Ang Maging Bakwet (Tula with photos)

Ang Maging *Bakwet

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang maging bakwet ay mahirap, iba’y hindi yan alam

Buhay ay walang direksyon at sikmura ay  kumakalam

Animo mga hayop na sa kwadra ay pilit pinagkakasya

Ganitong tanawin, sa evacuation centers ay makikita.

 

Animo mga preso na sa pagkuha ng pagkain ay nakapila

Dala’y plastic na pinggan, mangkok, kung minsan ay lata

May mapaglagyan lang ng pagkaing kung iabot ay padabog –

Kung minsan, dahil sa pagod ng volunteer, pati isip ay sabog.

 

May nilalagay na mga kubetang ilang oras lang ay puno na

Kaya’t kawawa, ibang tagaktak ang pawis sa peligrong dama

Hindi alam kung saan magparaos, dahil wala man lang puno

Kaya’t ang ginagawa, kandangiwi ang mukha sa pagtalungko.

 

May mga dumadating, mga concerned daw, bitbit nama’y camera

Yon pala mga larawang “kawawa” ang dating, gustong makuha

Maibalita na sila’y nakarating sa evacuation center, may naiiyak-

Mga mapagkunwaring “maawain”, mga hangal, dapat mabuldyak!

 

Ang masakit, mga relief goods na handa na sanang  ipamudmod

Subali’t dahil wala pa si presidente o secretary, ito muna’y na-hold

Kaya’t sa ilalim ng masanting na init ng araw, lahat ay nagsitiyaga

Makakuha lang ilang pirasong noodles, bigas, tuyo, pati na delata.

 

Animo mga hayop, kung sila’y ituring sa mga masikip na bakwetan

Mga expired na pagkain, sa kanila kung ibigay, walang pakundangan

At tulad ng inaasahan, gobyernong lokal at ang ahensiyang **DSW

Nagtuturuan kung sino ang may sala, sino sa kanila ang pasimuno.

 

Pareho lang ang buhay saan mang bakwetan, saan man sa bansa

Maging sa Luzon, Visayas, o Mindanao, mga bakwet ay kaawa-awa

Ginagamit ng mga pulitiko, maski ibang grupong sabi ay relihiyoso

Mga taong ganid sa katanyagan, maitim ang budhi, walang modo!

 

(*evacuee, **Department of Social Welfare)

 

 

Advertisements