Ang Isang Araw sa Buhay ni Duday

Ang Isang Araw sa Buhay ni Duday

Ni Apolinario Villalobos

 

Nabanggit ko na noon sa naunang blog kung paanong sa gulang na 9 na taon ay ipinuslit si Duday mula sa Negros, sa pamamagitan ng “pag-empake” sa kanya sa isang karton upang maisakay sa barko at hindi masita ang recruiter. Nabanggit ko rin noon kung paano siyang ikinulong sa kulungan ng asong pit bull ng malupit niyang amo dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa mga makabagong gamit, ay nasira niya ang rice cooker. At, sa loob ng dalawang linggo ay nadanasan niyang kumain ng dog food dahil isang beses lang sa isang araw kung siya ay bigyan ng pagkain. Upang makumpleto ang maiikling yugto ng kanyang buhay ay binanggit ko rin kung paano siyang pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang amo na parang isag gamit, at ang pinakasukdulan ng kanyang pagdurusa ay nang lokohin siya ng isang kaibigan na nagtangay ng pinaghirarapan niyang pera na mahigit sampung libong piso.

 

Ngayon, inaamin ni Duday na halos hindi na niya matandaan ang mga mukha ng mga kaanak sa Negros. Ganoon pa man, sa halip na ituon ang isip sa mga nakaraang problema ay pamilya niya ang kanyang pinagkakaabalahan ngayon kaya upang makatulong sa asawa ay tumanggap ng labada mula sa mga taong nagtiwala sa kanya (hindi ko nabanggit sa unang blog), hanggang sa maisipan niyang magbenta ng ulam at mga pagkaing bata (tsitseryang piso ang isang balot) sa tindahan niya nasa labas lang ng kanilang tirahan. Sa ganitong paraan ay hindi na niya naiiwan ang mga anak. Ang tindahan ni Duday ay “nakasandal” sa firewall ng gusaling may mga paupahang kuwarto, na pag-aari ng taong nagmagandang loob sa kanila na nagbigay ng libreng tirahan, at ang kapalit ay ang pagbantay nila sa nasabing gusali.

 

Apat ang anak ni Duday, may mga gulang na 9 hanggang 5 taon kaya upang makapamili sa palengke ng mga gagamitin sa tindahan, umaalis siya sa madaling araw, 4:00 AM,  upang pag-uwi niya bandang 5:30 AM, ay nakakapaghanda pa siya ng almusal ng kanyang mga anak. Kung minsan ay nakakatulong ang kanyang asawa sa pag-asikaso ng mga bata kung hindi pa ito nakakaalis ng bahay upang pumasok sa trabaho.

 

Pagkagaling sa palengke ay nililinis na muna niya at inihahanda ang mga iluluto. Paggising ng mga bata ay nakahanda na ang almusal na kape at tinapay lang naman. Habang kumakain ang mga bata ay ilalabas naman niya ang apat na mahahabang yerong luma at kalawangin upang isandal sa bubong bilang harang sa init at sikat ng araw lalo na sa tanghali hanggang hapon. Kung may palalambuting iluluto tulad ng butu-buto ng baka, ito ang una niyang isinasalang sa lutuang kahoy ang panggatong. Isusunod niya ang iba pang madaling iluto, pati na ang isasaing na bigas. Habang may nakasalang, ay ilalabas naman niya ang mga pagkaing bata upang isabit – ilang piraso lang naman.

 

Pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong oras ay tapos na niyang iluto ang mga ulam kaya maaari nang i-display sa kanyang tindahan. Nananatiling bukas ang kanyang maliit na tindahan hanggang alas otso ng gabi upang makapagbenta man lang ng kape sa mga kapitbahay. Sa madaling salita, ang isang araw ni Duday ay nagsisimula sa madaling araw hanggang alas otso ng gabi. At sa “pagsara” niya ng tindahan ay hahakutin uli niya ang mahahabang yero sa loob ng compound upang hindi manakaw….mag-isa niya itong ginagawa kung wala ang kanyang asawa.

 

Ang tanong ko sa mga misis na reklamador sa kabila ng pagkakaroon ng mapagmahal na mister at masaganang daloy ng pera mula sa ATM tuwing araw ng suweldo niya….kaya ba ninyo ang ginagawa ni Duday? Kung hindi, mag-sorry kayo sa mister ninyong madalas ninyong awayin dahil sa madalas niyang pag-overtime o dahil hindi kayo naibili ng mamahaling alahas na ginto sa araw ng inyong bertdey!

 

Ang isa pang leksiyon sa kuwento ng buhay ni Duday…. magpasalamat tayo kahit sa katiting na biyaya lalo na ang pagkaroon ng magandang kalusugan upang ma-enjoy natin ang buhay sa mundo. Magpasalamat ang mga hindi niresetahan ng mga gamot para sa iba’t ibang sakit, at para sa “maintenance” ng kalusugan. Hindi ko na isa-suggest na mag-share ng pera ang may sobra-sobra nito dahil alam kong sasama lang ang loob nila at baka mag-comment lang ng, “bahala sila sa buhay nila”, kaya sasama naman ang loob ko.

 

At higit sa lahat……huwag humingi ng limpak-limpak na salapi kay Lord sa pamamagitan ng dasal at baka kung mainis Siya ay kidlat ang ipatama sa makukulit na mukhang pera habang nagdadasal sa loob ng mga katedral! Sa dami ng mga mukhang pera ngayong nagdadagsaan sa mga katedral upang humingi ng pera kay Lord, siguradong mawawasak ang mga katedral kapag sabay na tumama ang mga kidlat!

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s