PILIPINAS (tula)

Pilipinas

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mga luntiang islang magkakahiwalay

Mga katutubong iba-ibang pananalita

Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin

Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

 

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon

Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol

Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino

Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

 

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi

Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi

May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon

Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

 

Mayabong na sining at mayamang kultura

Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa

Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan

Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

 

Inang Pilipinas, mahal nating bayan

Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan

Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal –

Nang kung sino – Pilipino man o banyagang hangal!

 

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod

Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod

Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa

Nag-uunawaan, nagkakaisa – sa buong mundo, ating ipakita.

 

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa

Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa

Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal

Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.

 

(This poem is dedicated to those who exerted effort to maintain peace, unity and understanding in Mindanao –to preserve the sanctity of our heritage as one nation and one people, despite a diversity in religion.)

 

Advertisements