilan upang pahirapan ang applicant na pahiwatig ng “padulas”. Ibig sabihin, hindi efficient ang archiving system ng ahensiyang ito. Paano na ang iba pang ahensiya dahil ilang beses na ring napatunayan ang kahinaan nila?

 

Kamakailan lang ay may nahuling mga Indonesian na gumamit ng Philippine passport para sa lipad nila papuntang Middle East. Hinuli sila at inimbestigahan, pagkalipas ng ilang araw ay pinakawalan….yon lang! Ano ang ginawa sa nag-isyu ng authentic na passports na siyempre ay taga-Department of Foreign Affairs? Pinatunayan ng insidente na may mga tiwali pa ring natitira sa ahensiyang iyan na hindi natakot sa babala ni Duterte.

 

Batay sa mga nabanggit, malinaw na bukod sa mahina at mala-pagong na technology system sa Pilipinas, ang isa pang isyu tungkol sa National ID System ay ang umiiral na corruption kaya hirap na hirap ang bansa sa pag-usad tungo sa makabagong kaunlaran.