Ang Bagong Sistema ng Edukasyon ng Pilipinas

Ang Bagong Sistema ng Edukasyon

Ng Pilipinas

 

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Nakakakuba ang mga libro ng mga bata sa elementarya dahil sa bigat ng mga ito na kailangang dalhin araw-araw dahil bawa’t katapusan ng tsapter ay may mga tanong batay sa mga napag-aralan. Kaya mas angkop na tawaging “work book” ang mga ito. Pero, may magandang layunin ba ang pagbago sa porma ng mga textbook? May magandang layunin – para pagkitaan! Maliwanag ang dahilan na ito ay para pagkitaan ng mga tiwaling opisyal na nakipagsabwatan sa mga suppliers. Pati junk shops kumikita dahil ang mga librong ito na hindi na mapapakinabangan pa sa mga susunod na pasukan dahil sa mga tanong sa bawat katapusan ng mga tsapter ay hahakutin sa kanila para ibenta por kilo.

 

Dati, ang mga magulang ng mga bata na magkakasunod ang pagtuntong sa mga antas o grado ay nakakatipid dahil namamana ng mga nakakabatang mga kapatid ang mga librong nagamit ng mga nakakatanda basta pag-ingatan lang, ngayon hindi. Obligado silang bumili ng mga bagong libro o magbayad sa mga eskwelahan na siya na ring nagbebenta ng mga ito tuwing pasukan. Bakit ang ganitong sitwasyon ay hindi maunawaan ng mga opisyal ng kagawarang responsable? Malaking halaga ang dahilan!

 

Maraming librong ginagamit ngayon sa elementarya, kaya sa halip na may matutunan ang mga bata, lalo lang nagdudulot ng kalituhan kaya wala ring silbi. Ibig sabihin hindi makatotohanan ang sistema. Bakit hindi tanggapin ang katotohanang ang mga magulang ang gumagawa ng mga takdang aralin ng mga anak nila pati na mga project? Kung ang inaasahan ng mga guro ay “follow – up instruction” itong maituturing, mali sila, dahil kadalasan, habang nagtutuluan ang ganggamunggong pawis ng nanay sa pagsagot ng mga tanong sa takdang aralin at paggawa ng project, ang mahal na anak naman ay nagko-computer o di kaya ay nanonood ng TV!

 

Ang dagdag kalbaryo sa mga bata at mga magulang ay ang karagdagang antas na kailangang tuntungan ng mga estudyante pagkatapos ng Grade Six. Hindi pinakinggan ang reklamo ng mga guro na siyang apektado, na hindi nakahanda ang sistema ng edukasyon. Una, kulang ang mga silid aralan sa mga pampublikong paaralan, at pangalawa, walang nakahandang kurikulum or “module”. May nakausap akong nanay na nagkwentong ang anak daw niya ay tinuturuang mag-manicure at mag-pedicure, magamit lang ang panahon na ginugugol nila sa paaralan.

 

Ang kailangan ay kagalingan sa pagtuturo na makakamit kung may mga programa sa pagpapakadalubhasa ng mga guro at may kaakibat na suporta ng sapat na budget, hindi dagdag na antas. Nakakalungkot isipin na upang madagdagan ang kaalaman, may mga guro na para lang makadalo sa mga training o seminar o makabili ng mga libro, ginagamit nila ang sarili nilang pera. Hindi maaasahan ang budget ng mga eskwelahan dahil kadalasan, pambili nga ng chalk ay inaabunuhan pa ng mga guro. Upang makabili ng mga walis at iba pang gamit panlinis, nag-aambag ang mga estudyante at mga magulang.

 

Lumabas sa TV ang isang dokumentaryo tungkol sa Kalayaan Island. Maganda na sana ang napanood dahil may ipinakitang paaralan at klase ng mga estudyante pero nakakadismayang marinig sa guro na hindi daw sila “credited” ng Kagawaran ng Edukasyon. Nguni’t dahil gusto ng gurong ito na may matutunan ang mga anak ng mga sundalo at iba pang mga tao na nagtiis tumira sa Kalayaan Island upang maipakita na pagmamay-ari ng Pilipinas ang isla, tuluy-tuloy lang ang pagturo niya sa mga bata. Bakit hindi ito inaasikaso ng Kagawaran ng Edukasyon?

 

Sa iba pang liblib na lugar, may mga paaralang butas-butas na ang bubong, halos wala nang dingding. Mayroon ding mga akala mo ay leaning Tower of Pisa ang porma dahil hindi diretso ang tayo, gawa ng mga kung ilang bagyong humagupit. Kung interesado ang Kagawaran na makakita ng iba’t ibang sitwasyon, maganda siguradong humingi sila ng kopya ng mga dokumentadong report ng GMA7, ang istasyon ng TV na matiyagang gumagastos upang maipakita at aktwal na maitala ang mga tunay na kalagayan ng mga eskwelahan sa iba’t –ibang panig ng Pilipinas.

 

Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit mahina ang pundasyong edukasyonal ng mga kabataan? Mga kahinaang madadala nila sa paglaki nila at maging bahagi ng lipunan. May mga matatalinong bata ngunit hindi nabibigyan ng pagkakataong ito ay malinang sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-aaral. Ang dahilan ay kakapusan sa pera ng pamilya nila, wala silang magawa kundi tumigil sa pag-aaral. Pinalala ito ng kawalan ng suporta mula sa pamahalaan.

 

Ang mga kabataang nakakapag-aral sa malalaking bayan at siyudad, bihira ang nakikitaan ng pagkaseryoso sa pag-aaral dahil sa mga nakakalat ng computer shops na ang iba nga halos ilang dipa lang ang layo sa mga paaralan. May mga batas na nagbabawal sa pagtatayo ng mga shop na ito malapit sa mga paaralan, ngunit ano ang ginagawa ng mga lokal na opisyal? Wala! Hindi nga nila maipasara ang mga bilyaran at beerhouses na animo ay kapitbahay lang ng mga paaralan, computer shops pa kaya? Ano ang ginagawa ng Kagawaran ng Edukasyon tungkol dito? Wala rin, dahil para sa kanila trabaho ito ng mga alkalde. Ngunit kung tutuusin ang apektado ay mga estudyante na dapat hinuhubog ng Kagawaran sa pamamagitan ng mga paaralan.

 

Kung may mga estudyante mang nagsisikap matuto sa kabila ng mga problema sa sistema ng edukasyon at kahinaan sa pagtuturo sa kanilang paaralan, iilan lang sila na maituturing na pag-asa ng bayan. Sana bago maging huli ang lahat ay mabigyan ng kaayusan ang kasalukuyang sistema sa edukasyon at pagtuturo na siyang inaasahan huhubog sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan. Mga ilang taon pa mula ngayon, ang mga henerasyon na nakatamasa ng maayos na paghubog ng kanilang pagkatao ay mawawala na. Papalit ang kasalukuyang henerasyon, nguni’t may maaasahan ba sa kanila ang ating bansa? Nagtatanong lang.