Ang mga Matulunging Sekyu ng Philippine Statistics Office (PSO) na sina Ronald Caldito at Rodolfo Gauiran

Ang Mga Matulunging Sekyu ng Philippine Statistics Office (PSO)

Na sina Ronald Caldito at Rodolfo Gauiran

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakatagpo tayo ng mga taong matulungin, at hindi lang matulungin kundi nagkukusa o nagboboluntaryo ng kanilang tulong. Sa ganyang sitwasyon ko nakilala si Ronald Caldito ng Commander Security Agency ng PSO sa Quezon City at Rodolfo Gauiran ng Gold Cross Security Agency, na nakatalaga naman sa Roxas Boulevard “Serbilis Center”.

 

Kailangan ko pang magbiyahe mula Cavite upang marating ang PSO sa Quezon City at lalong kailangan kong gumising sa madaling araw upang makaiwas sa trapik. Mali ang akala kong napaaga ako ng dating bandang alas siyete, dahil nakita kong halos puno na ang mainit na “waiting area”. Napansin ko rin na ang ibang kliyente ay may dalang malalaking bag kaya halatang galing pa sa probinsiya. Sa oras na yon ay wala akong nakitang taga-PSO na nasa bukana man lang upang gumabay sa mga kliyente, kundi mga guwardiya ng Commander Security Agency. May natanong akong isa sa kanila kung saan ako dapat pumuwesto batay sa kailangan ko, subalit mali naman ang ibinigay na direksyon. Sa halip na ituro ang tamang daan patungo sa bahaging nasa “likuran”  ay basta na lang ako itinuro sa isang direksiyon na nang tumbukin ko ay comfort room pala. Mabuti na lang at sumilip pa ako sa bandang likuran at doon ay may nakita akong isang maliit na parang waiting area. Dahil may mga nakaupo na, nakiupo na rin ako.

 

Nang magsimulang magdatingan ang mga empleyado, lahat sila ay may “straight face” o yong seryoso, pero kung kapwa empleyado ang masalubong ay nagtatawanan pa….walang nakangiti kung tumingin sa mga naghihintay na palatandaan sanang pwede silang matanong man lang. Kung hindi pa dumating ang isang security guard na si Ronald Caldito ay hindi ko pa nalamang ang natagpuan kong waiting area ay siyang pakay ko pala. Siya rin ang gumabay para sa tamang pagpila dahil first-come-first served ang patakaran. Maraming mga padaan-daang mga empleyado pero wala man lang ni isang nagkusa na magtanong o maski ngumiti sa mga kliyente upang mapawi ang agam-agam tungkol sa kahirapan sa pagkuha ng kailangang certificate.

 

Nang lumapit ako sa Public Assistance and Complaints Desk, ang simpleng pakiusap ko na baka pwedeng i-check sa computer ang impormasyong kailangan ko upang makapag-file ng angkop na form ay hindi pinakinggan ganoong may computer naman akong natatanaw sa loob. Ang paulit-ulit na sinabi sa akin ay mag-file daw talaga ng form itinuro ako sa lugar na dinagsaan ng mga taong nagpi-fill upa ng forms. Ang inisip ko, ay bakit kailangang gawin ko yon kung sa ilang minuto lang naman ay masasagot na ang katanungan ko upang tamang form ang mai-file ko? Nagtimpi na lang ako kahit alam kong may mali sa sistema nila na pasikut-sikot.

 

Ang sistema pala nila ay dapat may isang form na pipil-apan muna ng mga impormasyon at isa-submit sa isang pinipilahang counter upang ma-check sa computer kung may record sila batay sa mga ibinigay na impormasyon. Babalikan mo pa ang resulta sa susunod na araw para malaman ang resulta. Kung negative, pipil-ap na naman ng isang form para sa ii-isyung certificate of no record. Kung positive, pipil-ap pa rin ng isang form para sa ii-isyung certificate na may record. Kung alin man sa mga certificate ang maisyu, magbabayad ang humihingi na inabala ng “madugo” nilang sistema. Umalis na lang ako.

 

Dahil sa naging problema ko sa central office ng PSO sa Quezon City, sinubukan ko ang maliit na branch sa Roxas Boulevard na ang Public Assistance Desk employee ay nakangiti pang tumulong sa akin gamit ang computer niya kaya nai-file ko agad ang tamang form. Ito ang ni-request kong assistance sa head office (Quezon City) na hindi pinagbigyan.  Ang napansin ko pang malaking kaibahan ng serbisyo nila, sa Roxas Boulevard, bago pa lang mag-alas otso, ang mga tao ay pinapapasok na sa aircon na waiting area upang papilang makaupo at binibigyan pa ng instruction ng mga matulunging security guards, bagay na hindi ginagawa sa mismong central office sa Quezon City. Doon ay pinapahintay pa ang mga kliyente ng alas otso bago sabihang pumunta sa isang hindi aircon na bahagi pa rin kung saan matatagpuan ang mga forms, kaya nagmumukha silang kawawa sa pakikipag-agawan habang tinitingnan ng mga security guards. Ito ay sa kabila ng matagal na nilang paghintay sa mainit na waiting area bago pa man mag-alas otso. Tipak-tipak tuloy ang mga nagtitinda ng kape at sandwich sa labas lang ng gate.

 

Sa Roxas Boulevard PSO ay napansin ko rin ang pagiging matulungin ng mga security guards na pinangangasiwaan ni Rodolfo Gauiran. Talo pa nila ang mismong mga empleyado ng PSO dahil pati natutuklap sa pagkakadikit na mga posters ay inaayos nila. Ang mga assigned sa releasing section ay may kusa rin dahil nang humingi ako ng tulong sa isang security guard upang ipa-check ang nai-file ko makalipas ang mahigit dalawang oras na siyang takda ng release, ay dali-daling lumapit ito sa counter upang magtanong. Kasama pala ako sa isang batch na natawag na pero ang ginamit sa pagtawag ay pangalan ng namatay na hinihingan ko ng record pero wala sila, kaya certificate of no record ang binayaran ko. Hindi pangalan ko na siyang nag-request at buhay na buhay ang tinawag.  Inakala ko tuloy na ka-apelyido ko lang ang tinawag! Kung hindi dahil sa matulunging security guard na nakalimutan ko ang pangalan ay malamang na na-bagoong ako sa releasing section!

 

Iyan ang Philippine Statistics Office na nangangailangan ng MALAKING PAGBABAGO!

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s