Mga Taong May Mala-Hayop na Ugali

MGA  TAONG MAY MALA-HAYOP NA UGALI

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang tao ay isang uri ng hayop subalit may mataas na antas ng kaalaman, gawi, at ugali. Maliban sa mga may kapansanan sa paa, nakakalakad ito ng tiyeso o diretso ang katawan. Nakakapagsalita din siya sa halip na umungol o paggawa ng iba pang tunog. Higit sa lahat, ang malaki niyang utak ay nagbubunsod sa kanya upang makagawa ng mga desisyon mabuti man o masama.

 

Sa pag-usad ng panahon, ang tao ay nakitaan ng mga ugaling likas lamang sa mga hayop na may mababang uri. At, hindi lang simpleng mga ugali kundi maituturing na mala-halimaw! Ang mga ito ay lumulutang dahil sa pagkagahaman na umaabot sa panlalamang ng kapwa na pagpapakita ng pagiging makasarili.

 

Nandiyan ang mga makikita sa pamahalaang akala mo ay mga buwaya dahil sa ugaling gustong habhabin lahat ng magustuhan lalo na ang pera sa kaban ng bayan. Biro tuloy ng ibang magulang sa mga anak, hindi na raw kailangan pang pumunta sa Mindanao at Palawan dahil sa mga bulwagan lang ng mga mambabatas ay makakakita na nito.

 

Mayroon ding akala mo ay mga aso dahil sa kanilang matamis na ngiting aakalain mong inosente subalit may itinatago palang masamang balakin. May pakawag-kawag pa ng buntot! Para ring mga asong humihimod sa paa ng mga inaakala nilang makakatulong sa kanila upang makaangat sa lahat ng paraan.

 

Hindi rin maiiwasang makakakita ng mga hunyango lalo na sa larangan ng pulitika dahil sa ugali nilang pagpalit ng kulay upang umayon sa kulay ng nanalong presidente. Bentaha ito sa nanalong presidente dahil makukuha niya agad ang majority sa mga kapulungang may kinalaman sa pagbalangkas ng batas. Subalit ang masama lang ay malinaw ang masamang balak ng mga pulitikong ito na masigurong matatag ang pagkakapit nila sa kapangyarihan, at kasama na diyan ang pagpapayaman.

 

May mga taong  ang ugali ay animo sa ulupong….mga traidor. Sila yong hangga’t may mapapakinabangan sa isang kaibigan, bff sila, pero kumukuha lang pala ng tiyempo kung paanong malansi o maloko at mauto ang kaibigan kuno….traidor nga! Nangyari kay Eba ang maakit ng ulupong sa hardin ng Eden, at inakit naman ni Eba si Adan kaya pareho silang gumawa ng kasalanan….ayon sa alamat na nakasaad sa Bibliya. Ganyan ang nangyayari sa kalakalan ng droga…kanya-kanyang traiduran kapang nako-corner na!

 

Ang nakakatuwa ay ang animo mga pusang nalilibugan sa panahon ng kanilang pag-iinit, lalo pa kung kabilugan ng buwan. Kung walang makitang makukubabawan, ngiyaw ng ngiyaw na parang nawawalan ng katinuan ang pag-iisip. Ito ang mga pulitiko na nagmamarunong kaya talak ng talak pero out-of-tune naman dahil sa kagustuhang mapansin lang. Sila ang mga ibinoto ng mga tao dahil sa adbokasiya na wala palang binatbat kaya huli na kahit pa magsisi ang bumoto sa kanila!

 

Hindi dapat kalimutan ang mga animo ay toro….basta na lang nanunuwag dahil gusto yatang magpakita ng tapang pero ampaw naman ang laman ng ulo kung saan nakakabit ang mga sungay. Mayroon nito sa senado ng Pilipinas.

 

Mayroon pang mga animo langaw ang pag-uugali. Dumadagsa sila kung saan ay may pagkain, bulok man o sariwa. Kumpul-kumpol sila sa pagdasa sa mga opisyal o mayayaman upang makinabang ng impluwensiya o pera ng mga ito. Mga mayayabang at ambisyoso din ang mga ito na tumugma sa kasabihan sa Pilipino na….”akala mo ay langaw na nakatuntong sa kalabaw”. Ibig sabihin, nang makatuntong sa likod ng kalabaw ay pilit na hinihigitan pa nila ang nagbigay sa kanila ng “kataasan” o likod na tuntungan!

 

Higit sa lahat ay ang mga linta na ang ginagawa ay sumipsip ng dugo upang mabuhay. Iba naman ang taong nakikitaan ng ganitong ugali dahil ang sinisipsip ay buhay ng mamamayang nagtiwala sa kanila. Marami ang may ganyang ugali na nagpundar ng pera upang mahalal sa puwesto. Sila ang mga linta ng lipunan at bayan!

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s