Ang Korapsyon sa Pilipinas

Ang Korapsyon sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Bago dumating ang mga Kastila, ang mga katutubong nakatira sa mga isla ng tinatawag ngayong “Pilipinas” ay pinamumunuan ng mga “datu” o di kaya ay pinakamatandang miyembro ng tribu. Ang pamamaraan ng pangangalakal ay “barter” o “palitan” ng mga kalakal. Ginamit ang ginto at pilak sa pakikipagkalakalan sa ibang lahi na dumayo sa mga Isla tulad ng mga Intsik at Hapon. Walang dahilan ang mga unang tumira sa mga isla upang maging korap  dahil walang ginamit na pera noon, at napakasimple lang ang buhay ng mga tao noon.

 

Nang dumating ang mga Kastila, bitbit din nila ang mga nakasanayang gawi sa kanilang pinanggalingan tungkol sa pera at pagkamal nito kaya na-develop ang pagkaganid o pagkagahaman dito at nahawa ang mga katutubo. Ang “kaunlaran” na dala ng pera ay mabilis na ninamnam ng mga ninuno natin, subalit ang kaakibat naman ay ang korapsyon na naging talamak kahit sa hanay ng mga prayle o kaparian dahil hantad naman sa kasaysayan ng Pilipinas na sila ay nangamkam din ng mga lupain.

 

Nang pinalitan ng mga Amerikano ang mga Kastila bilang mananakop, pinilit nilang sanayin ang mga Pilipino kung paanong magpatakbo ng pamahalaan sa ilalim ng demokrasya. Subalit ang natikmang kaluwagan ay nagpagahaman sa ilang namunong mga Pilipino kaya nagmadali sila sa pagkaroon ng kasarinlan at lubos na kalayaan. Dahil diyan, kahit sa tingin ng ilang namumunong mga Amerikano na hindi pa gaanong handa ang mga makukulit na pulitikong Pilipino ay hinayaan na lang silang mamuno at tuluyang binigyan ng kalayaan ang bansa.

 

Nangyari ang pinangambahan ng mga Amerikano, na dahil minadali ang pagbigay ng kalayaan ay hindi masyadong naunawaan ang mga prinsipyo na bumabalot dito. Inabuso ang kalayaan at nagsimulang sumibol ang korapsyon. Sa halip na pairalin ang propesyonalismo, umiral ang “kapatiran”, “kapamilya”, “kumparehan”, at ibang samahan sa pagpatakbo ng pamahalaan. Naging malalim ang pagkabaon ng korapsyon ng Pilipinas, na lalo pang yumabong sa ilalim ng mga presidente mula pa noong panahon ni Quezon. Ngayon ang sagradong karapatan sa  pagboto ay tinumbasan na ng halaga, dahil naging talamak ang “vote-buying”. Pati ang mga nasa pribadong hanay ay nagkaroon din nito.

 

Kung pag-isipang mabuti, masasabi na nang dumating ang mga Kastila, naging Kristiyano ang karamihan sa mga katutubo pero ang mga karatig-bansa ay nanatili sa pagkiling sa pinaniniwalaan nila tulad ng Islam at Buddhism. Ngayon, kung may mabalitaang korapsyon sa kanila, iilan lang ang sangkot, pero sa Pilipinas, iba ang sitwasyon ng korapsyon, kung saan ito ay naging talamak na sakit at unti-unting nag-aagnas sa kultura ng lahing Plipino. Ang resulta: habang sumusulong ang mga karatig-bansa ng Pilipinsa sa Asya, ang Pilipinas naman ay halos hindi na makaahon sa kumunoy ng korapsyon! Walang silbi ang paulit-ulit na sinasabi ng administrasyong Aquino na batay sa “GDP” ay umunlad na ang Pilipinas dahil ang mga Pilipino o karamihan ng mga Pilipino ay naghihirap pa rin!….dahil sa korapsyon!