Nakakabilib ang Ginagawa ng BUCOR (Bureau of Correction)

Nakakabilib ang Ginagawa ng BUCOR (Bureau of Correction)

Sa Kasalukuyan

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa ilalim ng kasalukuyang pamumuno ni Ricardo Rainier G. Cruz III, nakakabilib ang ginagawa ng kagawaran sa kabuuhan upang magkaroon ng pagbabago sa National Bilibid sa abot ng kanilang makakaya. Nagpakita sila ng katapangan at katatagan sa maya’t mayang pag-raid ng mga selda, lalo na ang pagsira ng mga maluluhong pinagawa ng mga detinadong may kaya. Sinira nila ang swimming pool, ang animo ay condo, isa pang mala-hotel room, at marami pang iba.

 

Marami ang nasaktan noon dahil nadamay sa pagbatikos sa mga nakaraang pamunuan bunsod ng kalamyaan nila sa pagpatupad ng mga patakaran, kaya kahit na ang ginawa ni Secretary de Lima noong personal itong mag-inspection ay hindi naipagpatuloy. Hindi lahat ng nakatalaga sa National Bilibid ay masama, lalo na ang mga walang direktang kontak sa mga detinado. Sila ang mga inosenteng nakatalaga sa opisina ng nasabing pasilidad, kaya nabanggit ko noon na walang silbi ang pagpalit ng namumuno kung walang drastic o mapusok na pagbabago tulad ng total na pagpalit-palit ng mga direktang guwardiya upang maiwasan ang fraternal closeness sa pagitan nila at ng mga detinado.

 

Tahimik ang pag-upo ng bagong namumuno sa BUCOR kaya marami ang nagulat nang ma-interview siya sa isang radio station. Nagpapahiwatig na iba ang kanyang pagkatao – tahimik na ang layunin lang ay maisaayos ang kinakaharap na problema. Talagang mahirap ang kalagayan ng Bilibid dahil sa kakulangan ng budget, at dapat ding unawain na ang pagbabago ay imposibleng makakamit sa magdamag. Ganoon pa man, marami ang nagdadasal na sa pagkakataong ito, sana ay talagang magkaroon ng malawakang pagbabago sa loob ng Bilibid.

Tokens of Love for the Beloved

Tokens of Love for the Beloved

By Apolinario Villalobos

 

One need not be rich

to show the love that throbs in his heart.

Tokens are not measured

by the weight of gold and value of paper bills…

not even by the vastness of the land he owns,

or fleet of cars in his garage.

A sincere token of love can be felt by the beloved –

even a peck on the check,

a hug that need not be chokingly tight

but warm enough,

to send a tinge of assurance

that he is just around.

 

 

Tokens of love need not be

the oft-repeated promises

broken in a fleeting second by temptations.

A sweet smile that parts the lips

and a touch of one’s finger tips

are enough for tears

to roll down the beloved’s face

and a suppressed sob –

at last, that she lets out

as his love for her…

she can no longer doubt.

6674660-man-and-woman

 

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat Mga Batang Gutom ang Pakainin

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat

Mga Batang Nagugutom ang Pakainin

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang sinabi ni Cardinal Tagle na sa pangingilin ng mga Kristiyano, isama ang pagpakain sa mga batang gutom…para sa akin ay bitin, kulang. Dapat ay buong pamilya na ang pakainin dahil kung may mga batang gutom, malamang ay gutom din ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan, maliban lang kung ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay mga batang kalye na lumayas mula sa kanilang mga tahanan. Sa isang banda, kahit ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay ang batang sumisinghot ng rugby, o mga “batang hamog”, dapat isiping may mga pamilyang gutom din namang nakatira sa bangket at yong iba ay ginawa pang tahanan ang kariton. Hindi lang dapat pagkain ang ibigay sa kanila kundi pati na rin damit at tarpaulin na panglatag sa sementong hinihigaan.

 

Maliban sa tao, sana naman ay isama na rin ng mga nangingilin ang mga hayop na nasa kalye – mga aso at pusang walang mga “tao”, o mga taong nag-aalaga, o walang tahanan inuuwian. Sila ay may mga buhay din naman. Sana ang mga taong nangingilin na naglagay pa ng uling na hugis krus sa noo nang sumapit ang Ash Wednesday ay hindi mandiri sa pag-abot ng pagkain sa aso at pusang tadtad ng galis ang katawan kaya halos mawalan na ng balahibo. Sana ay hindi sila maduwal o masuka kung abutan nila ang mga ito ng mga pinira-pirasong tinapay.

