Ang Kasuwapangan (Greed)

Ang Kasuwapangan (Greed)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang kasuwapangan ng tao ay umiral na bago pa man ang panahon ng Bibliya. Ang kasuwapangan ng mga tao noon ay nagbunsod sa kanila upang mangamkam ng lupain ng iba na umabot sa mga digmaan sa pagitan ng mga lahi. Pati ang pamimirata (piracy) ay umiral din sa mga bahagi ng Mediterranean, Africa, at  Europe. Ang ganitong uri ng kasuwapangan ay umiiral pa rin ngayon kaya mayroong kaguluhang nagaganap sa West Philippine Sea o South China Sea, pati na kidnap-for-ransom na hindi lang din nangyayari sa Mindanao kundi pati sa ibang bahagi ng Africa at South America.

 

Marami pang uri ng kasuwapangan ang umiiral sa mundo tulad ng mga sumusunod:

 

  • Kasuwapangan sa kaalaman. Ito ay umaabot sa pagnakaw ng kaalaman ng iba

na kung tawagin ay “plagiarism”. Ginagawa ito upang magkaroon ng diplomang hindi

pinaghirapan dahil ang mga ipinasang thesis ay kinopya lamang sa internet. Ang isa pang paraan ay pangongopya tuwing may exam dahil sa katamarang mag-aral kaya inasahan ang pinag-aralan ng iba na ang katumbas ay pera o goodtime o pagkain o pakikipagkaibigan. Ginagawa din itong pangongopya ng ilang propersyonal na manunulat upang magpa-impress sa mga mambabasa nila, o di kaya ay ng ilang mga pulitiko na ang mga kinopya ay ginagamit naman sa talumpati nila upang palabasing sila ay “matalino”. At lalong ginagawa ito ng ilang tao na ang gusto ay magkaroon ng “Masteral” o “Doctoral” pero ayaw magpakahirap.

 

  • Kasuwapangan sa karangalan. Nangyayari ito sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho. May mga supervisor o manager sa opisina na inaako ang pinaghirapang “project study” na ginawa ng isang empleyado nila. Kahit pa sabihing kasama ang paggawa ng “project study” sa trabaho ng empleyado, dapat ay may katumbas itong dagdag sa suweldo o “commendation” man lang kung nagkaroon ng magandang resulta. Ang problema, kapag binigyan kasi ng dagdag sa suweldo o “commendation” ang naghirap na empleyado, dapat ay may dahilan, at ito ang ayaw na mangyayari ng supervisor o manager dahil gusto niyang ipabatid sa nakakataas pang amo sa opisina na siya ang gumawa ng “project study” kaya nagtagumpay sila.

 

  • Kasuwapangan ng kaibigan at kamag-anak. May mga kaibigan na ang gusto ay sila lang dapat tulungan ng mga nakakaluwag na mga kaibigan. Nagagalit sila o nagtatampo kapag nalamang may ibang tinulungan ang kanilang kaibigan. Ganito rin ang ugali ng ilang kamag-anak dahil kapag may nabalitaang tinulungan ang kamag-anak nila lalo na ibang tao ay nagagalit at nagsasabi agad ng, “mabuti pa ang ibang tao naalala, pero kami na kadugo ay hindi”. Ang isa pang malimit iparinig ng mga gahamang ito ay, “bakit sila lang?….ako, wala?” Sa totoo lang, may mga kaibigan at kamag-anak na mahilig umasa sa iba kahit na hindi naman nila kailangan ang tulong. Dahil sa ugaling nabanggit, ayaw nilang magsikap at itong ugali ang masama, hindi ang pagtulong ng nakakaluwag sa “talagang nangangailangan”.

