Si Lilian…manikurista sa Lawton

Si Lilian…manikurista sa Lawton

Ni Apolinario Villalobos

 

Linggo ng umaga, habang nag-aalmusal kami ng mga kaibigan ko sa Lawton, kasama ang drayber ng van pagkatapos naming mamudmod ng gifts madaling araw pa lang, ay may napansin akong bata na familiar ang mukha, nakaupo sa ilalim ng isang puno….naalala kong siya ang batang ipinagbilin kay Jomong ng ina nito.  Nai-blog ko na si Jomong ilang araw na ang nakaraan dahil sa pag-alaga niya sa bata at pinakain pa ito, kahit ang kita niya ay galing lang sa pamumulot ng junks. Ang sabi ni Jomong ay iniwan muna sa kanya ng nanay nito ang bata dahil magti-check daw siya sa basurahan malapit sa Jolibee at baka may mapulot siyang pang-almusal nilang mag-ina.

 

Maya-maya ay kinuha ang bata ng isang may kabataan pang babae na tisay. Nagpaalam ako sa mga kasama ko at nilapitan ang babaeng karga ang bata papunta sa isa pang open-air karinderya. Nagpakilala akong kaibigan ni Jomong sa Sta. Cruz. Ngumiti siya kaya lumakas ang loob kong makipag-usap. Lilian ang pangalan niya at ang anak niya ay si Jingjing. Nakiusap daw siyang tumulong sa karinderya maski walang bayad basta libre lang ang pagkain nilang mag-ina sa maghapon.

 

Wala pang kostumer ang karinderyang pinagtrabahuhan ni Lilian kaya tinawag ko ang mga kasama ko upang lumipat. Maganda si Lilian ganoon din ang anak na akala ko noon ay dalawang taon pa lang, pero tatlo na pala. Nang bumalik daw siya kay Jomong noon ay may dala siyang sandwich na kinagatan at spaghetti sa styrofor pa pero kaunti na lang….galing daw sa basurahan, pero wala naman daw amoy ng pagkapanis kaya okey lang daw. Lumipat daw silang mag-ina sa Lawton bago magtanghali upang “dumiskarte”, ibig sabihin ay mag-apply kahit tagahugas ng pinggan sa mga karinderya. Sa Lawton Plaza na rin sila natulog, sa ilalim ng bronze mural ni Bonifacio, na nasa pagitan ng City Hall at Universidad de Manila.

 

Ang tatay ng anak niya ay pulis-Batangas (hindi na namin tinanong kung anong bayan), pero may pamilya. Ginahasa daw siya nito at pilit na ibahay subalit hindi siya pumayag. Pinakiusapan na lang daw niya na tulungan siya hanggang mailuwal ang bata. Hindi na raw siya nagreklamo dahil wala ring mangyayari. Okey naman ang kalagayan nilang mag-ina doon dahil binibigyan siya kung minsan ng pera ng pulis. Manikurista daw siya sa bayan nila. Umalis siya sa kanila nang malaman niyang drug pusher pala ang pulis. Ang nagsabi ay ang pinsan nitong nabahala dahil narinig daw niya na binanggit siya sa isa pang kasamang pulis, at pabebentahin daw siya ng droga sa parlor. Traysikel drayber ang pinsan ng pulis na nagsabi sa kanya, at pati nga daw siya ay pilit na pinagbebenta rin sa mga traysikel drayber.

 

Mabuti na lang daw at may naipon siyang perang ginamit nilang pamasahe papuntang Maynila, pero ang paalam niya sa kanyang biyudang nanay ay sa Zamboanga siya pupunta sa kamag-anak nila. Mas mabuting sa Maynila daw siya pumunta dahil may classmate siyang matitirhan sa San Andres Bukid, kaysa sa Zamboanga na nakatatakot dahil sa Abu Sayyaf. Sa kamalasan, ang classmate niya ay hindi rin pala maayos ang kalagayan dahil sa Beer House lang din nagtatrabaho bilang waitress, at ang kuwartong inuupahan niya ay maliit.

 

Bumili siya ng mga gamit pang-manicure at sumama sa dalawang bagong kaibigan na sa Luneta naghahanap ng mga kostumer. Sa kamalasan pa rin, nasalisihan daw siya nang minsang natutulog silang mag-ina  kaya ninakaw ang mga gamit niya. (Ang tawag sa ganitong uri ng nakawan sa Luneta ay “eskoba”.) Dahil hindi pa nababawi ang pinambili ng mga gamit na ninakaw, wala na daw siyang magawa kundi magtrabaho sa maliliit na karinderya sa bangketa upang maski papaano ay mabuhay silang mag-ina.

