Ano Ba Talaga ang Pag-ibig?

Ano Ba Talaga Ang Pag-ibig?

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mula pa noong panahong nauna

Ang pag-ibig ay sinisimbolo na ni kupido

Isang  anghel na laging tangan ay pana

Nakaumang sa magsing-irog

At handang magpakawala ng palaso

Na siyang tutusok sa mga puso

Magpapatibok sa mga ito ng mabilis

Hudyat na nabaon na ang pag-ibig

At handang bigkasin ng kanilang bibig.

 

Marami na ang namatay dahil sa pag-ibig

Marami na rin ang nasiraan ng bait

Marami  rin ang napariwara

Kaya  sa murang gulang ay nagsama

Nagpadami ng supling sa mundong ibabaw

Naging  palamunin at sa kalye’y pakalat-kalat

Walang direksyon ang buhay nguni’t

Kung umasta sila akala mo’y sikat –

Mga katawang nanlilimahid sa gulanit na damit.

 

Masarap ang umibig kung isip ang magpapanaig

At hindi damdamin na malayo sa utak

Na siyang dahilan ng masakit ng pagbagsak

Kapag natauhan sa bulag na dikta ng damadamin

Na kung umiral ay animo ulap sa kalawakan –

Natatangay ng hangin at hininigop ng init

Patungo sa mga palanas na tigang

Naghihintay na kahi’t ambon ay mabiyayaan

O di kaya’y hamog sa magdamag o kinaumagahan.

 

Di dapat umasa ng kung anu-ano na dala ng pag-ibig

Dapat hintaying kusang ialay ng taong nakakadama nito

Dahil pagkasiphayo lamang ang idudulot sa umaasa

Kung hindi dumating ang minimithi
Na nakikimkim ng damdaming kimi;

Dapat ding likas na maipakita sa mga kilos

Ang marubdob na nadarama ng isang umiibig

Huwag hintaying hingan ng kanyang irog

Ng mga bagay na sa harap niya ay dapat idulog.

 

Banal ang tunay na pag-ibig

Ito ay hindi libog na sa isang saglit

Kakawala sa katawang nag-iinit;

Kaakibat nito’y pagtatanging di nagdududa

At turingang may respeto sa isa’t isa,

Ang  bawa’t tibok ng puso para sa iniirog

Dapat ay laging dumadaan  sa utak

Nang sa gayon, lahat ng naipapakita sa kilos

At nasasambit ng bibig ay napag-iisipang lubos.

4531054-two-isolated-heart-on-a-white-background-3d-image

Rose

Rose

(para kay Rosita Segala)

Ni Apolinario B Villalobos

 

Kung siya’y iyong pagmasdan

Mababanaag mo sa mga mata niyang malamlam

Bigat ng pinapasang katungkulan

Hindi lang para sa mga mahal sa buhay

Kung hindi, pati na rin sa malalapit na kaibigan.

 

Mayroon man siyang kinikimkim

Hindi kayang isiwalat ng maninipis na labi

Ang matagal nang pinipigil na damdamin

Nakapaloob sa nagpupumiglas na tanong

“May kaligayahan kaya para sa akin sa dako pa roon”?

 

Marami na rin siyang inasam sa buhay

Nguni’t maramot ang kapalaran at pagkakataon

Kabutihang kanyang pinamamahagi sa iba

Kalimitan ay palaging may katumbas na luha

Pati na pag-abuso na nagbibigay ng matinding pagdurusa.

 

Sa kabila ng lahat, marubdob pa rin ang paniniwala niya sa Diyos

Na siyang tanging nakakabatid ng lahat ng kanyang paghihirap

At alam niyang darating ang panahon na kanyang makakamit

Pagmamahal at katiwasayan ng kalooban na sa kanya’y pinagkait

Samantala, kanya na lang iindahin, mga darating na siphayo at pasakit.

 

(Si Rose ay taga-Quezon at nang mapadpad sa Maynila noong 1972 ay kumuha ng maliit na puwesto sa Recto, sa bahaging kung tagurian ay “Arranque”. Sa bahaging ito ng Maynila makakakita ng mga alahas na binebenta ng mura dahil karamihan ay nabili ng bultuhan o maramihan sa mga bahay-sanglaan o pawnshop. At, sa ganitong uri ng negosyo sumabak si Rose, subalit hindi sa pagbenta, kundi sa paglinis na kasama ang pagtubog upang lalong tumingkad mga alahas. Ang puwesto niya ay nasa ilalim ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng lumang gusali, kung saan ay may inuupahan siyang kuwarto, kasama ang kanyang pamangkin na si Marivic.

 

 

Marami siyang kakumpetensiya sa uri ng kanyang trabaho – mga lalaki, kaya napabilib ako sa kanya nang malaman ko ang kanyang trabaho. Ayon sa kanya, pinipilit niyang makaipon upang may magamit sa mga emergency na pangangailangan kaya alas- siyete pa lamang ng umaga ay nag-aabang na siya ng mga kostumer na gustong magpalinis ng alahas, at inaabot siya ng gabi dahil sa kanyang pagtitiyaga.

 

Sa probinsiya pa lang nila ay marami nang natulungan si Rose, subalit hindi siya naghangad ng kapalit. Nakakaramdam siya ng kasiyahan sa pagtulong sa iba upang hindi sila makaranas ng mga kahirapang napagdaanan niya. Ayaw niyang umasa sa mga kamag-anak, kahit na yong mga natulungan niya, kaya nagsisikap, at pinapasa-Diyos na lamang niya kung ano man ang mangyari sa kanya, subalit kahit papaano ay nag-iingat pa rin siya.)