BADONG PIDO…mapalad na nilalang sa kalinga ni Jose “Beng” Lim V at kanyang pamilya

BADONG PIDO…mapalad na nilalang

sa kalinga ni Jose “Beng” Lim V at kanyang pamiya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kabila ng pagiging “special guy” ni Badong, napakapalad niya dahil nasa kalinga siya ng pamilya ni Jose “Beng” Lim V. Subalit bago tuluyang naampon ng pamiya Lim si Badong, napansin siya noon ng mga empleyado sa hardware store, kung saan ay halos araw-araw itong tumatambay sa counter kaya nakasanayan na rin nilang bigyan ito ng pagkain. Kalaunan ay pinasundan siya upang malaman kung saan talaga siya umuuwi at laking gulat nila nang malamang sa sulok ng isang gasolinahan na malapit sa bagong Tacurong public market (New Isabela) siya natutulog gamit ang nakalatag na karton. Akala nila ay may pamilya itong inuuwian at nakakatuwaan lang ang paggala sa araw.

 

Kinausap ni Beng si Badong at inimbitang sa kanila na tumira na ikinatuwa naman nito. Isa sa mga empleyado sa hardware store ang unang nakagaanan ng loob ni Beng, si Ranger, na tinawag nitong “boss Ranger”. Si Beng naman ay tinawag niyang “Ninong” at ang misis nito ay “Ninang”. Sinubukan ng mag-asawang ipasok siya sa eskwela subalit hindi siya nagtagal dahil sa kanyang kalagayan. Napag-alaman din nila na ang makakapagpapirmi kay Badong sa bahay ay TV.

 

Pautal-utal kung magsalita si Badong subalit pinipilit ng pamilya na maunawaan siya. Naging malapit din siya sa mga anak ng mag-asawa at ayaw nilang mawala ito sa kanila. Subalit isang araw ay may nakakita sa kanya sa store at nagsabi kay Beng na taga-General Santos daw ito at sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinagpalagay nila na maaaring hindi sinasadyang nakalabas siya ng tinitirhan at nakatiyempong makasakay ng bus na biyaheng Tacurong City. At dahil nasa bagong public market ang bus terminal, naghanap na lang ito ng isang sulok na matutulugan. Mabuti na lang din na hindi siya naliligaw at nakakabalik pa sa kanyang tinutulugan tuwing gumala siya sa downtown area na kinaroroonan ng hardware store ng mga Lim.

 

Masama man sa kalooban ng pamilya ay nagdesisyon silang ibalik si Badong sa DSWD kaya naghanda sila ng despedida party para sa kanya. Si Beng mismo ang naghatid sa kanya sa General Santos, subalit nang iwanan na niya ay nagwala ito at nagpilit na sumama pabalik sa Tacurong. Walang nagawa ang DSWD kundi ang gawing pormal ang pagpaalaga kay Beng sa mga Lim. Ngayon, dinadala na rin ni Badong ang apelyidong Lim.

 

Ang turing kay Badong ng mga Lim ay talagang kapamilya. Sa lahat ng okasyon ay kasali siya, pati sa taunang cross-country ng Tacurong City Riders na pinamumunuan ni Beng bilang Presidente. Sa loob ng 6 na taon ay kasa-kasama siya ng tropang bikers at itinalaga sa support o backup.

 

Ayon kay Beng, gusto niyang makita pa rin ni Badong ang kanyang mga magulang upang maging kumpleto ang pagkatao nito. Dagdag pa niya, kung sakaling mangailangan din ng tulong ang magulang ni Badong, baka matulungan din nila. Kahit  pautal kung magsalita si Badong, halatang nagpipilit itong maunawaan ng iba, at dahil normal ang turing sa kanya, na-develop ang kanyang self-confidence.

 

May “Down Syndrome” si Badong, subalit nakitaan ko siya ng katalinuhan nang sagutin niya ang mga tanong ko, at sa palagay ko ay nakatulong ng malaki sa unti-unting paglinang ng kanyang karunungan ang pagmamahal na hindi lang pinapakita kundi pinapadama din ni Beng, ng kanyang asawa at mga anak…at siyempre, ni “boss Ranger” at mga empleyado ng hardware store.

 

Nagpapasalamat ako sa pamangkin kong si Daniel Paclibar na miyembro ng Tacurong City Riders dahil siya ang  nagparating sa akin ng kuwento ni Badong.

Advertisements