Day: September 2, 2016
Critter
Critter
By: Kevin Norbert G. Lopez
Mother, sister’s bitter at the critter.
Critter thought sister freed her.
Sister thought critter would stay,
Sister thought critter would play.
Critter left without saying goodbye.
When sister found out she sat down and cry.
Critter gone, Critter no more,
Sister here, sister is sore.
Ang Isang Bansa ay parang Damit
ANG ISANG BANSA AY PARANG DAMIT
Ni Apolinario Villalobos
Dahil sa namamayagpag na operasyon laban sa droga sa Pilipinas, naungkat na naman ang kahalagahan at katatagan ng pamilya na dapat ay nakaangkla sa tibay ng moralidad ng mga magulang. Hindi katanggap-tanggap ang dahilan ng ibang drug pusher na kaya sila napipilitang magbenta ng droga ay gusto nilang kumita para sa pamilya nilang nagugutom. Kung ang ibang kinakapos ay nabubuhay sa pamumulot ng mapapakinabangan sa basurahan, bakit silang malalaki ang katawan na tadtad ng tattoo ay hindi gumamit ng malinis na paraan upang kumita? Kung halos hindi nga nawawalan ng sigarilyo ang bibig nila, at tuwing hapon lalo na kung Sabado o Linggo ay nakakapaglaklak pa sila ng alak, bakit sasabihin nilang naghihirap sila? Samantala, ang mga asawa naman nilang halos hindi rin nawawalan ng umuusok na sigarilyo sa bibig habang nagtotong-its ay hindi rin nahiyang magsabi na wala raw silang pambili ng bigas!
Maraming mga pilosopong Pilipino ang baligtad ang takbo ng isip….silang idinaan sa pagpalipas ng kalibugan ang pagtatag ng pamilya….hindi ng tahanan. Hindi sila gumawa ng plano kaya nang maglabasan ang mga anak ay sa kalye pinalaki. Ang pagsikap nila ay ginawa sa kalagitnaan ng kanilang pamumuhay kung kaylan ay marami na silang anak. Dahil diyan, paanong magkakaroon ng katatagan ang kanilang pamumuhay na idinadaan sa paraang “isang kahig, isang tuka”?
Sa kaso naman naman ng mayayamang pamilya na ang mga anak ay napariwara dahil sa droga, nangangahulugan lamang ito na maaaring nagkulang sa pagtugaygay ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ito ang mga magulang na sa halip na bigyang pansin ang mga anak, ay mas inusto pang nakababad sa sosyalan kasama ang mga best friends, o di kaya ay ginugugol ang panahon sa mga pagkikitaan upang lalo pang madagdagan ang kanilang yaman.
Ang mga pamilya ay maituturing na mga hibla (fibers) na bumubuo ng barangay. Ang mga barangay ay bumubuo ng bayan o lunsod… na bumubuo naman ng mga lalawigan… na bumubuo naman ng buong bansa. Kaya kung wawariin, ang isang bansa ay parang damit na ang ikinagaganda ng uri at tibay ay batay rin sa uri ng mga hibla (fibers). Kung mahina ang mga hibla, madali itong mapunit…at kung salaula o balahura sa paggamit ang may-ari, maaari rin itong mamantsahan.
May mga paraan upang mapaganda ang isang gusgusing tela dahil sa karupukan nito….tinatanggal ang gulanit na bahaging napunit at ang butas ay tinatagpian o tinatapalan ng bagong tela. Upang matanggal naman ang mantsa, ito ay binababad sa zonrox, suka, kalamansi, o ikinukula upang mawala ang makapit na dumi. Sila ay mga paraang nangangailangan ng tiyaga. Subalit para sa isang tao na ayaw magtapon ng gulanit na damit, pagtitiyagaan niyang gawin ang anumang paraan na angkop upang maging maayos uli ito.
At, bilang panghuli, kung ihahalintulad naman sa isang organisasyon ang isang bansa, ang pinaka-sentro nito ay pamilya dahil diyan nagsisimula o nanggagaling ang lahat upang mabuo ang lipunan…kung mahina at hindi matatag ang mga pamilya, ang bansa ay hihina rin.
Ang Disiplina
ANG DISIPLINA
Ni Apolinario Villalobos
Kung walang disiplina sa isang tahanan, hihina ang pundasyon ng moralidad ng mga batang lumalaki, kaya nawawalan sila ng respeto sa isa’t isa at mismong sa mga magulang. Ang kawalan din nito ang dahilan sa pagkabigo ng mga magulang upang magpatupad ng mga patakaran na dapat sana ay gagabay sa mga anak na lumalaki. Kung nagkulang sa bagay na ito ang mga magulang, ang mga anak nila ay nawawalan din ng respeto sa oras, pera at pilit na tumatanggi sa pagkilala ng mga bagay na kailangan nila upang lumaki silang normal. Sa mga tahanang walang disiplina, hinahayaan ang mga anak kung ano ang gusto nila… kaya dahil gusto ng mga ito, halimbawa, ang hotdog, hamburger at chicherya, todo-bigay naman ang mga magulang dahil mahal nila ang kanilang mga anak na ang kagustuhan ay ayaw nilang suwayin. Kung magkasakit na ang mga anak o di kaya ay lumaking sakitin, nakakatawa ang ibang magulang, dahil sa kanilang pagtataka, at ang pagbubuntunan ng sisi ay maruming tubig at hangin daw!
