Ang Pagtanaw ng Utang na Loob

Ang Pagtanaw ng Utang na Loob

Ni Apolinario Villalobos

 

Likas na sa tao ang tumanaw ng utang na loob sa kapwang nakapag-abot ng tulong sa kanya. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng tulong din, salita, o sa kilos man lamang.  May mga tao namang nakatulong na ayaw tumanggap ng utang na loob kahi’t na sa anong paraan, at nagsasabi na lang na ipasa sa iba ang tulong na natanggap. May iba namang tumatanggap ng utang na loob lalo na’t  nakita nila kung paanong paghirapan ng mga natulungan nila ang makapagtanaw ng utang na loob sa abot ng kanilang makakaya. May iba namang natulungan na nga ay nagawa pang pintasan ang tulong na naibigay.

 

Sa kagustuhan ko minsan na makatulong  sa isang nanay na mag-isang bumubuhay ng kanyang mga anak, at madalas na maglabas ng sama ng loob dahil sa kahirapan ng buhay, naipamili ko sila ng pang-ulam na isda at gulay, pati bigas. Nang dalhin ko sa kanila ang mga napamili at nakita niya, sabi ng nanay, “ay, kuya, hindi kumakain ang mga bata ng isda dahil nalalansahan sila”. Kaya pala sila hirap, kahi’t kapos sa pera, pinipilit ng nanay na pagbigyan ang luho nila sa pagkain, kaya ang binibili niyang pang-ulam palagi ay karne ng manok at baboy, at ang gulay ay bihirang-bihira lamang, kung magkaroon man ay repolyo– yan ang sabi niya sa akin. Mabuti na lang at hindi tinanong ng nanay kung magkano ang bigas at baka mabisto na mumurahin lamang.

 

Hindi na ako nagtagal sa kanila, bitbit ang dalawang plastic bag, dumiretso ako sa bahay ng isang kaibigan na medyo nakakaangat sa buhay. Nang iabot ko ang mga plastic bag ng mga pinamili ko, abot-abot ang kanyang pasalamat. Ang kaibigan kong ito ay volunteer sa isang parokya at kadalasang nagmamaneho ng sasakyan ng pari kung may mga lakad ito. Kung sira ang kotse ng pari, kotse niya ang kanyang ginagamit.  Minsan na akong nakasama sa kanila nang puntahan namin ang isang naghihingalong matanda sa  kanyang barung-barong, sa tabi ng isang malaking ilog sa Pasay. Yong naunang nabanggit kong pamilya naman na ang mga anak ay nalalansahan sa isda ay umaasa lamang sa paabot-abot na tulong ng kanyang kapatid na nagtatrabaho sa Japan bilang singer sa isang bar.

 

May isa namang pamilya na nagawan ko ng paraan upang may mahanap na malilipatan agad dahil pinapaalis na sila sa kanilang tirahan na pagmamay-ari ng isang masungit na landlord daw. Subali’t inamin naman ng mag-asawa na kaya sila pinaapaalis ay dahil delayed sila ng dalawang buwan sa pagbayad ng upa. Nakiusap ako sa isang kaibigan na may kaya ang pamilya at nagpapaupa ng mga apartment din, na  baka pwedeng ipagamit ang bago pa lang nabakanteng unit. Dahil kaibigan ko, hindi na ako nagdalawang salita dahil kinabukasan din ay nakalipat ang pamilyang pinaalis sa dating apartment. Para walang masabi ang kaibigan ko, ako na rin ang nagbigay ng dalawang buwang deposito. Makaraan ang mahigit isang taon, naringgan ko na ng reklamo ang kaibigan kong nalipatan ng pamilyang natulungan – madalas delayed ang upa. Nang pasyalan ko minsan ang nasabing pamilya, may nakita akong van na nakaparada sa tapat ng apartment, kanila pala. Pinatuloy nga ako subali’t naramdaman ko ang malamig na pakita sa akin- pinahalatang ayaw nila akong tumagal dahil hindi man lang nag-alok ng tubig o kape, ni hindi man lang ako pinaupo. Umalis na lang ako at nang magkita kami ng kaibigan kong may-ari ng apartment, sinabihan ko na lang na ayaw ko nang makialam sa kanyang desisyon.

 

Ang isang klasikong halimbawa ng hindi paniningil sa mga natulungan ay nang sabihin ni Hesukristo na ang pagmahal natin sa ating kapwa ay pagpapakita na rin ng ating pagmamahal sa Kanya. Hindi niya tahasang sinabi na may dapat tayong tanawing utang na loob sa kanya dahil ibinuwis niya ang kanyang buhay para sa atin. Ang isang pagmamahal na tinutukoy niya ay ang pagtulong natin sa ating kapwa.

 

Kung ang mga pipi ay nakakagawa  ng paraan para maipakita ang kanilang pasasalamat, tulad ng pagyuko man lamang, pagpapalipad ng halik patungo sa nakatulong, pagdampi ng mga daliri sa bibig, pagturo sa dibdib kung nasaan ang puso, at ang pagporma ng mga daliri upang maghugis puso, sabay turo sa tao na gusto nilang pasalamatan, tayo pa kaya na may kakayahang magsalita?

 

Bilang mga panghuling paalala:  hindi dahilan ang pagkalimot ng iba na magpaabot ng pasasalamat o magpakita nito sa anumang paraan, upang mawalan tayo ng ganang patuloy na tumulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya, dahil hindi dapat magkaroon ng puwang ang pagtanaw ng utang na loob sa ganitong pagkukusa. Isantabi ang sama ng loob at ituloy lang ang pagtulong sa kapwa.

 

Leave a comment