Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

2 thoughts on “Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s