 

  • Kasuwapangan sa physical na attention at karnal na pagnanasa. May pagkasekswal ito dahil nagreresulta sa selos sa pagitan ng mag-asawa na umaabot sa patayan. At, kung minsan ang mga walang malay na naging bunga ng pagkakasala (anak o mga anak) ay nadadamay. Sa isang banda, may kasalanan din ang isa sa mag-asawa na hindi nakapagkontrol ng kanyang kalibugan o pagnanasa kaya nagpadala sa damdamin hanggangan tuluyan siyang magtampisaw sa batis ng kasalanan. Nangyayari din ito sa mga magsyota pa lang na ang iba’y may ugaling kahit sa public area tulad ng Rizal park o bus stop ay naglalampungan….nagbabakasakali sigurong may maka-discover sa kanila upang lumabas sa independent film tungkol sa kalibugan!

 

  • Kasuwapangan sa pera dahil sa kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit mismong mga magulang ang nagtutulak sa mga menor de edad na anak nila upang lumabas sa “cyber sex”, o di kaya ay magbugaw sa mga foreigner. Ito rin ang dahilan kung bakit 7:00AM pa lang ay may nakaistambay nang mga babae sa Avenida upang magpa-short time. Sila ang mga suwapang na ang gusto ay kumita sa pamamagitan ng “sales talk” at paghiga.

 

  • Kasuwapangan sa pera dahil nilukuban na ng demonyo ang buong katauhan. Ito ang makikita sa mga drug lord, mga drug pusher, at mga gun-for-hire na hindi alintana ang perhuwisyong dulot ng kanilang mga gawain.

 

  • Kasuwapangan ng mga pinagkatiwalaang opisyal ng gobyerno. Ito ang kasuwapangan ng mga ibinotong mga opisyal ng bayan na may kakambal pang isang kasalanan – ang pagsira sa tiwala. Bukod sa “sinuwapang” na nila ang pera ng bayan, sinira pa ng mga sagad-butong mangangamkam na mga opisyal na ito ang tiwalang ibinigay sa kanila ng mga kababayan nila.

 

  • Kasuwapangan sa halaga ng botong piso-piso. Ito ang kasuwapangan ng mga taong nagbebenta ng kanilang boto sa maliit na halaga pero ang katumbas ay pagdurusa kapag naupo na ang bumili ng kanilang boto at nangamkam sa kaban ng bayan upang maibalik ang ginastos nila sa pagbili ng mga boto, na kung tawagin ay “payback time”.

 

Hindi nawawala ang kasuwapangan sa buhay ng tao, subalit nagkakaiba sa tindi, antas o “degree”. Pati ako na nagsusulat nito ay umaaming may kasuwapangan din – sa gulay, prutas, tuyo, bagoong, panahon sa pamamasyal at pagsusulat, etc.  Mabuti na ito kaysa naman sa kasuwapangan sa salapi na idinadaan pa ng iba sa dasal kay Lord….isang napakarumal-dumal na pagnanasa!

 

 

 

Ang Isang Araw sa Buhay ni Duday

Ang Isang Araw sa Buhay ni Duday

Ni Apolinario Villalobos

 

Nabanggit ko na noon sa naunang blog kung paanong sa gulang na 9 na taon ay ipinuslit si Duday mula sa Negros, sa pamamagitan ng “pag-empake” sa kanya sa isang karton upang maisakay sa barko at hindi masita ang recruiter. Nabanggit ko rin noon kung paano siyang ikinulong sa kulungan ng asong pit bull ng malupit niyang amo dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa mga makabagong gamit, ay nasira niya ang rice cooker. At, sa loob ng dalawang linggo ay nadanasan niyang kumain ng dog food dahil isang beses lang sa isang araw kung siya ay bigyan ng pagkain. Upang makumpleto ang maiikling yugto ng kanyang buhay ay binanggit ko rin kung paano siyang pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang amo na parang isag gamit, at ang pinakasukdulan ng kanyang pagdurusa ay nang lokohin siya ng isang kaibigan na nagtangay ng pinaghirarapan niyang pera na mahigit sampung libong piso.

