Ang Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba

Ang Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pinakamahirap gawin ng isang tao lalo na ang may masyadong bilib sa sarili ay ang magpaubaya at magpakumbaba. Hindi matanggap ng isang taong masyado ang pagkabilib sa sarili ang basta na lang yumuko sa ugali o kagustuhan ng iba, lalo na kung pareho sila ng ugali. Sa ganitong pagkakataon, ang panalo sana ay ang taong magpapaubaya at magpapakumbaba, dahil lalabas na mas malawak ang kanyang pananaw. Ang girian na nangyari dahil lamang sa tinatawag na pride o pagkabilib sa mga sarili nila ay walang katapusan, hangga’t walang yumuko. Sa mata ng ibang tao, lalo na ng Diyos,  ang gagawa nito ay nakakabilib. Sa pagkatanggal ng galit sa kanyang dibdib, para na rin siyang natanggalan ng tinik at bigat sa kanyang balikat, dahil nawala ang inaalala niyang hidwaan na para sa kanya ay tapos na. Kadalasan, ang hindi yumuko ay nakokonsiyensiya pa!

 

May mga pagkakataong ang girian ay sa pagitan ng mag-asawa. Dahil sa tradisyong hindi dapat sinasaktan ang babae, ang dapat na magpaubaya ay ang asawang lalaki. Umiwas na lang hanggang lumamig ang ulo ng asawa niya. Kung sa pagitan ng magulang at anak, dapat lawakan pa ng magulang ang pang-unawa at pagpasensiya. Dapat niyang isipin na kung maaga niyang dinisiplina ang anak, hindi ito magkakaroon ng ugaling barumbado. Dapat aminin ng magulang ang kapabayaang ito na pagsisihan man niya ay huli na. Ang ganyang kaisipan ang dapat magpakalma sa kanya – isang kaisipang may pagsisisi. Hindi naman bulag ang Diyos para hindi makita ang ginagawa niya – yan na lang ang konsuwelo niya.

 

Walang masama sa pagiging mapagpaubaya basta ang pinagbigyan nito ay hindi naman abusado. May iba kasing tao, lalo na mga magulang, na maipakita lang ang kanilang poder o kapangyarihan, ay hindi pinagbibigyan ang hiling ng anak kahit nasa ayos naman. Palagi lang sana nilang paalalahanan ang anak na bilang mga magulang, hindi sila nagkulang, upang pagdating ng panahon hindi sila masumbatan o makonsiyensiya sa pag-isip na nagkamali sila sa pagpalaki ng kanilang anak.

 

Madaling sabihin subali’t mahirap gawin…yan ang siguradong reaksiyon sa sinulat na ito. Subali’t sa ibabaw ng mundo, wala namang imposibleng gawin. Dapat lang alalahanin na kung ipipilit gawin ang isang bagay, may paraan palagi. Ang balakid lang dito ay ang “pride” o masyadong pagkabilib sa sarili.

Dasal ng mga Kuntentong Tao

Dasal ng Mga Kuntentong   Tao

Ni   Apolinario   Villalobos

 

Lord, salamat sa lahat na ibinigay mong biyaya.

 

Ok na sa amin kung araw-araw,  ulam namin ay  tuyo

Naawa nga kami sa  ibang walang laman ang kaldero.

 

Ok na sa amin  kahit ang sinasaing ay NFA rice

Naawa nga kami  sa ibang araw-araw,  pagkai’y “memo-rice”.

 

Ok na sa amin ang sardinas, ginisa sa maraming miswa’t sibuyas

Naawa nga kami sa ibang araw-araw, gutom ang dinaranas.

 

Ok na sa amin, dinurog na kaning tutong na pinalambot

Naawa nga kami sa iba, sa sobrang gutom, noo’y napapakunot.

 

Ok na sa amin, pamatid -uhaw na tubig kahit walang yelo

Naawa nga kami sa ibang walang mainom,   nakatingin sa inudoro.

 

Ok na sa amin,  manipis na banig sa malamig na semento

Naawa nga kami sa  ibang animo’y  basang  sisiw sa ulan at bagyo.

 

Ok na sa amin,  celfon na luma kaya’t memory card ay wala

Naawa nga kami sa iba, maski lumang PLDT fone, di pa nakakita.

 

Ok na sa amin,  sapatos walang sintas, napulot sa tambakan

Naawa nga kami sa ibang walang saplot sa paa, kaya epot, naaapakan.

 

Ok na sa amin damit na pinaglumaan, kahit ba galing pa sa ukayan

Naawa nga kami sa iba, suot na t-shirt ay gulanit, animo galing sa digmaan.

 

Ok na sa amin maglakad paminsan-minsan, sa dyip walang pamasahe

Naawa nga kami sa iba, araw-araw na lang,  nagha-hiking sa kalye.

 

Ok na sa amin maski walang tv,  radio na lang, basta makarinig ng balita

Naawa nga kami sa iba,  sa kawalan nakangiti, dahil walang silbi ang mga tenga.

 

Ok na sa  aming makinood ng nakadispley na tv sa mall at mga tindahan  nito

Naawa nga kami sa iba, pakapa-kapa kung kumilos, walang maaninag sa mundo.

 

Ok na sa amin,  kulang ang bakod sa  bunganga, maraming nalagas na ngipin

Naawa nga kami sa iba, may kanser sa lalamunan, hindi makakain.

 

Ok na sa amin asawang bungangera, animo machine gun, boses sa umaga

Naawa  nga kami sa iba,  asawa’y walang alam iluto, nilagang itlog,sunog  pa.

 

Ok na sa amin,  asawang lasenggo ay sugarol pa, kung minsan may chicks  pa

Naawa nga kami sa iba, inuuwian lamang upang deposituhan ng semelya.

 

Lord, salamat uli sa  mga biyayang bigay  Mo

At sa  paminsan-minsang  pitik upang kami ay magising

Sa katotohanang, para sa Iyo kami ay pantay-pantay

Kaya walang dahilan para mag-astang aso’t pusang nag-aaway!

 

Yong ibang blessings, okey lang na sa iba Mo ibigay, Lord…

Amen!