Ang Pagsusulat

Ang Pagsusulat

Ni Apolinario Villalobos

 

Lahat tayo ay may kakayahang magsulat, sanaysay man o tula, o kung sa Ingles ay essay o poem. Yon nga lang, ang karamihan ay napipigilan ng hiya kaya atubili sila sa pagsulat ng kanilang saloobin o laman ng diwa tulad ng isang naging kaibigan ko…..

 

Ang kaibigan ko ay kilala noong dekada sitenta dahil sa pagiging unang babaeng direktor ng pelikulang Pilipino. Siya ay nagtapos sa Univeristy of the Philippines at nagpakadalubhasa sa larangan ng pagdi-direk ng pelikula sa Amerika. Nang siya ay tumigil sa pag-direk ng pelikula sa Pilipinas, inimbita siyang maging radio broadcaster dahil maganda ang kanyang boses. Narinig niya sa isang kaibigan ang tungkol sa mga naisulat kong mga tula na nalathala noon sa isang magasin. Sinubukan niyang banggitin sa radyo ang pangalan ko bilang panawagan na interesado siyang makausap ako at kung maaari daw ay baka pwede ko siyang tawagan sa istasyon dahil “on board” siya noon at dahil kauupo pa lang niya, may mahigit isang oras  pa siyang natitira dahil isang oras at kalahati ang kanyang programa.

 

Nagkataong paborito ko ang istasyon ng radio dahil kahit AM ay marami silang pinapatugtog na mga folk songs na gusto ko. Nang mag-usap kami, inamin niyang curious siya sa akin at siguro bilang pagsubok kung totoo nga ang narinig niyang kuwento, nag-request siya ng tula para sa kanyang mama na ang birthday ay kinabukasan. Hiningan ko siya ng detalya tungkol sa kanyang mama at sabi ko ay patawagan ako after ten minutes. Pero dahil natapos ko agad ang tula in less than ten minutes ay ako na lang ang tumawag uli dahil may pupuntahan pa ako. Nagulat siya at pinabasa sa akin “on air” o sa ere ang tula. Maraming tumawag sa kanya pagkatapos nang ginawa at hindi ko na inalam kung ano ang mga pinag-usapan nila dahil pumunta pa ako sa Tondo. Kinabukasan ay inenterbyu niya ako on air at nang malamang pumunta ako sa Tondo ay nag-request naman ng tula tungkol sa Tondo na ginawa ko naman at binasa “on air”. Dahil wala naman akong pupuntahan noon ay tumutok ako sa programa at narinig ko ang sunud-sunod na mga tawag ng mga Tondo na natuwa. Ang mga caller na dating taga-Tondo na tumawag din.

 

Pagkalipas ng dalawang araw ay tinawagan niya ako pagkatapos ng kanyang programa at inimbita sa kanyang opisina sa Katipunan Ave. Pagdating ko doon ay tinapat niya agad ako tungkol sa tulong na gusto niyang hingin sa akin. Nang tanungin ko kung tungkol saan, binuksan niya ang dalawang cabinet ng puno ng mga folder. Sabi niya, tingnan ko raw ang mga laman na ginawa ko naman. MGA HANDWRITTEN POEMS PALA NA GINAWA NIYA MULA PA NOONG SIYA NAG-AARAL SA UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES!

 

Pinapa-edit sa akin ang mga poems pero sabi ko, kung walang mali sa spelling ng words, walang dapat baguhin sa porma, at kung sakali man ay very minimum lang at sa pagpupuwesto lang ng tuldok at comma. Sa tantiya ko ay mahigit isang libo ang mga naisulat niya….nakakagulat!

 

Pero ang ikinagulat ko pa ay nang tanungin niya ako ng, “pwede na ba ang mga iyan, Bot”? Sa halip na sumagot ay tiningnan ko siya ng matagal at napailing ako. Akala niya ay “hindi” ang ibig kong sabihin, pero nang makapagsalita ako ay sinabi kong, “hindi ako makapaniwala….nalula ako”!

 

Tinanong ko rin siya kung seryoso ba siya sa pagkuha sa akin bilang editorial consultant niya, sabay paliwanag kung saan ako nagtapos at kung anong kurso ang natapos ko. Ang nakakabilib na sagot niya ay, “wala akong pakialam kung saan ka nagtapos…basta nakitaan kita ng pruweba”….yon lang. Dahil sa pinakita niyang tiwala ay pinagbigyan ko siya.

 

Ang gusto kong ipakita sa kuwento ay ang hindi maiwasang paghingi ng “assurance” ng isang tao sa kanyang kapwa dahil sa kawalan ng tiwala sa sarili sa larangan ng pagsulat. Sa larangang ito, bawa’t isa ay may sariling “style” na hindi dapat kuwestiyunin ninuman. Subalit para sa mga nag-aaral pa lang, dapat ay sumunod muna sa  mga literary rules na itinuturo sa loob ng klase…. magtiyaga na lang para hindi bumagsak. At, kapag nakatapos na, saka na lang magpakasawa sa paggamit ng sariling “style”…na ginawa ko at ginagawa hanggang ngayon.  Gusto ko lang iparating sa iba ang “assurance” na, “KUNG KAYA KO, KAYA NYO RIN”.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s