Ang Pagiging Mataba

Ang Pagiging Mataba

ni Apolinario Villalobos

 

Unang-una, dapat aminin ang katotohanan na hindi maitatago dahil masyadong obvious. Huwag nang pagtakpan ng mga salitang, “healthy”, “chubby”, etc. ang isang tao na obvious naman talagang mataba. Wala namang masama sa pagiging mataba. Kung nagkaroon ng hormonal irregularity kaya naging ganito ang katawan, hindi kasalanan ng may-ari ng katawan. Pero kung tumaba dahil sa junk foods, ibang usapan na yan….kasalanan niya dahil sa kasuwapangan.

 

Kaya naging isyu ang katabaan ay dahil sa mga sticker na dinidikit sa ilang aircon van sa Maynila, tulad ng: “Slims Only”, “Bawal ang Mataba”, “Tatlong Payat Lang Dito”, etc. na ayon sa LTFRB ay bawal kaya papatawan ng parusa ang mga driver. Pero, pati ang mga operator o may-ari ng mga tinutukoy na van ay dapat ding parusahan dahil ang ganitong gawain, bukod sa nakakainsulto ay isang uri ng pang-aabuso at pangmumulestiya ng karapatan. Hindi dahilan ang kalugian ng mga driver kung may sasakay na mataba sa minamaneho nilang aircon van. Dahil kung ganyan ang pananaw nila, dapat ang mga payat ay kalahati lang ang bayad!

 

Hindi naman nangyayaring sa tuwing biyahe nila ay matabang sumasakay. Dapat ay asahan na nila ang ganitong sitwasyon tulad halimbawa ng mga pagkakataong karamihan ng pasahero nila ay mga estudyante o senior citizens kaya mababawasan ang kita nila dahil sa discount. At, lalong dapat ding ihalintulad ito sa mga araw na matumal ang kita, wika nga ay mahina kaya dapat ay tanggapin na lang nila. Hindi naman lahat ng pinagkikitaan tulad ng negosyo ay sagana ang kita…ganyan din sa pagmamaneho ng public conveyance tulad ng aircon van.

 

Ang hindi naisip ng mga abusadong aircon van operators at drivers ay ang kasabihang ‘HUWAG MONG GAWIN SA IBA ANG AYAW MONG GAWIN NILA SA YO”. Dahil diyan, kung hindi man sa kanila mismo mangyayari ang kahalintulad na insulto at pang-abuso, ang mga ito ay maaaring sa anak nila, asawa, kapatid, magulang, o iba pang mahal sa buhay!

 

AT, ANG PINAKAMASAMA AY NAGPATABA GAMIT ANG NINAKAW NA PERA MULA SA KABAN NG BAYAN!