 

Pagkatapos marinig ang kuwento niya, pinagpaalam namin siya sa amo niya at nagpasama kami sa dati niyang tinirhan sa San Andres upang mapatunayan na nagsasabi siya ng totoo. Tiyempo naman na ang katabing kuwartong inuupahan ng kanyang classmate ay kababakante lang kaya nagpasya agad ang kasama naming Fil-Canadian na kontratahin ito para kay Lilian. Binayaran agad mula Disyembre ngayong taon hanggang Disyembre sa sunod na taon sa upang 1,000pesos kada buwan, libre ang paggamit ng isang ilaw at tubig na panluto, panlaba at panligo. Bibili lang sila ng mineral water na pang-inom, at ang kubeta ay common para sa lahat ng nangungupahan, pero okey naman dahil malinis at palaging may tubig pang-flush, naipong ginamit sa paglaba.

 

Isinama uli namin siya sa pagbili ng mga bagong gamit sa pag-manicure, mga gamit sa bahay, at mga damit lalo na ang bata na dadalawang malaking t-shirt ang pinaghahalinhinang isuot. Ipinagbilin din namin siya sa may-ari ng paupahang kuwarto at sa classmate niyang nasa katabing kuwarto bago kami nagpaalam.   Hindi na rin kami nagtanong kung ano ang apelyido ni Lilian dahil ang mahalaga ay nasa maayos nang kalagayan silang mag-ina. Samantala, pinag-iisipan ko pa kung sasabihin kay Jomong kung saan nakatira sina Lilian. At, si Jomong naman ay hinahanap ko pa rin dahil may pag-uusapan pa kami.

 

Ang Kagarapalan ng Ahensiya ng Edukasyon

ANG KAGARAPALAN NG AHENSIYA PANG-EDUKASYON

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil sa kagustuhang makasipsip kay Duterte ay naisipan na rin ng ahensiyang pang-edukasyon na mamigay ng condom sa mga estudyante. Para ano?…para ma-encourage sila na mag-sex dahil feeling na safe sila? Kasabwat yata nila ang mga short-time lodges at motels sa ideyang ito. Kung ganito ang takbo ng isip ng namumuno ng ahensiyang dapat ay nagbibigay ng tamang gabay sa mga kabataan, wala talaga silang maaasahang maaliwalas na kinabukasan. Kung malilibog ang matatandang ito , huwag nilang idamay ang mga kabataang estudyante!

 

Napakaraming importanteng isyu ang dapat na asikasuhin ng ahensiya, lalo na ang taunang pagtaas ng tuition at patuloy pa ring paglimbag ng mga librong workbook ang format sa halip na textbook, kaya hindi na magamit pagkatapos ng isang taon. Ang pinakahuling sistema ang dahilan kung bakit napakaraming mga titser ang halos walang pakinabang dahil inaasahan na lang ang pagsagot ng mga estudyante sa mga tanong sa workbooks…ni walang balitaktakan dahil inasahan lang din ang isa-submit na kinopyang assignment mula sa internet….buong-buo dahil ini-copy/paste.

 

Noon pa man ay marami na ang nagsasabi na ang ahensiyang ito ay tahimik lang pagdating sa kurakutan. Dahil sa pakikipagsabwatan ng ilang mga opisyal nila sa mga negosyante ay nagsulputan ang mga “fly-by-night” publishers ng mga workbook na napakaraming mali pero pinapalampas, at dahil walang nakukulong, hindi natatakot ang mga publishers kahit paulit-ulit silang magkamali. Napakalaki ang kita sa mga libro dahil hindi bababa sa 500pesos ang bawat isa. Dahil diyan ang nasa prep school pa lang na bata ay napipilitang gumagamit ng set ng mga libro na ang halaga ay hanggang 5thousand pesos o higit pa. Walang magawa ang mga magulang dahil nagsisilbi ding “test papers” ang mga workbooks na may mga question na dapat sagutin sa huling bahagi ng bawat chapter. Pagkatapos ng isang taong gamit ay ibebenta lang ang workbooks sa junkshop sa halagang wala pang 20pesos batay sa bigat ng mga ito sa timbangan. Dahil sa raket na yan ay marami ang yumamang nagbukas ng mga kinder/prep schools.

 

Malakas ang loob sa paggawa ng ka-demonyohan ang ahensiyang ito ganoong hindi nga nila mapabigkas ng tama sa mga titser mismo ang letrang “R”…. silang proud pa sa pagpa-impress dahil “Americanized” ang accent sa pagsalita ng Pilipino. Ang salitang “condom” ay hindi nga mabigkas-bigkas ng mag-asawa sa harap ng mga anak maski nasa hustong gulang na ang mga ito, pero ang mga inakalang pantas ay animo nilukuban ng demonyo sa pagpanukala ng pamimigay din ng condom dahil adbokasiya ng presidente Duterte ang family planning….talagang mga sipsip!

 

Wala na…..talagang wasak na wasak na ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas, kaya kawawa ang kasalukuyang henerasyon ng mga estudyante at mga susunod pa. Mukhang may MALAKING dahilan kung bakit kapit-tuko ang mga opisyal sa puwesto sa ahensiyang ito.