Ang Pagmamahal ni Ian Abraham sa kanyang Kapatid at Pamilya

Ang Pagmamahal ni Ian Abraham

sa Kanyang Kapatid at Pamilya

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Talagang naniniwala na akong may dahilan ang mga pagkakataong dumadating sa ating buhay. Tulad na lang nang maaga kong pagpunta sa Antipolo upang makaiwas sa trapik ng Maynila kaya umalis ako noon sa Cavite nang alas tres ng madaling araw pa lang. Subalit dahil dumating ako sa Antipolo nang bandang alas says (6:30), at ang appointment ko sa kausap ko ay alas otso pa, naghanap ako ng lugar na iistambayan kung saan ako makakahigop ng murang kape. Pumasok sa isip ko ang makasaysayang simbahan ng Antipolo na matagal ko na ring hindi napasyalan at hinala ko ay siguradong mayroong makakapagkapehan sa paligid nito. Dahil sa kaagahan kong pagdating sa Antipolo ay may nakilala akong namumukod-tangi ang ugali.

 

Nagulat ako sa malaking pagbabago na nakita ko sa paligid ng simbahan dahil mayroon na palang malawak na liwasan sa harap at napakalinis pa. Pagkabili ko ng kape sa isang vendo machine, naghanap ako ng mapupuwestuhan at nang may makita akong mesa ay saka naman dumating ang tatlong lalaki na ang isa ay naka-uniporme ng pang-eskwela. Gagamitin din sana ang mesang napili ko pero nagdalawang-isip sila dahil siguro nahiya kaya naupo na lang sa kalapit na circular concrete planter. Medyo nakonsiyensa pa ako dahil hindi ako nagkusa na mag-share sa kanila ng mesa na pang-apatan naman.

 

Ang naka-uniporme ay may suot na headphone kaya naging curious ako. Napansin ko rin na ang pumipindot o nag-aadjust sa cellphone kung saan nakakonekta ang headphone ay ang isang kasama nito at parang nagbibigay pa ng instructions. Gumawa ako ng paraan na makilala sila at noon ko nalaman na ang may headphone ay si Billy Joe, 16 years old at isang “special child”. Ang kumakausap naman sa kanya ay kanyang kuya na si Ian, 23 years old. Kasama din nila noon ang isang kaibigan.

 

Estudyante si Billy Joe ng San Isidro SPED Center ng lunsod, na ayon kay Ian ay pampubliko. Ang cellphone naman ay pag-aari niya at pinapagamit niya sa kanyang kapatid upang pansamantalang malibang. Lahat daw ng hiling nito ay kanyang pinagbibigyan kasama na ang paggamit ng cellphone niya upang makinig ng mga tugtog. Maaga daw silang umaalis sa kanilang bahay na malapit lang sa Hinulugang Taktak  upang makaiwas sa trapik, at malamang ay dahil na rin sa pamimilit ng kapatid na special dahil nahalata ko ang kanyang excitement upang pumasok. Maya’t maya ang pagtanong niya sa kanyang kuya ng, “hatid mo ‘ko…school?”, na sinasagot naman ng malumanay ni Ian.

 

Sa pag-uusap namin, nalaman ko na isinakripisyo ni Ian ang kanyang mga kapakanan para sa nakakabatang kapatid dahil siya ang naghahatid at sumusundo rito…malamang pati na rin ang pagtuturo pagdating sa bahay. Hindi na raw siya pumasok sa eskwela upang makaalalay sa kanyang kapatid dahil ang iba pang mga nakakabatang kapatid ay pumapasok din. At sa kalagayan ni Billy Joe, isang tulad ni Ian lamang ang may kakayahan at tiyagang magbantay. Ang tatay nila ay construction worker na lingguhan ang uwi at ang nanay naman nila ay may trabaho. Sa kabila ng kaunting kita ng kanilang mga magulang ay nagawa nilang igapang ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Ang sakripisyong ito ng kanyang mga magulang siguro ang nakita ni Ian kaya tinapatan na rin niya ng sariling pagtitiis. Ipinaubaya na lamang niya sa mga nakakabatang kapatid ang pagkakataong makatapos ng pag-aaral.

 

Naantig ang damdamin ko sa mga sinabi ni Ian dahil sa panahon ngayon, pambihira ang katulad niya na namumukod-tangi ang pagmamahal sa kapatid na may kapansanan at sa buo niyang pamilya sa halip na magpakalulong sa pakikipagbarkada, na ginagawa ng ibang kasing-edad niya…at ang masama pa,  kung minsan ay humahantong sa paggamit ng droga.