Nagtutulungan Dapat ang mga Magulang at Guro sa Pag-agapay sa Batang Nag-aaral

Nagtutulungan Dapat ang Mga Magulang

At Guro sa Pag-agapay sa Batang Nag-aaral

Ni Apolinario Villalobos

 

Kadalasang maririnig sa magulang ng isang batang nag-aaral at nakitaan ng magaspang na ugali sa bahay ang, “yan ba ang itinuturo sa iyo ng titser mo?”. At ang titser namang taklesa o walang preno ang bibig ay nadudulas sa pagsabi sa batang sutil sa klasrum ng, “ganyan din siguro ang ginagawa mo sa inyo at hindi ka sinisita ng magulang mo!”

 

Kung may makitang hindi maganda sa isang batang nag-aaral, ang magulang at titser nito ay parehong may tungkulin sa pag-agapay o pag-alalay sa kanya upang mahubog nang maayos ang kanyang pagkatao habang lumalaki. Hindi sila dapat nagbabatuhan ng sisi. Dapat alalahaning magkaiba ang sitwasyon sa tahanan at sa paaralan kaya ang uri ng kanilang paghubog ay nagkakaiba rin, subalit may iisang layunin tungo sa kabutihan ng bata.

 

Ang mahirap lang ay kung ang mismong magulang ng bata ay wala man lang inilalaang panahon para sa anak dahil baka ni hindi man lang ito maipaghanda ng maayos na pagkain bago pumasok o di kaya ay mapaalalahanang magpakabait sa paaralan. Ganoong problema din ang kakaharapin ng bata kung ang titser niya ay hindi man lang makakapagparamdam ng pagiging “pangalawang magulang” sa labas ng tahanan. May ilang titser kasi na bukod sa malupit na sa mga bata ay halos nakatuon ang pansin sa mga oras ng recess, tanghali, at uwian.

 

May patakaran ngayon ang mga paaralan na dapat ay magulang o nakakatandang kapatid ang kumuha ng card ng batang nag-aaral, kaya sana ay gamitin ang pagkakataong ito upang maiparating ng mga guro ang mga hindi pangkaraniwang napansin nila sa bata. Ang problema lang ay kung sobra ang dami ng mga mag-aaral kaya hindi posible ang sinasabing “one on one” na pag-uusap ng guro at magulang. Subalit may kasabihan na kung kinakailangan ay may magagawang paraan, at diyan masusukat ang katapatan ng isang guro sa kanyang layunin, ganoon din ang magulang na nagbigay ng buhay sa bata na hindi naman humiling na siya ay iluwal.

 

 

Walang Silbi ang Special Lanes sa Manila

Walang Silbi ang Special Lanes sa Manila

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi na naman nag-isip ang mga ahensiya na naglunsad ng “road sharing project” sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Masabi lang na may inilunsad na proyekto na pampapogi ay sige na lang sila nang sige para makakuha ng media exposure. Sa paglunsad ng proyekto, may inilagay silang mga plastic barrier para ipakita ang bahagi ng highway na inilaan sa mga nagbibisikleta, nag-posing ang mga matatakaw sa kodakan na mga opisyal, at kinabukasan, wala na ang mga plastic barrier kaya balik na naman sa dating pagmamanehong pabara-bara ang mga walang disiplinang motorista – nawala na ang bahagi para sa mga nagbibisekleta!

 

Mismong mga grupo ng mga nagbibisekleta ay hindi gusto ang paglaan ng bicycle lane sa gitna ng kalsada dahil alam nilang hindi rin ito rerespetuhin ng mga motorista kaya malalagay lang sa alanganin ang buhay nila. Ang gusto nila ay isang bahagi sa labas ng kalsada – kung hindi man makipag-share sa pedestrian lane, ay isang hiwalay na lane pero katabi lang din ng pedestrian lane.

 

Kung ang yellow lane nga lang para sa mga bus ay binabale-wala dahil mismong mga bus ay lumalabas dito at ito ay pinapasukan din ng mga kotse…. paano pang aasahan ang pakikipag-“share” ng main road sa mga nagbibisekleta? Ang kasukdulan ng kawalan ng disiplina ng mga motorista sa Maynila ay ang pag-alis nila kung minsan ng mga plastic barrier na inilalagay ng MMDA upang mapaayos ang daloy ng trapiko. Pakirimdam ng karamihan ng mga motorista sa Maynila ay pagmamay-ari nila ang mga kalsada kaya ang pag-aagawan ay humahantong kung minsan sa paluan ng tubong bakal at barilan. Dahil diyan, hindi nakapagtataka kung ang ibang mga drayber ng dyip at bus ay mgay baon na tubong bakal at ang mga pribadong motorista naman ay may baon namang baril bilang proteksiyon daw.

 

Naglagay din ng mga “yellow boxes” sa mga intersection ng malalaking kalsada subalit hindi rin ito nirerespeto ng mga motorista. Sa labas ng box na ito dapat huminto ang mga motorista at ang abutin ng pagtigil o “stop” sa loob, ay dapat may penalty, subalit wala ring nangyari sa patakarang ito dahil hindi sinusunod. Marami pa rin ang humahabol sa pagpalit ng kulay ng traffic lights. Sa gabi naman kung kaylan ay wala nang mga traffic enforcer, kanya-kanya din ng diskarte ang mga motrista na hindi sumusunod sa traffic lights.

 

Hindi dapat isisi lang sa dami ng mga sasakyan ang mala-impiyernong trapik sa Maynila. Kung may disiplina lang ang lahat ng motorista, maiiwasan sana ang PAGKABUHUL-BUHOL (entanglement) ng trapiko. Maganda na sanang kahit mabagal ay tuloy lang ang pag-usad ng mga sasakyan kaysa naman tumigil dahil may mga motoristang hindi nagbigayan kaya nagkaroon ng BUHOL ang trapiko, lalo na kung ito ay nagreresulta sa banggaan!