Rose

Rose

(para kay Rosita Segala)

Ni Apolinario B Villalobos

 

Kung siya’y iyong pagmasdan

Mababanaag mo sa mga mata niyang malamlam

Bigat ng pinapasang katungkulan

Hindi lang para sa mga mahal sa buhay

Kung hindi, pati na rin sa malalapit na kaibigan.

 

Mayroon man siyang kinikimkim

Hindi kayang isiwalat ng maninipis na labi

Ang matagal nang pinipigil na damdamin

Nakapaloob sa nagpupumiglas na tanong

“May kaligayahan kaya para sa akin sa dako pa roon”?

 

Marami na rin siyang inasam sa buhay

Nguni’t maramot ang kapalaran at pagkakataon

Kabutihang kanyang pinamamahagi sa iba

Kalimitan ay palaging may katumbas na luha

Pati na pag-abuso na nagbibigay ng matinding pagdurusa.

 

Sa kabila ng lahat, marubdob pa rin ang paniniwala niya sa Diyos

Na siyang tanging nakakabatid ng lahat ng kanyang paghihirap

At alam niyang darating ang panahon na kanyang makakamit

Pagmamahal at katiwasayan ng kalooban na sa kanya’y pinagkait

Samantala, kanya na lang iindahin, mga darating na siphayo at pasakit.

 

(Si Rose ay taga-Quezon at nang mapadpad sa Maynila noong 1972 ay kumuha ng maliit na puwesto sa Recto, sa bahaging kung tagurian ay “Arranque”. Sa bahaging ito ng Maynila makakakita ng mga alahas na binebenta ng mura dahil karamihan ay nabili ng bultuhan o maramihan sa mga bahay-sanglaan o pawnshop. At, sa ganitong uri ng negosyo sumabak si Rose, subalit hindi sa pagbenta, kundi sa paglinis na kasama ang pagtubog upang lalong tumingkad mga alahas. Ang puwesto niya ay nasa ilalim ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng lumang gusali, kung saan ay may inuupahan siyang kuwarto, kasama ang kanyang pamangkin na si Marivic.

 

 

Marami siyang kakumpetensiya sa uri ng kanyang trabaho – mga lalaki, kaya napabilib ako sa kanya nang malaman ko ang kanyang trabaho. Ayon sa kanya, pinipilit niyang makaipon upang may magamit sa mga emergency na pangangailangan kaya alas- siyete pa lamang ng umaga ay nag-aabang na siya ng mga kostumer na gustong magpalinis ng alahas, at inaabot siya ng gabi dahil sa kanyang pagtitiyaga.

 

Sa probinsiya pa lang nila ay marami nang natulungan si Rose, subalit hindi siya naghangad ng kapalit. Nakakaramdam siya ng kasiyahan sa pagtulong sa iba upang hindi sila makaranas ng mga kahirapang napagdaanan niya. Ayaw niyang umasa sa mga kamag-anak, kahit na yong mga natulungan niya, kaya nagsisikap, at pinapasa-Diyos na lamang niya kung ano man ang mangyari sa kanya, subalit kahit papaano ay nag-iingat pa rin siya.)

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s