Si Nelly…nagka-AIDS, pero nakapagpatapos ng isang kapatid sa kolehiyo

SI NELLY…NAGKA-AIDS, PERO NAKAPAGPATAPOS

NG ISANG KAPATID SA KOLEHIYO

Ni Apolinario Villalobos

 

Matagal ko nang kaibigan si Nelly, halos sampung taon na. Nabulyawan ko siya noong una ko siyang makita sa Avenida. Mag-aalas-siyete pa lang noon ng umaga nang sundan niya ako habang naglalakad sa Avenida, upang humingi ng pangkape, kapalit ang short time “check-in”. Sabi ko sa kanya, “ang ganda mo, pwede ka namang magtrabaho sa karinderya man lang, bakit ka nagpuputa sa Avenida….ang aga-aga, eh, iniistorbo mo ako…”. Dahil napahiya, yumuko na lang at umupo sa bakanteng silya sa tabi ng babaeng nagtitinda ng sigarilyo at kendi. Tiningnan din ako ng masama ng tindera. Papunta ako noon sa Fabella Center. Subalit nang makarating ako sa Recto ay nakonsiyensiya ako sa ginawa ko kaya bumalik ako sa puwesto ng tindera upang kausapin si Nelly.

 

Hindi ko siya inabutan dahil ang sabi ng tindera ay umalis daw kasama ang nakakabatang kapatid na ihahatid sa eskwela. Kinabukasan ay binalikan ko siya sa lugar kung saan ko siya nakita subalit nang makita niya ako ay umiwas at tumawid sa kabilang panig ng Avenida. Pinakiusapan ko na lang ang tindera na tawagin si Nelly na ginawa naman, kaya bilang pasalamat ay bumili ako ng maraming “snow bear” menthol candy.

 

Hindi nagmi-make up si Nelly kaya lutang na lutang ang likas na makinis at ganda niyang morena. Sa tabi mismo ng tindera ay una kaming nag-usap at nagtanong sila kung reporter ako na itinanggi ko naman. Maya-maya pa ay dumating ang kapatid na naka-uniporme na inihahatid niya sa eskwela. Nang umalis si Nelly ay tinanong ko ang tindera kung ano ang alam niya sa pagkatao nito. Sabi niya ay marami dahil kilala niya ang nanay nitong kamamatay lang. Matagal nang abandonado daw sina Nelly ng tatay nila, kaya bilang panganay ay ito ang tumatayong magulang ng mga kapatid niya. Nalaman ko ring 27 years old si Nelly. Ang sumunod na nakababata sa kanya ay 17 at ang bunso na hinahatid niya sa eskwela ay 10 years old. Nakatira silang magkakapatid sa isang maliit na kuwarto ng lumang gusali sa di-kalayuang kalye ng Raon. Ang kapatid na sumunod sa kanya ay nagtitinda ng banana cue at malamig na inumin malapit lang sa tinitirhan nila, at ang suweldo ay 75pesos sa halos kalahating araw na trabaho. Pagdating ng alas-tres, umuuwi na ito para maghanda sa pagpasok sa eskuwela.

 

Inabot ng halos isang linggo bago ko nakumbinsi si Nelly na isama ako sa tinitirhan nila. Ang sabi ko ay igo-grocery ko muna sila kaya natuwa at pabirong nagsabi na wala na nga daw silang bigas at kape. Hinahayaan ko siyang rumampa tuwing makatapos naming mag-usap dahil ang sabi ko sa kanya ay interesado lang ako sa buhay niya na gusto kong isulat….subalit hindi natuloy noon. Kilala si Nelly ng kaibigan kong  tin-edyer na taga-Baseco (Tondo) compound na rumarampa rin sa Avenida subalit sinuwerteng maampon ng mag-asawang retirado na taga-Pasay, kaya nag-aaral na ito ngayon at ang kuwento ay  nai-blog ko na rin.

 

Basta mapadaan ako sa Avenida ay dinidiretso ko na lang sa tinitirhan nina Nelly kung ano mang dala ko ang para sa kanila. Alam ng mga kapatid ni Nelly ang ginagawa niya at wala silang magawa dahil noong nagtrabaho ito sa isang restaurant ng Intsik sa Quiapo ay pinagtangkaan itong reypin ng kanyang amo. Nang pumasok naman sa tindahan ng mga damit ay kulang na kulang ang kita nito para sa pangangailangan nila dahil ang suweldo ay 200pesos lang isang araw, kaya sumama na lang sa kaibigang kalapit-kuwarto nila na rumarampa sa Avenida. Dahil nahihiya pa, ibinugaw muna si Nelly ng kaibigan hanggang matuto na siyang mangalabit.

 

Ngayon, kung kaylan nakatapos ng BS Tourism ang kanyang kapatid ay saka nalaman ni Nelly na may sakit siyang AIDS. Nagtatrabaho na ang kapatid niya sa isang hotel sa Roxas Boulevard at ito na ang gumagastos sa bunso. Gumagawa ngayon si Nelly ng mga pulseras na crystal beads upang maibenta sa tabi ng Quiapo Church. Regular din siyang nagpapa-check up. Ikinuwento ko sa kanya ang buhay ni Sarah Jane Salazar ang unang biktima ng AIDS sa Pilipinas na naging kaibigan ko rin. Magkaiba nga lang ang “tema” ng kanilang kuwento dahil si Sarah Jane ay talagang pakawala at nagpabaya sa buhay na walang direksiyon samantalang si Nelly ay may layuning makatulong sa kanyang mga kapatid, at may pangarap sa buhay.

 

36 years old na si Nelly at nagkikita pa rin kami hanggang ngayon. Naisama ko na rin siya sa Tondo upang ipakitang mas marami  ang hirap sa buhay kung ikumpara sa kanilang magkapatid. Ang pinakakaingatan niya ay ang dalawang magasin na kinapapalooban ng mga retrato niyang naka-bikini…naging bold star din kasi siya noong 16 years old pa lang at dahil malaking bulas ay hindi halatang menor-de-edad. Naka-apat na pelikula din siya pero puro second lead lang, at ang bayad daw sa kanya ay 15,000 pesos kada pelikula. Ang malaking bahagi daw ng kita niya ay sa ahente niya napupunta….isang call boy na kabit ng direktor ng mga  pelikula.  Naging addict at patay na ngayon ang call boy na ahente niya.

 

Ang tatay nila ay lasenggo at malakas mag-marijuana at ang nanay daw nila ay alaga ng bugbog nito tuwing malasing. Ang pangarap niya ngayon ay makatapos ang bunso nilang kapatid at kung makapagtrabaho ito ay uuwi siya sa Lucena. Pupunta na lang siya sa Maynila upang patuloy na makakapagpagamot sa isang ospital ng gobyerno na malapit sa Bambang. Ang sakit na HIV-AIDS ni Nelly ay nasa stage na maaari pang maagapan basta walang patlang o tuluy-tuloy ang gamutan.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s