Dasal ng Mga Kuntentong Tao
Ni Apolinario Villalobos
Lord, salamat sa lahat na ibinigay mong biyaya.
Ok na sa amin kung araw-araw, ulam namin ay tuyo
Naawa nga kami sa ibang walang laman ang kaldero.
Ok na sa amin kahit ang sinasaing ay NFA rice
Naawa nga kami sa ibang araw-araw, pagkai’y “memo-rice”.
Ok na sa amin ang sardinas, ginisa sa maraming miswa’t sibuyas
Naawa nga kami sa ibang araw-araw, gutom ang dinaranas.
Ok na sa amin, dinurog na kaning tutong na pinalambot
Naawa nga kami sa iba, sa sobrang gutom, noo’y napapakunot.
Ok na sa amin, pamatid -uhaw na tubig kahit walang yelo
Naawa nga kami sa ibang walang mainom, nakatingin sa inudoro.
Ok na sa amin, manipis na banig sa malamig na semento
Naawa nga kami sa ibang animo’y basang sisiw sa ulan at bagyo.
Ok na sa amin, celfon na luma kaya’t memory card ay wala
Naawa nga kami sa iba, maski lumang PLDT fone, di pa nakakita.
Ok na sa amin, sapatos walang sintas, napulot sa tambakan
Naawa nga kami sa ibang walang saplot sa paa, kaya epot, naaapakan.
Ok na sa amin damit na pinaglumaan, kahit ba galing pa sa ukayan
Naawa nga kami sa iba, suot na t-shirt ay gulanit, animo galing sa digmaan.
Ok na sa amin maglakad paminsan-minsan, sa dyip walang pamasahe
Naawa nga kami sa iba, araw-araw na lang, nagha-hiking sa kalye.
Ok na sa amin maski walang tv, radio na lang, basta makarinig ng balita
Naawa nga kami sa iba, sa kawalan nakangiti, dahil walang silbi ang mga tenga.
Ok na sa aming makinood ng nakadispley na tv sa mall at mga tindahan nito
Naawa nga kami sa iba, pakapa-kapa kung kumilos, walang maaninag sa mundo.
Ok na sa amin, kulang ang bakod sa bunganga, maraming nalagas na ngipin
Naawa nga kami sa iba, may kanser sa lalamunan, hindi makakain.
Ok na sa amin asawang bungangera, animo machine gun, boses sa umaga
Naawa nga kami sa iba, asawa’y walang alam iluto, nilagang itlog,sunog pa.
Ok na sa amin, asawang lasenggo ay sugarol pa, kung minsan may chicks pa
Naawa nga kami sa iba, inuuwian lamang upang deposituhan ng semelya.
Lord, salamat uli sa mga biyayang bigay Mo
At sa paminsan-minsang pitik upang kami ay magising
Sa katotohanang, para sa Iyo kami ay pantay-pantay
Kaya walang dahilan para mag-astang aso’t pusang nag-aaway!
Yong ibang blessings, okey lang na sa iba Mo ibigay, Lord…
Amen!
Tama talaga iyong kasabihan na imbes na mag-reklamo, mas maiging gawin ang “count your blessings.”
LikeLiked by 1 person
yes…naniniwala talaga ako diyan sa “count your blessings”…
LikeLike