Ang Malaking “Dairy Farm” sa Pilipinas

ANG MALAKING “DAIRY FARM” SA PILIPINAS

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa dalawang araw na pakikinig ko sa mga sinabi ng mga Bilibid detainees sa Congress hearing tungkol sa illegal drugs na nagsasangkot sa isang babae na ngayon ay senador na nagngangalang Laila de Lima, ay hindi ko maiwasang ma-imagine ang isang malaking “dairy farm” kung saan ay may matatagpuang mga patabaing baka upang gatasan. May mga maliit na bakahan sa Masbate, Batangas at ilang bahagi ng Mindanao at ang mga baka ay ginagatasan subalit kung malaking dairy farms ang pag-usapan, ang mga ito ay matatagpuan sa New Zealand at Australia.

 

Dito sa Pilipinas, ang animo malaking dairy farm ay ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa kung saan ay naroon ang mga high-profile detainees na “ginagatasan” din pero hindi gatas kundi pera na ang pinanggagalingan ay illegal na drogang ibebenta sa loob mismo ng Bilibid at sa labas sa pamamagitan ng mga pusher nila. Kung magbanggit ng kaperahan sa Congress hearing, ang mga milyones ay animo barya lang. Ang nanggagatas ay itinuro ng mga “witness” na si senador de Lima na abot-langit ang pagtanggi. Siyempre, natural lang yon dahil sino nga ba naman ang tatanggap ng kasalanan, lalo pa at ang taong inaakusahan ay naturingang magaling na abogado.

 

Nakakagulat na sa loob ng isang linggo ay napakadaling lumikom ng 3 milyong piso na pinapadala kay senador de Lima para umano magamit sa kanyang pangangampanya para sa puwestong senador noong nakaraang eleksiyon. At ang nakakagulat pa, ay mismong mga opisyal ng Bilibid ang nagagamit bilang tagapamagitan sa mga high-profile detainees na ang isa ay kilalang big-time drug lord. Kung totoo man, malinaw na ang nasabing pasilidad ay animo pag-aari ni de Lima, kung saan ay nakakakuha siya ng pera anumang halaga ang gusto niya.

 

Naalala ko noong malakas pa si sinador Defensor at sumugod din sa Bilibid para mag-imbestiga sa mga anomalya, ang una niyang hiningi ay ang “Operating Manual” pero walang naibigay sa kanya upang malaman sana kung paanong “mag-operate” ang pasilidad. Subalit dahil sa mga nakakagimbal na pangyayari, kahit meron pa nito, siguradong hindi rin masusunod.

 

Ang nangyari kaya noon at sana ay hindi na nangyayari na ngayon sa New Bilibid Prison, ay nangyayari rin sa iba pang ahensiya ng gobyerno?…sana ay hindi.