Tayo ang Nagpaparusa sa Ating Mga Sarili

Isang Paalala sa Pagsimula ng 2018…

 

Tayo ang Nagpaparusa sa Ating Mga Sarili

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Kung malalim na ang inabot ng ugat ng isang tanim, mahirap na itong bunutin. Ang magagawa na lamang ay bawasan ang kayabungan ng mga sanga at dahon sa pamamagitan ng pagputol o pagtabas (trim). Ang siste nga lang, nabawasan man ang mga sanga nito, hindi naman ito mamamatay at napipigilan lamang pansamantala ang lalong paglaki nito. Dapat talaga ay bunutin ang ugat kung ang layunin ay patayin ang tanim.

 

Ganyan din ang masamang tradisyon o kaugalian ng tao. Kung hindi sasawatain sa simula pa lang ang isang maling kaugalian o tradisyon, sa katagalan, makakasanayan na at aakalain, lalo na ng mga bata na ito ay tama. Maaaring may simpleng pagsaway subali’t hanggang doon lang, kaya ang kaugalian ay nagpapatuloy. Sa pagkawala ng mga magulang, maiiwan ang mga anak na siyang magpapatuloy ng nakalakhang gawi na akala nila ay tama. Maipapasa nila ito sa mga susunod pang mga henerasyon. Sa ganitong paraan, lalong nadadagdagan ang kamalian sa mga kaugalian.

 

Kung Mahal na Araw, ang biglang papasok sa isip ng karamihan ay magbakasyon sa halip na mangilin at magnilay-nilay dahil sa mga kasalanang ginawa. Bakasyon ang gusto nila dahil tag-init, pupunta sa tabing dagat at magpiknik. Nawala ang kahulugan ng paggunita na dapat sana ay pagkakataong magsakrispisyo upang maski papaano ay mabawasan man lang ang mga nagawang kasalanan. Siguro kung may malunod sa nagpipiknik, pwede nang sabihing may isinakripisyo sila….at, magsasakripisyo pa dahil sa gagastusin sa lamay at pagpapalibing.

 

Kaakibat ng kaugalian ang pangangailangan. Noong unang panahon, ang pangangailangan lamang ng tao ay pagkain, saplot sa katawan at bubong na masisilungan. Ngayon dumami na ang mga pangangailangan upang ang tao ay masiyahan. Dahil sa mga pangangailangan, ang mga payak na ugali ay naging marahas, mapusok at makasarili. Upang makamit ang mga pangangailangan, umaabot ang iba sa sukdulang paggawa ng hindi mabuti sa kapwa gaya ng pagpatay at pagnakaw.

 

Noong unang panahon, pumunta lang sa gubat ang tao ay may mahuhuli nang hayop upang makain, di kaya ay pumunta lang sa dagat o ilog ay may mahuhuli nang isda, di kaya ay pumunta lang sa mga bukirin ay may mapipitas nang mga prutas at makakaing dahon at talbos.

 

Ibang-iba ang panahon ngayon dahil kung walang trabaho, walang pera, walang pagkain; upang malamnan ang sikmura ng iba, kailangang mangalkal sa basura upang may madampot man lang na tira-tirang pagkain; at ang matindi, kailangang magnakaw na siyang pinakamadali subali’t maselang paraan upang kumita.

 

Noong unang panahon, dahon, prutas o talbos lang ng tanim, balat ng kahoy o mga ugat ng mga damo, nakakagamot na ng mga sakit ng tao. Sa panahon ngayon, kailangang may perang pambili ng mga gamot sa botika; kailangang pumunta sa isang doktor o ospital upang makapagpagamot na nangangailangan pa rin ng pera. Subali’t kung wawariin, ang mga gamot ngayon ay galing din sa mga tanim na dinagdagan lamang ng kung anu-anong kemikal upang tumagal sa pagkakatabi (storage) habang hindi pa ginagamit. Alam na ito ng marami subali’t dahil sa katamaran ay ayaw maglaga ng dahon o ugat upang magamit na gamot. Ang masaklap, may mga gamot ngang itinuturing na nakakapagpagaling subali’t kailangan pa ang reseta upang maging maayos ang paggamit at hindi maging lason sa katawan.

