Ang Credit Card Bilang Status Symbol ng Ilang Pilipino

Ang Credit Card Bilang Status Symbol ng Ilang Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang paggamit ng credit card na kung tawagin ng iba ay “plastic money” ay dapat inaangkop o binabagay ng isang tao na gustong gumamit nito sa kanyang pinansiyal na kalagayan sa buhay. Unang-una, ang interest na pinapataw tuwing ito ay gamitin ay talagang matindi lalo pa kung naiipon ng kung ilang buwan. Sa biglang tingin, maliit ang binabayaran kapag gumamit nito sa pamimili dahil maaaring hatiin sa kung ilang hulugan ang pagbayad. Subalit ang hindi napapansin ay ang pagpatung-patong ng mga natirang babayaran pa na may kaakibat na compounding interest, at hindi napapansin ng gumagamit. Magtataka na lamang ang gumagamit nito kapag napansin niyang lalong lumala ang problema niya sa pera at may nakaamba pang demanda dahil sa hindi pagbayad sa lomobong utang sa credit card company.

 

Tanggap ang katotohanang nagpapalakas ng loob ang credit sa mga taong bumili ng kahit hindi nila kailangan, lalo pa at nasa loob na sila ng mall. Ang isa pa, nakakahiyang bumili gamit ang credit card, sa maliit na halaga, kaya kailangan ay lakihan na upang hindi pandilatan ng dispatsadora kung ang binili ay halagang wala pang Php100.00.

 

Ang credit card ay sumisira sa kasabihan ng mga Pilipino tungkol sa “pamamaluktot kung maigsi ang kumot”. Ang kasabihang yan ay angkop lamang sa mga may hawak na cash, kaya kung ano lang ang kaya ng pera nila ay hanggang doon na lang sila. Kung ang kaya ng cash halimbawa na dapat bibillhing pagkain ay halagang Php500 lang, hanggang doon na lang talaga. Pero, iba kapag ang hawak ay credit card dahil karaniwang maximum limit of purchase nito ay hindi bababa sa Php20,000. Yong may  kakayanan namang magbayad ng malaki batay sa suweldo nila at kinalalagyan sa lipunan, ay unlimited.

 

Ang mga Pilipino na ang asawa ay nasa abroad o di kaya ay seafarer at malalaki pa ang suweldo ay may karapatan sa paggamit ng credit card dahil may inaasahan silang regular na malalaking remittance. Ang hirap lang sa ibang Pilipino kasi,  kahit ang suweldo ay lampas lang ng kaunti sa Php10,000 ay nagkakalakas na ng loob sa pagkuha nito….at, hindi lang isa, kundi dalawa pa, lalo pa at pwedeng gamitin ang card sa pag-withdraw ng cash sa ATM. Ang ginagawa kasi nila ay ang style sa pagbayad na “pasa-pasa”. Ibig sabihin, magwi-withdraw sila ng cash gamit ang isang card upang pambayad sa bill ng isa, at ganoon din ang gagawin sa isa, upang may pambayad sa isa pang card. Nasabi ko ito dahil marami na akong taong nakausap na ganito ang ginagawa. Kapag umabot na sa puntong hindi na talaga kayang magbayad ay magre-resign sa trabaho, magpapagawa ng ibang ID sa Recto gamit ang ibang pangalan, at magtatago….at pagkalipas ng ilang buwan o taon ay saka lilitaw at hahanap ng trabahong hindi nagri-require ng masinsinang background check, kaya nagagamit nila ang pekeng ID.

 

Kaya hindi nati-trace ang ibang abusadong credit card holders ay dahil nangungupahan lang sila sa mga squatter’s area. Yong iba naman ay nagbo-board and lodging o di kaya ay bedspacer sa mga liblib na address. Kawawa ang mga guarantor nila na sumasalo sa mga bayarin. Yong ibang guarantor naman kasi ay nasisilaw sa kikitaing “referral commission”, kaya dahil sa katakawan sa kakarampot na kita ay lumaki pa ang problema nila, at may banta pang demanda.

Ang isang nakakatawang ugali ng ibang Pilipino ay ang pag-ipon nila ng mga expired na credit card at dinidispley sa kanilang pitaka, lalo na yong mahaba na may maraming slots para sa mga ito. Pagbukas nga naman nila ng pitaka sa harap ng mga kaibigan ay kita agad ang mga plastic cards. Yong hindi nakakaalam sa tunay na pagkatao ng nagyayabang lalo pa kung maporma ay talagang maniniwala, kahit sa tunay na buhay ang mayabang ay maliit ang suweldo at halos walang pamasahe na magamit sa pagpasok. Alam ko yan, dahil sa trabaho ko noon, marami silang naging kasama ko – mga clerk at yong isa ay messenger/janitor….may mga credit card pero pinagpapalit-palit ang Lunes, Miyerkules at Biyernes na pinapalyahan o hindi pinapasukan dahil walang pamasahe! At, yong mga umutang sa akin na nagkaroon ng amnesia dahil nauntog yata, ay pinasa-Diyos ko na lang…

Advertisement

4 thoughts on “Ang Credit Card Bilang Status Symbol ng Ilang Pilipino

  1. Ang malungkot ay ito: nagiging bahagi na ng buhay ng kabataan ang pangungutang! Minsan ay dumaan na sorbitero sa tapat ng bahay. Humingi ng pampalamig ang pamangkin kong anim na taong gulang. Sabi ng lola (mother ko): wala akong perang pambayad sa ice cream. Ang mabilis na na sagot ng bata: “Card, Lola, pwede sa card.!”

    Liked by 1 person

  2. Status symbol? Ahahaha. Grabe. Credit card ay status symbol? Eh credit card ay utang. Samantalang dito, ituturo sayo “pay cash if you can”. May ikukwento ako. Yong isang kakilala ng tatay ko ay nagtratrabaho bilang cashier sa grocery store. Ang sabi nong cashier na yon, marami siyang naii-encounter (Pilipino man o hindi) na ang gagarbo at sopistikado ng mga damit. Kapag babayaran nila ang mga bilihin, nakaka-ilang credit card sila dahil rejected. Kung minsan napipilitan silang gamitin ang debit card dahil rejected nga lahat ng credit card nila. Ang dala nilang pocket money? $5 o $20 lang. Samantalang yong mga marurumi ang damit at punit-punit (mga nagtratrabaho sa mga carpentry o ibang hard jobs), ang kakapal ng mga wallet at ilang daan ang dala. Imagine that. Mas nakakabayad pa yong mga hindi mo aakalain na mataas ang “status”.

    Liked by 1 person

    • Very very true!….kaya dito sa Pinas nauuso ang mahabang pitaka na maraming slots para sa credit cards….shock ako dahil may mga friends ako ang gaganda ng bahay, latest and gadgets, latest ang kotse pero ang laman ng pitaka ay wala pang 500 pesos…pareho rin ng mga Pinoy diyan na ang gaganda ng suot peto ang laman ng pitaka ay $5 or 20….ang yabang talaga ng Pinoy…..sa America ganoon din yata dahil ang unang inaambisyon ng Pinoy ang magkaroon ng kotse na pangporma, samantalang ang mga neighbors na Americans ay nagko-commute lang…

      Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s