 

At baka, maaari na ring isama ang isa pang nilalang ng Diyos na bahagi na rin ng buhay ng tao – ang mga halaman. Maraming tao ang pabaya sa kanilang mga halaman. Sila ang mga taong ang hangad lang sa pagbili ng mga halaman ay makisabay sa mga kinainggitang kapitbahay, subalit dahil talagang walang hilig, kalaunan ay pinabayaan na nila ang mga kawawang halaman. Itong mga mayayabang kaya ang gutumin at uhawin? Kung ayaw na nilang mag-alaga sa pinagyabang na mga halaman sana ay ipamigay na lang din nila sa mga kapitbahay na hindi nila kinaiinggitan.

 

Kung dapat maging mabait ang mga nangingilin sa mga hayop at halaman sa Holy Week, sana ay bigyan din nila ng puwang sa kanilang dasal ang mga taong ASAL-HAYOP na nagkalat sa Kongreso, Senado, at mga ahensiya ng gobyerno. Sana ay ipagdasal nila ang pagbago ng mga ASAL-HAYOP na mga taong ito upang hindi pa madagdagan pa ang haba ng kanilang mga sungay!

 

Higit sa lahat, sana ang gagawing pangingilin ng mga tao sa taong 2016  ay hindi dahil nakisabay lang sila sa mga kaibigan, kundi dahil bukal sa kanilang kalooban. Hindi sana nila gagawin ang pangingilin para sa mga nagawa nilang kasalanan, kundi upang bigyan din sila ng lakas na mapaglabanan ang tukso sa paggawa ulit ng mga kasalanan. Tuluy-tuloy sana nilang gawin ang pangingilin taon-taon, habang kaya nila hanggang sila ay malagutan ng hininga!

 

dog

 

 

 

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Walang silbi ang pagbago ng pagkatao kung ugali lang ang magbabagong anyo, at ang pananaw sa buhay ay hindi. Ang isang halimbawa ay ang pagbago ng isang lasenggo na nabawasan nga ang pag-inom ng alak subalit hindi pa rin naniniwala sa kahalagahan ng pag-impok para sa kinabukasan….kaya kahit hindi na lasenggo, ay bulagsak pa rin sa pera. Ang ugali ng tao ay tungkol sa mga nakasanayang gawin at sabihin. Kung ang isang tao ay hindi na nga nagmumura pero mapanira pa rin ng kapwa, wala ring silbi an kanyang pagbabago.

 

May mga ugali ring mahirap baguhin dahil lulutang at lulutang ang likas na nakagawiang hindi kayang takpan ng pagpapaka-plastik o pagkukunwari. May mga taong sensitibo sa ugali ng iba kaya nararamdaman nila kung bukal sa kalooban ang sinasabi ng mga kausap nila dahil naipagkakanulo o betrayed sila ng ekspresyon ng kanilang mukha, at kahit ng simpleng galaw ng mata…sa Ingles, ito ang tinatawag na “body language”.

 

Ang paniniwala ay nagsisimula sa isip ng tao at ito ang nagpapakilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Dalawang lakas ang nakakaapekta sa isip – positibo at negatibo….sa simpleng salita – mabuti at masama. Kung hindi tutugma ang ikinikilos ng isang tao sa kanyang iniisip, “nadudulas” siya sa pagsalita, na kung sa Ingles ay tinatawag na “slip of the tongue”. Ang tawag sa pilit na pagtatakip ng tunay na ugali ay pagkukunwari.

 

Upang maging kapani-paniwala ang pagbabago na ginagawa tuwing Holy Week at Bagong Taon, piliin ang mga ugaling “kayang baguhin”. Hindi kailangang mag-ambisyong maging santo o santa ang isang tao upang mabago ang masama niyang ugali. Kahit hindi siyento por siyentong mababago ang masamang ugali ng isang tao, basta aminin niyang siya ay talagang masama, ito ay katanggap-tanggap na, dahil nangangahulugang alam niya kung ano ang dapat baguhin sa kanyang pagkatao. Sa ganyang paraan, kahit papaano ay mauunawaan ang kanyang pagpipilit  kaysa naman siya ay magpaka-plastik pero madalas namang madulas!!!