 

Noong unang panahon, walang sine, telebisyon, radyo, cellphone, bisikleta, kotse, barko, eroplano at kung anu-ano pa. Sa pag-usad ng panahon, naging malikhain ang tao at nagkaroon ng mga nabanggit na bagay. Nadagdagan sa mga nilikha ng tao ang bomba, granada, matataas na de-kalibreng baril, mga nakakapinsalang kemikal, sasakyang panghimpapawid na nakakarating na rin sa iba pang planeta…marami pang iba. Natuklasan ang panggatong na galing sa matagal nang nabulok na halaman at mga organismo – ang langis at natural gas. Natuklasan din ang ilang klaseng panggatong na mas nakakapinsala sa halip na makatulong, tulad ng plutonium, hyrdrogen, etc.

 

Ang tao ay natutong kumilala ng mga pagkakaiba ng iba’t ibang komunidad kaya nagkaroon ng iba’t ibang bansa. Natanim sa isip ng tao na upang mabuhay, kailangang matatag ang kabuhayan, kailangang maraming nakaimbak na kayamanan, kailangang napoproteksyunan ng mga sandata, etc.. Nagtakda ang tao ng mga hangganan ng nasasakupan sa kalupaan, karagatan, at sa kalawakan. Ang lumampas na unauthorized ay pinsala ang aabutin dahil sa ginawang “trespassing”.

 

Nalango ang tao sa kaalaman. Naging sakim. Naging makasarili. Nakalimutan niyang siya ay inilagay sa mundo ng isang MAKAPANGYARIHAN upang mangasiwa lamang sa mga likas na yaman. Nakalimutan ng tao na ang lahat ng bagay sa mundo ay hindi niya pag-aari. Akala niya, habang buhay siyang masaya kung nakalubog siya sa yaman at ligtas kung napapaligiran ng may matataas na kalibreng mga sandata. Akala niya, sa paglisan niya sa mundo ang kayamanan ay kanyang madadala.

 

Nakakaalala lamang ang taong tumawag sa KANYA sa panahon ng pangangailangan. Nakalimutan niyang magpasalamat man lamang sa mga biyayang ibinigay NIYA, at kadalasan ay hindi pa siya kuntento! Ang tao ay naging mapagkunwaring maka-Diyos at nagkunwaring siya ay hindi NIYA nakikita habang gumagawa ng mga katiwalian.

 

Pati ang babaeng may timbangan na tinawag ng tao na “Hustisya” ay may piring sa mata, kaya hindi niya nakikita ang mga katiwaliang ginagawa ng mga abogado at huwes na natatapalan ng pera. Mali ang sinasabing “pantay-pantay ang lahat sa harap (hindi mata, dahil may mga piring nga) ng Hustisya”. Bakit ipapantay ang mali sa tama? Kaya tuloy sa kawalan ng perang pambayad sa isang “magaling” na abogado, marami ang nabubulok sa kulungan na walang kasalanan. May katumbas na pera ang pagpapatunay ng kawalan ng kasalanan ng tao. Sino kayang hangal  ang nakaisip na gawing bulag sa katotohanan ang Hustisya? Bakit hindi siya bigyan ng mabalasik na mga mata upang ang may kasalanan na tumingin sa kanyang mukha ay makonsiyensiya?

 

Tao at hindi Diyos ang nagtatakda ng kanyang pagbagsak at pagkawala sa mundo. Patunay dito ang mga giyera na nangyayari sa ating kapaligiran na ginagamitan ng iba’t ibang sandata upang magpatayan, mga makabagong gamit na sumasabog at nakamamatay, mga nakalalasong kemikal na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng pagkaing nabibili sa mga grocery at palengke,  mga sasakyang bumubuga ng lason sa kahanginan, o pumapalya na nagreresulta sa disgrasya. At ang pinakamatindi ay ang pagsira ng tao ng kalikasan na nagdudulot ng iba’t ibang trahedya gaya  ng baha at bagyo.

