Antonette…Nakadanas Mangalakal at Tumira sa Bangketa, ngayon ay Eskolar sa Kolehiyo

ANTONETTE…NAKADANAS MANGALAKAL AT

TUMIRA SA BANGKETA, NGAYON AY ESKOLAR SA KOLEHIYO

Ni Apolinario Villalobos

 

Si Antonette ay nag-iisang anak ni Minda na nagtitinda ng kape, tinapay at tsitserya sa bangketa malapit sa Sta. Monica St. ng Ermita na nai-blog ko two days ago. Nahiya akong tanungin noong unang nag-usap kami kung single mom si Minda pero mabuti na lang at siya mismo ang nagsabi na maliit pa si Antonette ay namatay na ang tatay nito nang magkita kami uli. Bumalik ako sa puwesto ni Minda upang maghatid ng kumot at ilang gamit. Mabuti rin at napaunlakan ang pakiusap kong makita si Antonette kaya walang kaabug-abog na sindundo siya ni Minda mula sa inuupahan nilang maliit na kuwarto.

 

Sa mabilis na pag-uusap namin ni Antonette, nalaman kong eskolar pala siya, kaya sa isang semester ay mahigit lang ng kaunti sa sampung libong piso lang binabayaran sa Universidad de Manila subalit malaki ang nagagastos pa rin sa mga project at iba pang requirements para sa kurso niyang Business Administration. Ang allowance niya sa isang araw ay 150pesos. Second year na siya at napansin ko ang hawak niyang lumang cellphone na inamin niyang ginagamit niya sa kanyang pag-research. Tulad ng ginagawa ng ibang mga kinakapus na estudyante, naghahanap siya ng libreng wifi site upang makapag-browse. Hindi nila kaya ang bayad sa internet café na ang singil ay hindi bababa sa 30pesos kada oras. Hindi ko na tinanong kung saan galing ang cellphone dahil baka isipin niyang masyado akong maurirat.

 

Nang makiusap ako kung pwede akong sumama sa kanya sa inuupahan nilang kuwarto ay malugod niya akong pinagbigyan. Mula sa puwesto ng nanay niya ay nilakad namin ang di-kalayuang kanto ng Sta. Monica at pumasok kami sa isang maliit na sidestreet. Naalala ko ang mga eskinita sa Baseco compound na pinapasok ko habang binabaybay namin ang eskinitang maputik at sa isang gilid ay mga barung-barong. Akala ko, nang pumasok kami sa isang maliit na pinto, nandoon na ang kuwarto. Ang ground floor ay marami ring maliliit na kuwarto. Pumasok pa kami sa isang maliit na pinto bago itinuro ni Antonette ang butas sa itaas na animo ay manhole lang sa laki. Ito ang “lulusutan” papunta sa “second floor”.

 

Sa tabi ng matarik o halos patayong hagdan papunta sa “second floor” ay may isa pang kuwarto na ang pinakatakip ay kurtina. Hahawiin ko sana out of curiosity kung hindi ko narinig ang, “may tao pa kuya”….CR pala! Unang “lumusot” si Antonette sa butas papunta sa “kuwarto” niya at sumunod ako. Dahil sa kalakihan ko ay halos hindi ako kasya at kinabahan pa ako dahil sa dulas ng matarik na hagdanang gawa lang sa maliliit na pinagtagpi-tagping kahoy.

 

Ang kuwarto ay talagang maliit. Kung ako siguro ang hihiga sa loob ay nakalabas ang mga paa ko sa pinto. Para lang itong malaking cabinet. Walang bintana at ang pinanggagalingan ng hangin ay isang maliit na electric fan.  Ang upa sa kuwarto ay 1,500 pesos isang buwan, libre nga lang ang tubig at ilaw kaya pinagtitiyagaan ng mag-ina. Ang nakakabahala lang ay kung magkaroon ng sunog. Siguradong lahat ng nakatira sa lugar na yon ay masasawi.

 

Nang bumalik ako kay Minda, tinanong ko siya kung bakit wala halos siyang paninda ganoong maaga pa. Wala raw siyang pambili at ayaw pa muna siyang pautangin ng Bombay at nagpaparinig pa daw ito na mahirap maningil kaya dapat ay magbayad pa daw muna siya ng balance. Nag-alala nga daw siya dahil sa sinabi ng anak na aabot na sa mahigit 600pesos ang mga kailangan para sa kanyang mga kailangan sa eskwelahan. Mabuti na lang at hindi ko pa nagastos ang 500pesos na pambili sana ng mga payong kaya inabot ko na muna sa kanya upang magamit nila. Pati ang payong na gamit ko ay iniwan ko kay Antonette dahil wala pala itong payong. Dahil kulang na ang pamasahe ko pauwi sa Cavite, pinagkasya ko ang mga barya hanggang sa Buendia (Pasay) at dahil umuulan ay patakbu-takbo ako upang makarating sa bahay ng isang kaibigan na inutangan ko ng pera para magamit sa pagbili ng mga payong sa Baclaran bago umuwi sa Cavite. Mabuti na lang at inabot ko ang kaibigan kong paalis na sana kung hindi bumagsak ang ulan. Ang mga payong ay para sa mga pinangakuan kong mga estudyante noon pa, at ang iba ay pambenta ng mag-asawang may sanggol na nakilala ko sa Luneta.

 

Babalikan ko sina Minda upang dalhin kay Antonette ang mga gamit na naitabi ko na magagamit niya tulad ng laptop bag dahil ang ginagamit niya ay maliit na backpack lang….

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s