 

Ngayon, inaamin ni Duday na halos hindi na niya matandaan ang mga mukha ng mga kaanak sa Negros. Ganoon pa man, sa halip na ituon ang isip sa mga nakaraang problema ay pamilya niya ang kanyang pinagkakaabalahan ngayon kaya upang makatulong sa asawa ay tumanggap ng labada mula sa mga taong nagtiwala sa kanya (hindi ko nabanggit sa unang blog), hanggang sa maisipan niyang magbenta ng ulam at mga pagkaing bata (tsitseryang piso ang isang balot) sa tindahan niya nasa labas lang ng kanilang tirahan. Sa ganitong paraan ay hindi na niya naiiwan ang mga anak. Ang tindahan ni Duday ay “nakasandal” sa firewall ng gusaling may mga paupahang kuwarto, na pag-aari ng taong nagmagandang loob sa kanila na nagbigay ng libreng tirahan, at ang kapalit ay ang pagbantay nila sa nasabing gusali.

 

Apat ang anak ni Duday, may mga gulang na 9 hanggang 5 taon kaya upang makapamili sa palengke ng mga gagamitin sa tindahan, umaalis siya sa madaling araw, 4:00 AM,  upang pag-uwi niya bandang 5:30 AM, ay nakakapaghanda pa siya ng almusal ng kanyang mga anak. Kung minsan ay nakakatulong ang kanyang asawa sa pag-asikaso ng mga bata kung hindi pa ito nakakaalis ng bahay upang pumasok sa trabaho.

 

Pagkagaling sa palengke ay nililinis na muna niya at inihahanda ang mga iluluto. Paggising ng mga bata ay nakahanda na ang almusal na kape at tinapay lang naman. Habang kumakain ang mga bata ay ilalabas naman niya ang apat na mahahabang yerong luma at kalawangin upang isandal sa bubong bilang harang sa init at sikat ng araw lalo na sa tanghali hanggang hapon. Kung may palalambuting iluluto tulad ng butu-buto ng baka, ito ang una niyang isinasalang sa lutuang kahoy ang panggatong. Isusunod niya ang iba pang madaling iluto, pati na ang isasaing na bigas. Habang may nakasalang, ay ilalabas naman niya ang mga pagkaing bata upang isabit – ilang piraso lang naman.

 

Pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong oras ay tapos na niyang iluto ang mga ulam kaya maaari nang i-display sa kanyang tindahan. Nananatiling bukas ang kanyang maliit na tindahan hanggang alas otso ng gabi upang makapagbenta man lang ng kape sa mga kapitbahay. Sa madaling salita, ang isang araw ni Duday ay nagsisimula sa madaling araw hanggang alas otso ng gabi. At sa “pagsara” niya ng tindahan ay hahakutin uli niya ang mahahabang yero sa loob ng compound upang hindi manakaw….mag-isa niya itong ginagawa kung wala ang kanyang asawa.

 

Ang tanong ko sa mga misis na reklamador sa kabila ng pagkakaroon ng mapagmahal na mister at masaganang daloy ng pera mula sa ATM tuwing araw ng suweldo niya….kaya ba ninyo ang ginagawa ni Duday? Kung hindi, mag-sorry kayo sa mister ninyong madalas ninyong awayin dahil sa madalas niyang pag-overtime o dahil hindi kayo naibili ng mamahaling alahas na ginto sa araw ng inyong bertdey!

 

Ang isa pang leksiyon sa kuwento ng buhay ni Duday…. magpasalamat tayo kahit sa katiting na biyaya lalo na ang pagkaroon ng magandang kalusugan upang ma-enjoy natin ang buhay sa mundo. Magpasalamat ang mga hindi niresetahan ng mga gamot para sa iba’t ibang sakit, at para sa “maintenance” ng kalusugan. Hindi ko na isa-suggest na mag-share ng pera ang may sobra-sobra nito dahil alam kong sasama lang ang loob nila at baka mag-comment lang ng, “bahala sila sa buhay nila”, kaya sasama naman ang loob ko.

 

At higit sa lahat……huwag humingi ng limpak-limpak na salapi kay Lord sa pamamagitan ng dasal at baka kung mainis Siya ay kidlat ang ipatama sa makukulit na mukhang pera habang nagdadasal sa loob ng mga katedral! Sa dami ng mga mukhang pera ngayong nagdadagsaan sa mga katedral upang humingi ng pera kay Lord, siguradong mawawasak ang mga katedral kapag sabay na tumama ang mga kidlat!