Masarap Sana, Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Masarap Sana,  Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Ni Apolinario Villalobos

 

Masarap sana ang mabuhay sa mundo, kung hindi magulo at walang mga kalituhan. Dahil ito sa likas na ugali ng taong mapanlamang, mapag-imbot, at maramot na kadalasang  tumatalo sa mga mabubuting ugali na mapagpakumbaba, mapagbigay, at bukas-palad. Kung mapagpakumbaba ka, siguradong yayapakan ang iyong mga karapatan. Kung mapagbigay ka, siguradong itutulak ka lang sa tabi ng mga mapag-imbot. Kung bukas-palad ka kaya maluwag sa loob ang pagtulong sa kapwa, aabusuhin ka naman.

 

Dahil sa nabanggit na mga kalituhan, yong isa kong kaibigan, ay halos ayaw nang lumabas ng bahay upang makaiwas sa mga hindi magandang mangyayari sa kanya. Dahil sa ginawa niya, itinuring siya ng mga ungas niyang kapitbahay na “makasarili”. Sabi niya minsan sa akin, kung magpapaputok siya ng baril sa kalye siguradong sasabihin ng mga kapitbahay niyang “siga” siya. Sinabihan ko na lang na madaling araw pa lang ay umalis na siya at umatend ng misa sa Baclaran o Quiapo, pagkatapos ay mamigay ng tulong sa squatter’s area at kapag padilim na ay saka na lang siya umuwi – walang mga ungas na kapitbahay ang makakakita sa kanya. Sabi ko nga sa kanya ay maswerte siya at ungas lang ang mga kapitbahay niya…hindi mapagkunwari at mainggitin.

 

Hind lang sa pakikipagkapwa-tao ang may kalituhan, kundi kahit na rin sa mga bagay na kailangan upang mabuhay tulad ng pagkain. Kailangan daw ay kumain ng gulay at isda dahil masustansiya ang mga ito. Subali’t sa palengke, hindi lang isda ang nilulublob sa “formalin”,  ang kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo, kundi pati na rin mga gulay upang hindi malanta agad. Ang karagatan at mga ilog na tinitirhan ng mga isda ay marumi na rin. Ang mga nahiwang gulay ay nilulublob sa tawas upang hindi mangitim tulad ng hiniwang langkang nakagawiang iluto sa gata at talong na tinanggalan ng bulok na bahagi, pati binalatang gabi, kamote, at patatas. Ang mga gulay sa pataniman ay alaga din sa mga chemical na pamatay-peste habang lumalago. Yong sinasabing mga “organic” daw ay hindi rin sigurado dahil maraming mga nagtitindang mahilig magsinungaling, makabenta lang. Kung totoo man, ay nakakakuha naman ang mga ito ng lason mula sa hangin.

 

Ang mga karne ay may mga anti-biotic, kaya ang akala ng isang kumpanyang nagdede-lata ng produktong karne ay bobo lahat ng mamimili dahil sinasabi ng ads nila na walang sakit ang mga baboy at manok nila – siyempre, dahil alaga sa antibiotic!…talaga din namang kumita lang, lahat ay gagawin upang makapanlinlang. At, yong mga batang lumaki sa gatas at karne ng hayop, ngayon ay may ugaling hayop na rin…dahil kung hindi man bastos ay lapastangan at suwail pa!

 

Ang mga softdrink lalo na ang “Cokes” (tawag yan ng Bisaya sa Coke”), na pampagana sa pagkain kahit bagoong, toyo, o patis lang ulam ay nakakasira ng kidney at atay. Kung mag-ulam naman palagi ng instant noodles na pinakamura at pinakamadaling iluto, subalit ginamitan ng kemikal upand hindi magdikit-dikit, ay lalo namang sisira ng kidney. Mismong bigas na sinasaing ay may mga chemical din upang hindi kainin ng uod at kuto habang nakaimbak sa bodega, kung saan ay iniispreyhan pa sila upang hindi upakan ng mga daga at ipis.

 

Ang instant na kape ay dumaan din daw sa mga paraan o process na nangailangan ng mga kemikal na hindi maganda sa katawan kahit pa sabihing nakakatulong ang inuming ito sa paglusaw ng cholesterol at bara sa daluyan ng dugo patungo sa puso. Ang asukal na puti ay mayroong bleaching chemical na nagpaputi sa dating manilaw-nilaw na katas na ito ng tubo. Naka-imbento ng artipisyal na asukal upang makaiwas sa diabetes, subalit nakakasira naman din daw ng kidney.

 

Pati mga bitamina na ginagawa sa mga laboratoryo ay pinagdududahan na rin. Kahit maliit lang ang sumobra sa naimon ay magsasanhi na ng overdose na maaari pang maging sanhi ng sakit. Sa puntong ito, ang mga gamot na akala natin ay nakakapandugtong ng buhay ay hindi rin pala magandang basta na lang iinumin, kaya mismong anti-biotic ay hindi na rin ligtas.

 

Ano pa nga ba at, animo ay nag-uunahan ang mga bahagi ng katawan natin kung alin sa kanila ang unang manghihina hanggang bumigay  dahil sa mga pagkaing akala natin ay pampahaba ng buhay, yon pala ay may mga lasong unti-unting nakakamatay. Kaya siguro, madalas na payo ng doctor sa pamilya ng pasyente na may taning na ang buhay, ay pagbigyan na lang ito sa lahat ng hihilingin niyang pagkain dahil wala na rin namang mangyayari bunsod ng lasong nagkakaiba lang ang dami sa bawat pagkain.  Ang maratay dahil sa sukdulang epekto ng lason na nakukuha natin sa mga pagkain at hangin ang ultimate na sitwasyon kung saan ay talagang angkop ang kasabihang, “no choice” at “…no turning back”.  Ang kalagayan ring ito ang nagpapakita na ang tao ay nagsi-self destruct!

 

 

 

 

2 thoughts on “Masarap Sana, Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

  1. Tungkol sa kaibigan mong ayaw nang makibagay kahit kanino: Nari-realize kaya niya na siya ay may isang uri ng depresyon? Tama ka sa payo mo na lumabas siya at tumulong sa mga squatter, atbp. Ang gamot sa masyadong pag-iisip sa sarili ay ang pagpansin sa ibang tao ay mga problema ng iba, at pagtulong sa mga ito, kahit sa maliliit na paraan.

    Tungkol sa nakakasamang pagkain: Iyan ang rason kung bakit dapat tayong magtanim ng sarili nating gulay! Sa ganoon, sigurado tayo sa kasariwaan ng ani at kawalan ng masasamang chemicals sa mga dahon, tangkay, at bunga.

    Tungkol sa mga pekeng gamot: Tandaan ang sabi ng Ama ng Medisina, ang Griyegong si Hippocrates. Ang payo niya ay, “Let your food be your medicine.” Sa ibang salita, kunin ang sustansiya sa pagkain, hindi sa pildoras. Kumain ng mga gulay na may mabubuting bitamina at mineral. Sa pagkaing galing sa hayop, unahing piliin ang lumalangoy, ikalawa ang lumilipad, at huling piliin ang naglalakad. Isa pa, kumain ng sariwang prutas bilang dessert, imbes na na mga minatamis.

    Sent from my iPad

    >

    Liked by 1 person

    • thanks sa pag-agree lalo na sa pagkain bilang gamot na rin….marami pa ang hindi nakaka-appreciate niyan….tulad halimbawa ng pagkain ng bawang, luya, sili, saluyot, etc….ayaw dahil masama daw ang lasa….

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s