Ang Mag-anak na Nangangalakal sa Luneta

ANG MAG-ANAK NA NANGANGALAKAL SA LUNETA

Ni Apolinario Villalobos

 

Nang dumaan ako sa Luneta mula sa Pandacan isang umaga ay napansin ko ang mag-asawa na nagpapasuso ng anak sa tsupon subalit ang laman ng bote ay malabnaw na gatas. Tumigil sila upang ayusin ang mga nakasabit na mga boteng plastic sa likod ng stroller kaya nagkaroon ako ng pagkakataong makausap sila. Bunso pala nila ang nasa stroller dahil ilang sandali pa ay may lumapit na tin-edyer sa amin na panganay pala nila. Nang malaman kong galing pa sila sa Tondo ay hindi na ako nagtanong pa kung kumain na silaa dahil mag-iikapito na noon ng umaga. Malamang, dahil wala pa silang naibebentang kalakal, kahit kape ay hindi man lang sila nakahigop.

 

Halata kong hindi naging maganda ang buhay ng mag-asawa dahil nakita ko ang mga braso ng misis na may mga gurlis o natuyong hiwa ng blade, na ginagawa ng mga bangag sa rugby o glue. Ang mister naman ay walang gurlis subalit may mga tattoo. Malinis ang ayos nila, at dahil malayo ang agwat ng panganay sa bunso, ay napagtanto kong matagal din siguro bago nila naisipang magbago, lalo na ngayong si Duterte na ang presidente. Tinanong ko kung kilala nila si Gerry o si Long Hair na na-blog ko na rin, yong gumagawa ng sirang payong sa Roxas Boulevard pero tumatambay din sa Luneta, at sinabi nilang kaibigan daw nila ito.

 

Ibinili ko sila ng “lugaw with egg” sa isang puwesto sa Luneta sa halagang 30pesos isa at tatlong pandesal para tig-isa sila. Tuwang-tuwa sila at noon nila inamin na hindi pa nga sila kumain nang umalis sila sa Tondo. Noon ko naisipang sa susunod naming pagkikita ay  sasamahan ko sila sa pag-uwi nila upang malaman kung malapit lang sila sa Baseco compound na madalas kong pasyalan. Pero nang sandaling yon ay hindi ko muna binaggit upang hindi sila maasiwa sa akin. Ni hindi ko tinanong ang pangalan nila. Pagkatapos mag-iwan ng kaunting cash  sa misis na galing sa  natirang bigay ni “Ms. Di” para pambayad sa paggamit ng CR sa Luneta, pambili ng tanghalian nila, at gatas para sa bunso, iniwan ko na sila, pero pinakiusapan kong doon sila uli tumambay sa bahagi ng Luneta kung saan ko sila nakita dahil may ibibigay pa ako sa kanila kinabukasan. Nag-iwan din ako sa kanila ng trapal at payong, at sa panganay naman ay libro na padala ni “Perla”…kaya biniro ko sila na dahil may payong sila at trapal, rain or shine magkikita kami. Bago ako tuluyang nakalayo ay narinig ko ang nanay na kumanta ng “happy birthday”, hindi ko lang alam kong sino ang tinutukoy niya….baka ang sanggol na kalong niya.