Ang Maging Bakwet (Tula with photos)

Ang Maging *Bakwet

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang maging bakwet ay mahirap, iba’y hindi yan alam

Buhay ay walang direksyon at sikmura ay  kumakalam

Animo mga hayop na sa kwadra ay pilit pinagkakasya

Ganitong tanawin, sa evacuation centers ay makikita.

 

Animo mga preso na sa pagkuha ng pagkain ay nakapila

Dala’y plastic na pinggan, mangkok, kung minsan ay lata

May mapaglagyan lang ng pagkaing kung iabot ay padabog –

Kung minsan, dahil sa pagod ng volunteer, pati isip ay sabog.

 

May nilalagay na mga kubetang ilang oras lang ay puno na

Kaya’t kawawa, ibang tagaktak ang pawis sa peligrong dama

Hindi alam kung saan magparaos, dahil wala man lang puno

Kaya’t ang ginagawa, kandangiwi ang mukha sa pagtalungko.

 

May mga dumadating, mga concerned daw, bitbit nama’y camera

Yon pala mga larawang “kawawa” ang dating, gustong makuha

Maibalita na sila’y nakarating sa evacuation center, may naiiyak-

Mga mapagkunwaring “maawain”, mga hangal, dapat mabuldyak!

 

Ang masakit, mga relief goods na handa na sanang  ipamudmod

Subali’t dahil wala pa si presidente o secretary, ito muna’y na-hold

Kaya’t sa ilalim ng masanting na init ng araw, lahat ay nagsitiyaga

Makakuha lang ilang pirasong noodles, bigas, tuyo, pati na delata.

 

Animo mga hayop, kung sila’y ituring sa mga masikip na bakwetan

Mga expired na pagkain, sa kanila kung ibigay, walang pakundangan

At tulad ng inaasahan, gobyernong lokal at ang ahensiyang **DSW

Nagtuturuan kung sino ang may sala, sino sa kanila ang pasimuno.

 

Pareho lang ang buhay saan mang bakwetan, saan man sa bansa

Maging sa Luzon, Visayas, o Mindanao, mga bakwet ay kaawa-awa

Ginagamit ng mga pulitiko, maski ibang grupong sabi ay relihiyoso

Mga taong ganid sa katanyagan, maitim ang budhi, walang modo!

 

(*evacuee, **Department of Social Welfare)

 

 

Ang Makabagong Anyo ng Tacurong na Pinatingkad ng Pagtutulungan

Speech delivered during the June 12/Independence Day celebration of Tacurong at the grounds of the City Hall….

 

ANG MAKABAGONG ANYO NG TACURONG

NA PINATINGKAD NG PAGTUTULUNGAN

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang Tacurong na dating baryo ng Buluan at may pangalang “Pamangsang” ay mabilis ang pagpaimbulog tungo sa pag-unlad. Animo, siya ay isang taong nagmamadali sa paghakbang tungo sa isang inaasam na layunin…at hindi naman nabigo dahil ngayon ay kitang-kita ang mga resulta ng kaunlaran na tinatamasa. Kabi-kabila ang mga itinatayong mga gusali upang maging mall at paupahan. Lahat nang yan ay dahil sa pagtutulungan ng mga residente at mga dumadayong mangangalakal na galing pa sa ibang bayan na nakapaligid sa lunsod.

 

Nakatulong din ang pagpupunyagi ni Ms. Emilie Pasaporte Jamorabon ng City Tourism Office na sa kabila ng maliit na pondo ay nagawang makapag-conceptualize ng Bird Festival, and ikatlong festival ng lunsod. Walang maipagmamalaking tradisyonal na tourist spots ang Tacurong, maliban sa Bird Sanctuary ng Baras, Monte Vicenteaux Resort ng New Passi, iba pang maliliit na resorts na nakakalat sa iba’t ibang purok at barangay, at mga specialty restaurants. Ang kakulangan ng mga likas na atraksiyon ay napunuan naman, at sobra-sobra pa ng likas na magandang ugali na pinapakita ng mga Tacurongnon sa mga dumadayo…yan ang “goodwill”.

 

Hindi mapag-imbot o selfish ang Tacurong, at walang ibang dapat pasalamatan diyan kundi ang butihing mayor, si Lina Montilla, sampu ng iba pang mga opisyal – vice mayor, Dr. Joseph George Lechonsito at mga City Coucilors.  Patas ang mga ordinansang ginagawa. Walang pinipili sa mga binibigyan ng pagkakataon upang mabuhay nang maayos….yan ang diwa ng sama-samang pagbalikat ng mga gampanin tungo sa pag-unlad.

 

Mababaw ang katagang “pagbabago” para sa Tacurong dahil kung tutuusin ay walang dapat baguhin, sa halip ay dapat paunlarin pa, dahil maunlad na . Kailangan lang naman kasi ang pagbabago ng isang bagay kung ito ay masama o hindi kaaya-aya…na wala sa imahe ng lunsod kahit katiting man lang. At, yan ang “nakakabilib”, kung gagamitin ko ang salitang makabago….at, yan pa rin, ay dahil sa masugid na pagtutulungan ng mga Tacurongnon.

 

Hindi lang iisa ang kulturang umiiral sa buong lunsod ng Tacurong. Ang Ilokano, Ilonggo, Cebuano, Pangasinense, Maranao, Iranum, Maguindanaoan, Bikol, Waray, at Tagalog ay iba’t ibang kulturang maituturing subalit nasa hanay na pangrehiyon o regional…at lahat ay nag-uunawaan…walang hidwaan o kontrahan. Dito lang sa atin may subdivision na sa gitna at hindi kalayuan sa mga bahay ng mga Kristiyano ay may mosque. Dito lang sa atin may simbahang Katoliko na may mga estudyanteng Muslim. Dito sa atin ang mga Ilokano, Bikol, Waray at Tagalog na animo ay mga Ilonggo kung magsalita ng Bisaya. Ang pinag-uusapan natin dito ay iba’t ibang tradisyon, na sa kabila ng pagkakaiba ay may pagkakaisang nakatuntong sa pundasyon ng magandang samahan. Bihira ang kalagayan natin dito sa Tacurong na dapat ay ating ipagmalaki…na guto kong tawaging “cosmopolitan” o “sophisticated”.

 

Hindi tayo dapat mangamba o matakot sa anumang banta na pilit nagpapadiskaril ng direksyon na tinatahak ng lunsod. Ang bantang yan ay dapat pang magpaigting ng ating magandang samahan. At, dahil ito ang huling term ni mayor Lina at iba pang mga Konsehal, ang panawagan ko ay magtulungan tayo sa pagbalikat ng mga gampanin ng mga papalit sa kanila. Huwag nating pairalin ang pulitika na nagsisilbing salot na sumisira ng magandang samahan pati ng magkakapamilya.

 

Magkaisa tayo tungo sa pag-unlad pa ng ating lunsod na nag-iisa lang!…ipagmalaki natin na tayo ay mayroong Tacurong, na ang pangalan ay hinango sa “talakudong”, isang malapad na katutubong sombrerong nagsisimbolo ng proteksiyon sa lahat na handang makipagtulungan at walang mapag-imbot na hangarin.

 

Magbuklod-buklod tayo at sa iisang boses ay sumigaw ng SULONG TACURONG!