 

Ngayon, may karapatan ba tayong magtanong sa Diyos kung bakit tayo ay para NIYANG pinarurusahan? Sino ang may kagagawan ng lahat ng mga ito? Di ba tayo?

 

 

 

Advertisements

Mga Dapat Iwasan ng mga Nagpo-promote ng Turismo at Nagsusulat Tungkol Dito

Mga Dapat Iwasan ng mga Nagpo-promote

Ng Turismo at Nagsusulat tungkol Dito

Ni Apolinario Villalobos

 

Pagdating sa turismo, dapat ay nakikipagtulungan sa isa’t isa ang lahat ng mga Pilipno, karaniwan mang mamamayan o mga opisyal ng pamahalaan. Dapat ay hindi nagpapaligsahan kung aling festival ang pinakamaganda, kung aling baybaying dagat ang may pinakamaputing buhangin, kung aling delicacies ang pinakamasarap, etc. Kung may competition sa street dancing, dapat ituring lang ito na simpleng katuwaang kumpetisyon, kaya nga ang mga sumasali ay iba ang pinapakita kaysa sa actual na street dancing.

 

Ang dapat na mangyari ay magkanya-kanya ng promote ng sariling touristic come-ons nang hindi nagbabanggit ng ibang bayan upang maiwasan ang paghambing. Masakit sa mata ang mga blogs na nagsasabing “….mas maganda ang “Iloilo Dinagyang” kung ikumpara sa “Cebu Sinulog” o sa “Antique Binirayan” o “Kalibo Ati-Atihan”. HAYAANG MGA TURISTA ANG MAGHUSGA.

 

Sa bagay na ito dapat mag-ingat ang mga nagkukunwaring mga blogger na mahilig magkumpara ng mga napuntahan at nakita nila. PWEDENG IKUMPARA ANG SERBISYO AT KALINISAN O KADUMIHAN NG TINIRHANG HOTEL O PENSION HOUSE….BUT NEVER ANY FESTIVAL OR NATURAL ATTRACTIONS, DAHIL MAY KANYA-KANYA SILANG KATANGIAN. SAMANTALANG ANG SERBISYO NG TOURISTIC FACILITIES AY MAY “STANDARDS” NA DAPAT SUNDIN.

 

HINDI RIN DAPAT IKUMPARA ANG MGA PAGKAIN DAHIL SA TINATAWAG NA “LOCAL VERSIONS”. HALIMBAWA AY ANG “DINUGUAN” DISH….DAHIL IBA ANG VERSION NG BICOL, IBA RIN SA ILOILO, ILOCOS,  KATAGALUGAN, AT CHRISTIAN MINDANAO. ANG “PINAKBET” AY GANOON DIN, PATI ANG IBA PANG LUTUING PILIPINO. KAHIT ANG SIMPLENG TORTANG TALONG AY IBA-IBA RIN ANG VERSION. KAYA, ANG DAPAT GAWIN AY I-DESCRIBE LANG KUNG ANO ANG NATIKMAN…HUWAG IKUMPARA SA IBA PANG NATIKMAN NA.

 

Ang inaasahan ngayon ng Pilipinas upang kumita maliban sa pag-attract ng investors, ay ang turismo. Kung “maghihilahan” ang iba’t ibang lalawigan at rehiyon, patuloy na magiging kulelat ang Pilipinas na napapag-iiwanan na ng iba pang bansa sa timog silangang Asya, tulad ng Malaysia, Thailand, Indonesia, Myanmar at Vietnam. Naipakita ng mga nabanggit na bansa maliban sa Thailand, Malaysia at Indonesia na hindi kailangang magkaroon ng nagtataasang skyscrapers upang makahatak ng mga turista. Streetfoods na likas sa diet ng mga tao ang hindi nila ikinahihiyang ibandila sa ibang bansa kaya natugunan nila ang gusto ng mga foreign tourists na makadanas ng “exotic adventure”. Maliban diyan ay nagpapakita rin sila ng makulay nilang kultura, hindi ang mga “hiniram” o ginaya sa mga Amerikano o Tsino.