Kahit gaano kaunlad ang isang bansa kung karamihan sa mga mamamayan nito ay walang disiplina, ang kaunlaran ay nawawalan ng kabuluhan. Ang kawalan din ng disiplina ang nagiging hadlang sa pag-unlad ng ibang bansa. Sa ilalim ng demokrasya, kawalan ng disiplina ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng lamangan at kasakiman ang mga mamamayan. Nakatanim sa kanilang isipan na ang pagpapatupad ng disiplina ay pagsupil sa kanilang kalayaan kaya sila ay nagdadaos ng rally upang ipakita ang kanilang pagtutol sa mga batas na may kinalaman dito. Hindi rin nakakatulong ang hudikatura na tinuturing na otoridad sa pagpapaliwanag ng mga batas dahil sa walang pakundangan nilang pag-isyu ng mga Temporary Restraining Order (TRO) dahil naaayon naman daw sa Saligang Batas at demokrasya….subalit nagsisilbi namang butas na nasisilip ng mga tiwali kaya nilla naaabuso.
Ang bansang Singapore ay nagtagumpay sa pagkaroon ng talagang tunay na kaunlaran dahil sa pinairal na disiplina. Sa simula ay umalma ang mga mamamayan subalit kalaunan ay naunawaan din nila ang magandang layunin, lalo pa at gumamit ng animo ay kamay na bakal ang namumuno sa kanila. Kinaiinggitan ng mga mamamayan ng ibang bansa ang kaunlaran ng Singapore….basta nainggit lang. Hindi inisip o ayaw tanggapin ng mga naiinggit na ang kaakibat sa pag-unlad ng Singapore ay disiplina na tinututulan naman ng mga naiinggit na ito na maipatupad sa kanilang bansa tulad ng Pilipinas dahil pagsupil daw ito sa kanilang kalayaan!
Sa loob ng isang jeepney, excited na nagkukuwento ang isang babae tungkol sa kanyang pag-tour sa Singapore. Tumatalsik pa ang ibang palaman ng sandwich mula sa kanyang bibig habang nagkukuwento dahil sinasabayan niya ng pagkain. Ang LINIS DAW NG MGA KALSADA SA SINGAPORE, yon nga lang ay mahal ang mga hotel. Nang maubos niya ang sandwich at laman ng bote ng mineral water , itinapon niya ang balot ng sandwich at basyong plastic sa labas ng jeep habang tumatakbo ito sa kahabaan ng Taft Avenue! Nang sitahin siya ng kanyang kaibigan, ang sagot niya, “…di bale, may naglilinis naman sa kalsada”! Ngayon, sino ang hindi makakapagmura dahil sa ugaling yan?
Ang “Cause and Effect” na Pangyayari
ANG “CAUSE AND EFFECT” NA PANGYAYARI
Ni Apolinario Villalobos
Ang isang bagay na walang buhay ay hindi matitinag sa kanyang kinalalagyan kung hindi ito pakikialaman ng isang may lakas. Para naman sa mga may buhay at may pakiramdam, kung sila ay masasaktan asahan na ang pag-aray, pero kung halaman ay asahan ang pagkalanta nila hanggang sa tuluyang mamatay. Kung hayop tulad ng aso o pusang inapakan o sinipa, asahan ang kanilang pangangagat. At, ang mga hayop na ang tahanang gubat ay kinalbo ng mga illegal loggers, siyempre bababa sa mga baryo upang maghanap ng makakain tulad ng kambing, manok, kalabaw, at kung minsan ay bata.
Kung ang isang tao ay nainsulto o nasaktan, ito ay magagalit at maaaring magpakita ng sama ng loob sa pamamagitan ng pananakit o pagsabi ng hindi magagandang salita o sa diretsahang sabi, ay pagmumura na ayaw ng mga “moralista”. Kung sa kabila ng pananakit o pang-iinsulto sa kanya, sumigaw pa ang isang tao ng, “Praise the Lord!”, hahalakhak o magpapasalamat pa sa nanakit o nang-insulto sa kanya…maaaring siya ay santo na naligaw sa Pilipinas o saan mang panig ng mundo, o di kaya ay baliw!
Walang dahilan ang isang tao upang basta na lang magalit. Sa panahon ngayon, sino ang hindi magagalit sa paglipana ng mga kriminal at kapabayaan ng gobyerno? Sino ang hindi magagalit sa kawalan ng disiplina ng iba sa pagtapon ng basura kung saan nila gusto? Sino ang hindi magagalit sa mga inutil at gahamang opisyal ng gobyerno na nagpasuhol sa mga illegal na mga minero at loggers? Sino ang hindi magagalit sa mga mayayabang na driver na nag-aakalang pagmamay-ari nila ang kalsada? Sino ang hindi magagalit sa mga rapist na pumapatay pa dahil lulong pala sila sa droga? Sino ang hindi magagalit sa mga taong ibinoto ng mamamayan sa paniniwalang sila ang magiging tagapagtanggol nila subalit kabaligtaran ang nangyayari dahil mas gusto pa nilang pahabain ang buhay ng mga kriminal na sumira sa kinabukasan ng maraming mamamayan, at higit sa lahat ay kumitil pa sa buhay ng mga ito?