Ang Magandang Babae sa Farmers’ Mall (Cubao)

Ang Magandang Babae sa Farmers’ Mall (Cubao)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang araw ng Sabado nang manggaling ako sa Antipolo dahil sa pagbisita sa isang dating kasama sa PAL, ay sumakay ako ng jeep na biyaheng Cubao kung saan ay sasakay pa sana ako ng MRT papuntang Baclaran. Ang bilihan ng tiket ay nasa bahagi ng Gateway at Farmers’ Mall. Dahil sa ugali kong palaging nagmamadali ay hindi ko sinasadyang makabangga ng babaeng muntik nang matumba kung hindi ko nahawakan sa braso pero sumabog naman ang laman ng dalawang eco-bag niya na puno ng mga basyong plastic na bote ng softdrinks- kulay green at blue. Habang tinutulungan ko siyang ipunin ang kumalat na mga bote ay noon ko napansing may kasama pala itong batang lalaki. Subalit ang nakakuha ng pansin ko ay ang malaking pagkahawig ng babae sa bida ng isang popular noontime show…ito yong may ka-partner na popular din at ang tandem nila ay nagkaroon ng mahigit isang milyon na viral views. Ibig sabihin ay artistahin ang babae…maganda.

 

Inasahan kong magagalit siya at mumurahin ako kaya abut-abot ang pagsabi ko ng sori. Nang tapatin ko siyang may kamukha siyang artista ay ngumiti siya….mabuti na lang. Nang tingnan ko uli ang bata na tahimik na nakamasid lang sa amin ay naisipan kong imbitahin sila sa Jolibee na nang marinig ng bata ay napangiti na rin. Pinilit kong pumayag ang babae para na rin sa kasama niyang bata na anak pala niya.

 

Habang kumakain kami sa Jolibee ay pinagtapat niyang ang mga may kulay na bote ay gugupitin daw niya sa hugis ng maliliit na halaman upang maging pandekorasyon sa mga mesa at dashboard ng mga jeep. Tinuruan daw siya ng kapitbahay nilang kalalabas lang sa “Munti” (short cut ng Muntinlupa kung saan matatagpuan ang New Bilibid Prison). Ang mga halaga ay naglalaro sa pagitan ng beynte at treynta pesos bawa’t isa. Nakita ko na ang ganitong “street art” noon sa Avenida at Taft Avenue, at nai-blog ko pa. Naglilibot daw silang mag-ina upang mamulot ng ganitong uri ng bote. Subalit pati mga basyong aluminum na lata ng softdrink (popular na tawag ay “in can”) ay pinupulot rin nila sabay pagpakita ng laman ng backpack niya at ng anak. Tinatambayan nila ang mga fastfood centers ng malls at nagti-check din sila sa mga basurahan upang mamulot ng mga ito.  Kailangan daw ang doble- kayod para may pambili ng mga gamit ang anak niyang nasa Grade Three na. Lahat daw ay gagawin niya para sa anak. Sa pagkakataong yon ay nahiya akong magtanong kung nasaan ang tatay ng bata dahil baka isipin niyang tsismoso ako.

 

Nagtitinda din daw siya ng mga gamit ng mga kaibigan at pinapatungan niya ng kaunting tubo. Lahat daw ay tinitinda niya – mga maaayos na lumang damit, sapatos, sandals at dinagdagan ng pabirong, “maliban sa puri”.  Tinanong ko kung nagpi-facebook siya, sagot niya, “malay ko sa facebook na yan”. Ipinakita niya ang lumang cellphone na Nokia, yong basic model na pang-text at tawag lang, na may flashlight. At sinabi din niya na hindi pa siya nakakapasok sa internet café na madalas nilang madaanan. Busy daw siya sa kanyang “business”.

 

Upang hindi siya ma-turn off at mag-isip ng masama tungkol sa akin ay hindi na ako sumubok na kunan sila ng anak niya ng retrato, kahit talagang gustong-gusto ko dahil sa ganda ng mukha niya. Lalabas kasi akong presko dahil noon pa lang kami nagkakilala. Nang banggitin niyang sa iskwater ng Tala (leprosarium) compound sila nakatira ay nagulat ako dahil nakarating na ako doon, subalit hindi ako nagpahalata. Nagkunwari akong may kamag-anak sa Malaria na madadaanan papunta sa kanila. Dahil diyan ay ibinigay niya ang address nila dahil sinabi ko ring interesado ako sa mga binebenta niyang second-hand cargo shorts na maraming bulsa.

 

Bago kami naghiwalay ay nagpalitan kami ng cellphone number upang masigurong nasa bahay silang mag-ina kapag matuloy ang pamamasyal ko sa kanila. Cherry ang ibinigay niyang pangalan sa akin….