Mindanao

Mindanao

By Apolinario B Villalobos

 

Itinuring na lupang ipinangako –

Ng mga Pilipinong dito ay napadako

Mga naglakas-loob na makipagsapalaran

Hindi inalintana panganib na madadatnan.

 

Maraming kuwento ang aking nalaman –

May mga kulay ng lungkot at kaligayahan

Nguni’t lahat ay puno ng hangarin, ng pag-asa

Sa lupang ipinangako’t magigisnang bagong umaga.

 

May mga Pangasinense, Kapampangan, Ilocano

Mayroong Bicolano, Bulakeño, Caviteño, Batangueño

Mga taga-Luzon silang dala ay lakas ng loob, kasipagan

Hindi ininda ang init sa  pagbungkal ng tigang na kabukiran.

 

Mayroon ding galing sa Antique, Negros, isla ng Cebu

Sumunod ang mga taga-Leyte, Antique, Guimaras at Iloilo

Ano pa nga ba’t sa malawak, mayaman at luntiang Mindanao

Magkaiba man ang mga salita, pagkakaisa ay pilit nangingibabaw.

 

Hitik sa kwentong makulay ang buong isla ng Mindanao

Unang tumira’y mga kapatid nating sa relihiyon, iba ang pananaw

Silang mga  taal na katutubo, makukulay, matatapang at mahinahon

Tanging hangad ay mabuhay ng matiwasay, tahimik, sa lahat ng panahon.

 

Ang mga  Kristiyano, Muslim, Lumad – lahat sila ay nagkakaisa

Nagtutulungan, nagbibigayan, mga paniwala man nila ay magkaiba

Nguni’t dahil sa makasariling hangad ng ilang gahaman sa kapangyarihan

Animo kristal na nabasag, iningatang magandang samahan at katahimikan.

 

Nguni’t tayo ay Pilipino, iba tayo – lumalaban na may masidhing pag-asa

Sa harap ng masalimuot na mga problema, matatatag na kalasag ay nakaamba

Ito’y ang masidhing paniniwala sa Maykapal, malalim at marubdob na kapatiran

Ugaling nagbuklod sa mga taga-Mindanao, magkaiba man ang pananaw at kaugalian.

 

Ating isigaw-

Mabuhay ang Mindanaw!

Mabuhay ang Pilipinas!

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s