Ano Ba Talaga ang Pag-ibig?

Ano Ba Talaga Ang Pag-ibig?

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mula pa noong panahong nauna

Ang pag-ibig ay sinisimbolo na ni kupido

Isang  anghel na laging tangan ay pana

Nakaumang sa magsing-irog

At handang magpakawala ng palaso

Na siyang tutusok sa mga puso

Magpapatibok sa mga ito ng mabilis

Hudyat na nabaon na ang pag-ibig

At handang bigkasin ng kanilang bibig.

 

Marami na ang namatay dahil sa pag-ibig

Marami na rin ang nasiraan ng bait

Marami  rin ang napariwara

Kaya  sa murang gulang ay nagsama

Nagpadami ng supling sa mundong ibabaw

Naging  palamunin at sa kalye’y pakalat-kalat

Walang direksyon ang buhay nguni’t

Kung umasta sila akala mo’y sikat –

Mga katawang nanlilimahid sa gulanit na damit.

 

Masarap ang umibig kung isip ang magpapanaig

At hindi damdamin na malayo sa utak

Na siyang dahilan ng masakit ng pagbagsak

Kapag natauhan sa bulag na dikta ng damadamin

Na kung umiral ay animo ulap sa kalawakan –

Natatangay ng hangin at hininigop ng init

Patungo sa mga palanas na tigang

Naghihintay na kahi’t ambon ay mabiyayaan

O di kaya’y hamog sa magdamag o kinaumagahan.

 

Di dapat umasa ng kung anu-ano na dala ng pag-ibig

Dapat hintaying kusang ialay ng taong nakakadama nito

Dahil pagkasiphayo lamang ang idudulot sa umaasa

Kung hindi dumating ang minimithi
Na nakikimkim ng damdaming kimi;

Dapat ding likas na maipakita sa mga kilos

Ang marubdob na nadarama ng isang umiibig

Huwag hintaying hingan ng kanyang irog

Ng mga bagay na sa harap niya ay dapat idulog.

 

Banal ang tunay na pag-ibig

Ito ay hindi libog na sa isang saglit

Kakawala sa katawang nag-iinit;

Kaakibat nito’y pagtatanging di nagdududa

At turingang may respeto sa isa’t isa,

Ang  bawa’t tibok ng puso para sa iniirog

Dapat ay laging dumadaan  sa utak

Nang sa gayon, lahat ng naipapakita sa kilos

At nasasambit ng bibig ay napag-iisipang lubos.

4531054-two-isolated-heart-on-a-white-background-3d-image

2 thoughts on “Ano Ba Talaga ang Pag-ibig?

  1. Ang utak ay nasa itaas ng puso, kaya maigi kung paiiralin natin ang pasya ng isip sa pagpili ng kakasamahin sa buhay. Maganda ang pakiramdam sa unang atraksyon, ngunit DAPAT pag-aralan muna natin ang ugali ng nagugustuhang tao. Timbangin ang mga asal na maganda at … nakakainis. Itanong sa sarili kung magiging katulong ba sa maunlad na pamumuhay ang taong ito; masipag ba? marunong ba humawak ng pera? … Huwag padadala sa mga “kwelang” gawain ng kung minsan ay nakakatawa; pagdating ng mabibigat na problema, maaring mawala ang pagka-komiko niya, at luha ang papalit sa halakhak. AT ANG PINAKAMAHALAGA: pareho ba kayo ng paniwala sa Diyos? Hindi relihiyon ang pinag-uusapan dito, hindi ang dalas ng pagsisimba… kundi ang lalim ng paniwala sa paggawa ng kabutihan sa sarili, sa mga mahal sa buhay, at sa ibang tao.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s